Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na nagtala ng pinakamataas na unemployment rate o tantos ng disempleyo sa rehiyon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang 2.96 milyong mga Pilipino ang walang trabaho nitong Enero 2026. Samantala, sa pagsusuri ng Ibon Foundation, tinatayang 42% sa kabuuang bilang ng mga manggagawa o mahigit 20.6 milyon ang nasa informal work o mga trabahong hindi regular, hindi rehistrado o seasonal.
Marahil, para sa iba, ang 20.26 milyong mga Pilipino ay mga numero lang. Ngunit para kay Geraldine Carandang, isang helper sa canteen, at Lisa Clerigo, buko juice vendor, ang impormalidad at ang banta ng kawalang trabaho ay isang mapait na reyalidad.
Nagsusumikap

“Dati akong nagtatrabaho sa pabrika,” ani Geraldine. “Pero ang higpit sa daming pinapagawa tapos kapag tumatanda na ang hirap makapasok.”
Kuwento pa ni Geraldine, maalwan naman ang nagiging buhay ng pagiging isang canteen helper dahil hawak niya ang oras subalit wala siyang benepisyong natatanggap tulad ng Pag-IBIG at SSS kung hindi siya ang babawas sa arawang sahod at siya mismo ang maghuhulog.
Kada-araw, nag-uuwi ang mga canteen helper na tulad ni Geraldine ng P275 o nasa P8,000 kada buwan. Nasa P750 ang minimum na hulog sa SSS, habang P200 naman sa Pag-IBIG. Sumatotal, pumapatak na P950 ang nababawas sa buwanang sahod kapag boluntaryo siyang naghulog.
“Mahirap din minsan na badyetin,” wika niya. Marahil sa iba, maliit na halaga lang ang ang kabawasang ito, ngunit para kina Geraldine, malaking epekto ito sa pang-araw-araw nilang buhay dahil sa mahal na bayarin.
Ayon kay Cyrille Schwellnus, tumataas ang bahagdan ng informal work sa Pilipinas dahil sa kulang na regular na trabaho, implasyon, problema sa ekonomiya, kawalan ng oportunidad at mabilis na paglobo ng populasyon.
Sa kaso ni Geraldine, ang edad at kasarian ang nagiging basehan kung bakit nahihirapan ng makahanap ng regular na trabaho sa mga kumpanya. Kung tatanungin bakit pinipili pa rin ng mga tulad ni Geraldine sa impormal na trabaho, “Mas pipiliin ko pa rin na magtrabaho sa ganito (sa canteen), mas maalwan kase.”

Sa kabilang banda, tumanda na sa pagiging canteen helper at buko juice vendor si Lisa. Kuwento niya, 63 taong gulang na siya ngunit ang tanging alam lang niyang trabaho ay mamasukan.
“Ayos lang sa akin na magtrabaho sa ganito kasi wala namang magagawa e, wala gang choice,” sabi ni Lisa.
“Tinaguyod ko na ang pamilya ko sa ganito. Sa totoo lang, napagpatapos ko na ang anak ko sa kakaganito,” patuloy niya. “Dahil namasukan din ako bilang labandera, katulong, kung ano-ano.”
“Buong buhay akong nagtrabaho,” nakangiting wika ni Lisa. “Wala na rin akong asawa ngayon. Kaya nagtatrabaho na lang din ako para buhayin ang sarili ko. Ayoko na rin naman humingi sa mga anak ko. Nakakahiya.”
“Ngunit kung bibigyan ng pagpipilian, aba pipiliin ko ang mas maalwan na trabaho pero may edad na ako,” nakangiting wika ni Lisa, saka dagdag na, “babae rin ako.”
Epekto sa kababaihang obrero
Ayon kay Jacq Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), walang tuwirang employer-employee relationship at hindi regular ang kita sa araw-araw ang mga tulad nina Geraldine at Lisa na manggagawang kababaihan sa impormal na sektor. Karamihan sa kanila’y manininda, manikurista, labandera, barker at iba pa.
“Bunsod ng ganitong mga kalagayan, nagkakaroon at pinapalala ang gender wage gap,” sabi ni Ruiz.
Sa pinakabagong Labor Force Survey na inilabas ng PSA nitong Marso, tumaas ang tantos ng disempleyo sa Pilipinas sa 5.8% o 2.96 milyon nitong Enero 2026 mula sa 4.3% o 2.17 milyon noong Enero 2025. Tumaas din ang underemployment sa 13% o 6.35 milyon mula sa 11% o 5.5 milyong manggagawa na may trabaho ngunit kapos ang kita.
Nahahati naman sa apat na kategorya ng impormalidad sa nasabing sarbey. Nasa 24.7% ng kabuuang lakas-paggawa ng bansa ang self-employed na walang sahurang empleyado, 4.2% ang mga unpaid family worker, 2.4% ang mga nasa family-operated farm o business at 36% ang nasa impormal na empleyo na hindi agrikultural.
Mas mataas naman ang tantos ng disempleyo ng kababaihan na nasa 6.5% hanggang 7% o 1.6 milyon kumpara sa kalalakihan na nasa 5% hanggang 5.5% o 1.36 milyon.
“Sa kasalukuyang kalagayan ng paggawa sa Pilipinas, laksa-laksang manggagawang kababaihan ang biktima ng sistematikong kawalan ng regular at disenteng trabaho,” sabi ni Ruiz.
“Karamihan sa kanila ay matatagpuan sa mga mapanganib na trabaho, walang katiyakan sa trabaho at mas mababa ang pasahod kaysa sa mga regular na lalaking manggagawa,” paliwanag niya.
Sa katunayan, nagluluwal ng karagdagang problema ang mataas na unemployment rate ayon kay Sal Khan ng Khan Academy, isang non-profit education organization sa United States, dahil sa dulot nitong kahirapan at gutom, tumataas ang kriminalidad at nasasayang ang human capital o ang mga mangagagawang may kakayahang magtrabaho ngunit hindi magamit ang kasanayan dahil sa kakulangan ng trabaho.
“Kung tutuusin, hindi lang sila mga manggagawa kundi mga ilaw rin ng tahanan at alam na alam ang kalam ng sikmura ng bayan. Nararapat lang na ipaglaban ng mga manggagawang kababaihan ang pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas,” pagtitibay ni Ruiz.
Sa huli, inaanak ng mga mas malalaking isyu at kakulangan ng suporta ng gobyerno ang kawalan ng trabaho at lumolobong impormalidad. Ngayon, sa paglipas ng araw, mas lumala ang pasakit na dala ng kawalang suporta sa mga manggagawang kababaihan.
Hindi kailangan ng mga manggagawang Pilipino ang mga pangako ng gobyerno. Ang kailangan nila, pangmatagalang solusyon at kongkretong aksiyon tungo sa pambansang industriyalisasyon upang matamasa ng lahat ng mga manggagawa, lalo na ng mga kababaihang tulad nina Geraldine at Lisa, ang kanilang karapatan sa isang magandang kinabukasan.
