Interesadong mangisda, maglupasay at magbaklaan? – Pinoy Weekly

May 1, 2024


Nakapangisda na ba ang lahat sa Fishermall? O nakausap niyo na ba ang mga tinapay sa BreadTalk? Nasubukan niyo na bang maglupasay sa Pasay? O kunin ang mga muning sa Kamuning?

Tiyak na na-curious ang ilan sa atin sa pag-click ng “interested” ng ating mga kaibigan sa Facebook sa mga event na katawa-tawa at ni sa hinagap natin ay hindi naman talaga mangyayari.

Hindi na bago ang mga ganitong “event” sa Facebook. Malilimutan ba natin ang “Suntukan sa Ace Hardware” noong taong 2016 na dinagsa ng tawag at interes ng humigit-kumulang 50, 000 na “dadalo” at halos 30, 000 na “interesado.”

Dahil nag-viral, napilitan ang nasabing establisimyento na magpalabas ng pahayag na wala silang kaugnayan sa nasabing ganap. Ngunit sinunggaban din nila ito at bumuo ng isang event na kasabay ng tatlong araw na sale sa isang mall sa lungsod ng Lucena sa lalawigan ng Quezon. 

Sa unang tingin, ang layon naman talaga ng mga ganitong “event” ay gawing katawa-tawa ang mga pangalan ng mga lugar, aktibidad at mga tao tulad ni Ben10 na isasali ‘di umano sa bandang Ben&Ben.

Nakasanayan na nating pagtawanan ang mga “kakaiba” dahil bukod sa bumibilib tayo sa mga ito, nakasanayan na rin natin na tingnan ang ating sariling kalagayan bilang “normal” at anoman o sinomang lumalampas sa ating indibidwal na konsepto ng normalidad ay kakaiba o novelty at dapat bigyan ng karampatang pansin.

Kaya naman, nakasanayan na rin nating ituring na normal ang trapik o kaya ang korupsiyon kaya kung sino mang lumalaban o tumutuligsa sa mga maling gawi na ito ay itinuturing na hangal at katawa-tawa. At madalas, silang mga hangal at katawa-tawa pa nga ang nag-iiwan ng marka at bumabago sa mundong nakasanayan natin.

Maaari rin namang iugnay ang mga taong gumagawa ng ganitong event sa karakter ni Juan Pusong. Sa panitikang Pilipino, kilala ang karakter ni Juan Pusong (na may iba’t ibang identidad sa mga rehiyon) na kakayahang magpatawa at magbigay-aliw sa paraang mapaglaro at may kabulastugan.

Sa panahon ng social media, buhay na buhay si Juan Pusong sa mga meme at mga pahina ng social media na katawa-tawa ngunit may komentaryo sa lipunan. Hindi ba’t parte na ng ating kultura ang pagpapatawa at pagtawa? Kaya nga kahit batbat tayo ng sandamukal na problema, nakukuha pa rin nating ngumiti, tumawa at magbiro.

Ang pagsulpot ng mga ganitong haka-hakang event ay hindi lamang nakatali sa pagbibigay ng aliw at katatawanan, kundi pagtuligsa rin sa kalunos-lunos na kalagayan sa ating bayan tulad ng disimpormasyon, pagtaas ng tantos ng kamangmangan, paghahari ng mga kurakot at lumalabag sa karapatang pantao, pambabalahura sa Saligang Batas at marami pang iba.

Ang mga espasyo tulad ng mga ganitong event ay pag-angkin sa mga espasyong ipinagkakait sa marami gaya ng mga lupang sinasaka, pagawaan at paaralan na madalas ay nakatali sa kamay ng mga may kapangyarihan at batas.

Bagaman haka-haka lang, malikhain at malikot ang imahinasyon natin at kaya natin itong ipakita sa iba’t ibang malikhaing porma ng pagtutol, paglaban at pagtanaw sa pinangarap nating bayan. Na ang bayan na nais natin ay hindi palaging 100% seryoso at puro pagkukunot ng noo. Na kaya rin naman nating makipagbaklaan sa Baclaran o kaya’y gumawa ng kalokohan sa Caloocan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Badoy, Celiz, hinabla ng lider ng Bayan – Pinoy Weekly

Kasama ni Bayan chairperson emeritus Carol Araullo (kaliwa) na nagsampa

PRWC » 4 sibilyan, pinaslang ng militar sa Sorsogon, Batangas at Iloilo

Dalawang sibilyan ang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces