Tinatawagan ng National Democratic Front of the Philippines – Batangas ang bawat mamamayan ng probinsya lalo na ang mga boboto sa halalang pambarangay at sangguniang kabataan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) bukas, Oktubre 30, 2023 na ihalal at ipanalo ang mga kandidatong nakikita nilang titindig laban sa mga anti-mamamayang polisiya at tunay na isusulong ang progreso ng barangay.
Hindi na bago ang taktika ng naghaharing uri na kasabwatin at gamitin ang lokal na burukrasya, mula pambansa, pangrehiyon, pangbayan, hanggang sa antas pangbarangay para sa pagpapakasasa nito at pagsasamantala sa lokal na populasyon.
Malaon nang ginagamit ng mga panginoong may lupa ang mga makasariling kawani ng barangay para sa pangangamkam ng lupa at madulas na pagpapalayas sa mga residente, mula sa komunidad ng mga maralitang lungsod hanggang sa mga kabukiran at agrikultural na lupa ng mga magsasaka. Ganito rin ang ginagawa ng malalaking korporasyong pagmimina upang madali nilang mapasok at mapinsala ang mga kabundukang hitik sa likas na yaman.
Sa ganitong kalagayan, kinakailangan ng mga mamamayan na suportahan at ipanalo ang mga kandidatong may tunay na pagtindig laban sa ganitong mga pang-aabuso, lalo sa panahon kung saan todo-todo ang berdugong NTF-ELCAC sa pagsuyod nito sa mga komunidad sa kanayunan. Kinakailangan ng masang magsasaka ng mga kawani na titindig kasama nila, at hindi magpapagamit sa mga kaaway ng sambayanan. Kinakailangan ang mga indibidwal na hindi magpapatinag sa mga pananakot at panlilinlang ng AFP-PNP at ng NTF-ELCAC bagkus ay kaisa ng mamamayan sa pagpapalayas nito sa kanilang sibilyang komunidad sa kabila ng kaliwa’t kanang election-related violence lalo na sa mga kandidatong may paninindigan.
Higit sa lahat, kinakailangan ang mga kawani na bukas ang isipan sa lahat ng ideya at handang makipag-usap at sumuporta sa rebolusyonaryong kilusan para sa pagkamit ng tunay na progreso sa kaniyang nasasakupan. Kinakailangang kilalanin ng mga mamamayan na hindi solusyon ang sandamakmak na reaksyunaryong eleksyon sa pagkamit ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Nananawagan ang NDFP-Batangas sa lahat ng mahahalal na opisyal at kawani ng barangay at Sangguniang Kabataan na kumiling sa interes ng mga mamamayang inyong masasakupan, tutulan ang lahat ng anti-mamamayang proyekto, anuman ang gawin sa inyong panggigipit at pananakot.
LABANAN ANG MGA ANTI-MAMAMAYANG PROYEKTO SA MGA KOMUNIDAD!
ISULONG ANG TUNAY NA INTERES NG SAMBAYANAN!