Nagbigay-paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko, kasama ang public utility vehicle (PUV) drivers and operators, na sumunod sa “capacity limit” na ipinatupad kasama ng Department of Transportation (DOTr) nitong Hul. 8.
Pinangalanan ang operasyon na “Anti-Sardinas Policy” ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DOTr Secretary Vince B. Dizon. Sa ulat ng DOTr, malaking tulong umano ang patakaran sa kaligtasan at kaginhawaan ng lahat, lalo na sa nakaugaliang sagarang pagpupuno ng PUVs.
Samantalang patuloy pa rin ang kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa “overloading” ng mga pampublikong sasakyan, mas pinaghigpitan ang pagpapatupad nito.
Reaksiyon
Tinutulan naman ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang patakaran. Anila, may mas mabisang paraan para tugunan ang problema sa transportasyon.
Hinimok ni Piston national president Mody Floranda ang gobyerno na pag-aralan muli ang patakaran. aniya, dapat pagtuunan ng pansin ang agarang pag-renew ng prangkisa ng mga tradisyonal na jeepney upang masolusyunan ang kakulangan ng bilang sa mga pampublikong saksakyan.
Umani rin ang Anti-Sardinas Policy ng halo-halong reaksiyon mula sa publiko.
Ang ilan ay nasiyahan dahil sa posibleng dala nitong pagbabago sa pampublikong transportasyon ng bansa, habang ang ilan ay nadismaya sa pangambang mas pahirapan ang pag-uwi lalo na pag “rush hour” simula ngayon.
Passenger capacity
Ibinahagi ng LTFRB ang listahan ng dami ng pasahero na aprubadong sumakay sa PUVs.
Traditional Jeepney: Mula 12 hanggang 32 na pasahero na hindi lalagpas sa maximum capacity ng manufacturer.
Modern Jeepney: Mula 12 hanggang 32 nakaupong pasahero at limang nakatayong pasahero alinsunod sa natitirang square meter na standing space.
UV Express Van: 12 pasahero kabilang ang driver.
Public Utility Bus (PUB): Mula 50 pasahero o higit pa na hindi lalagpas sa maximum capacity ng manufacturer. Maaari ding payagan ang limang nakatayong pasahero alinsunod sa natitirang square meter na standing space. Mahigit na pinagbabawal ang standing sa mga PUB na babiyahe nang matagal tulad ng mga papunta ng probinsya.
Ang paglabag sa patakaran ay papatawan ng multa at parusa o suspensyon at/o pagtanggal ng Certificate of Public Convenience.
