Arts & Culture

Huwad na Magna Carta for Filipino Seafarers, ibasura–CSP – Pinoy Weekly

Huwad na Magna Carta for Filipino Seafarers, ibasura–CSP – Pinoy Weekly


Hindi itinuturing na tagumpay ng mga Pilipinong mandaragat ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Magna Carta for Filipino Seafarers (MCFS) nitong Set. 23 na matagal nabinbin ang pagtalakay sa Kamara at Senado nang huhigit-kumulang 20 taon.

Para sa Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), huwad ang Republic Act (RA) 12021 o Magna Carta for Seafarers. Anila, hindi kapakanan ng mga mandaragat ang tunay na pinoprotektahan ng batas kundi ang interes ng mga manning agency at mga insurance company.

“Walang konsiderasyon sa mga Filipino [seafarer] ang pangulo at ang mga may akda ng batas, higit na kinokonsiderang proteksiyonan ng RA 12021 ang mga manning, principal, ships owner at insurance company,” sabi ng grupo. 

Matatandaang nirebisa ang orihinal na panukalang batas na ihinain noon ng Makabayan bloc sa Kamata at inalis ang probisyon sa execution bond na magpapahirap sa mga marinong makatanggap ng pinansiyal na tulong para sa kanilang medikal na pangangailangan.

Tatlo lang sa Kamara ang hindi bumoto para mapirmahan ang batas habang dalawa naman sa Senado. Ayon sa CSP, isa itong paalala na totoong mga manggagawa dapat ang iluklok sa mga posisyong ito.

Panawagan din ng grupong tigilan ang panggagatas sa mga Pilipinong seafarer. Bagkus, gawing prayoridad at proteksiyonan ang kanilang karapatan. 

“Ang paglalagay ng execution bond [sa] nanalong kaso ay pagpipigil para makamit ang katarungan ng mga Filipino [seafarer]. Ganoon din ang pagpapanatili ng age discrimination at pagpapalala ng blacklisting o watchlisting. [Hindi rin] dapat isama sa batas ang mga eskuwelahan at institusyon ng maritima, bagkus dapat nitong suportahan at pababain ang mga binabayarang [matrikula] ng mga marinong Pilipino. [Tanggalin] ang mga unecessary training,” dagdag nila. 

Bukod pa dito, mungkahi ng grupong isama ang domestic seafarers at mangingisda sa pagsulong ng patas na sahod at patawan ng kriminal na parusa ang umaabuso sa character checking o blacklisting. 

Pinuna rin ni Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’ Party at ngayon’y kandidatong senador ng Makabayan Coalition, ang kabiguan ng MCFS na tugunan ang mga pangunahing isyu ng sahod at seguridad sa trabaho ng mga seafarer.

“Ang ating mga marino ay sinasamantala sa kanilang hindi sapat na sahod at kakila-kilabot na kondisyon sa pagtatrabaho. Ang bagong batas ay walang ginagawa upang maitama ang kawalang katarungang ito. Ang kailangan natin ay isang tunay na magna carta para sa mga marino na maggagarantiya ng kanilang karapatan sa isang nakabubuhay na sahod at benepisyo,” aniya. 

Pirmado man, hindi nakikita ng CSP na tapos na ang kanilang laban para sa patas at makatuwirang MCFS. 

“Lalabanan [namin] ito sa Korte Suprema, sa kalsada, ipababasura, susuportahan ng mga [seafarer] ang mga makabayang senador, kongresita at [partylist] na makikiisa sa sa aming hinaing at hangarin naming mga [seafarer],” dagdag nila.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning