Mabilis na naging bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang online shopping, lalo na noong pandemya. Sa isang pindot, makukuha na ang mga biniling produkto sa loob ng ilang araw.
Pinatotohanan ng mga estadistika ang dami ng mga konsyumer na gumagamit ng online shopping o e-commerce platform. Ayon sa Digital 2026 Philippines ng Kepios, isang global analytics firm, halos 23.5 milyong Pilipino ang bumili ng mga produkto online sa nakalipas na taon. Mahigit kalahati sa kanila ay gumagamit ng mga e-commerce platform tulad ng Shopee, Lazada at Temu kada linggo, kalimitan para bumili ng mga produktong electronics, pagkain, damit at iba pa.

Ayon naman sa ilang mga pag-aaral, mataas ang tiwala ng mga Pilipino sa mga online shopping platform dahil sa pagtingin na mura at maaasahan ang kalidad ng mga produkto, madali ang paggamit ng mga application at mabilis ang delivery.
Lingid sa kaalaman ng marami ang aktuwal na binabagtas ng kanilang mga parcel bago dumating sa kanilang mga pintuan at kung kaninong mga kamay ito unang dumaan. Sa likod ng bawat delivery ay mga kababaihang manggagawa: impormal ang kontrata at walang benepisyo, panlipunang proteksiyon at katiyakan kung matatanggap ang buong sahod sa katapusan ng araw.
Sa likod ng ‘add to cart’
Anim na buwang nagtrabaho si Joyce, 34, hindi niya tunay na pangalan, sa isang Shopee hub sa Bulacan. Sa papel, ang employer niya ay isang third-party manpower agency. Ngunit sa aktuwal, buong panahon siyang nagtrabaho at sumusunod sa mga mahigpit na patakaran ng management ng Shopee.
Gawain niya sa pang-araw-araw noon ang pag-aalaga sa kanyang anak tuwing umaga at ang pakikipagsapalaran sa sorting center tuwing gabi. Hihintayin niya muna ang mga patawag na iskedyul ng kanilang agency sa isang group chat bago pumunta sa hub, depende sa kung ilang manggagawa ang hinihingi ng Shopee management sa araw na iyon.
Pagdating doon, pipila siya kasama ng iba pang mga manggagawa mula sa iba’t ibang ahensiya at hihintayin ang huling patawag ng warehouse manager. Kung umabot sila sa bilang ng mga kailangang tao sa shift, tsaka pa lang sila makakapasok at makakasahod ng P525 kada araw. Kung hindi, uuwi silang lugi sa pamasahe.

“Wala namang trabaho na hindi mahirap. Pero sa loob, talagang [kumakayod] kami kasi may mga nagbabantay doon na naka-megaphone. Hindi ka puwedeng magpahinga,” kuwento ni Joyce sa Pinoy Weekly. “Sa one hour mo, dapat maka-sort ka ng 1,000 parcels.”
Kalbaryo sa loob ng mga warehouse, lalo na kapag buwanang sale. Milyon-milyong parcel ang sinisinsin ng mahigit 200 manggagawa sa loob ng 12 oras. Minsa’y napipilitan pa silang magtuloy ng overtime kapalit ng kakarampot na incentive.
Matagal na tiniis ni Joyce ang kalakarang ito dahil mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang anak. Ngunit natulak siyang hindi na bumalik sa trabaho dahil sa mga ‘di makatarungang kaltas sa sahod.
Kinakaltasan siya ng kanilang agency para sa mga “benepisyo” kahit wala palang hinuhulog sa kanyang SSS, Philhealth at Pag-IBIG. Lalo siyang nadismaya noong hindi siya sinahuran dahil binawas sa kanya ang ilang mga nasira o nawalang parcel.
Ani Joyce, nasisipat ng manedsment ang mga nahahawakang parcel ng bawat manggagawa dahil sa scanning at monitoring system ng warehouse pero arbitraryong pinarurusahan ang mga manggagawa.
“Aanuhin ko naman ang parcels, e kahit ano doon, hindi mo madadala,” reklamo niya. “Ang higpit ng guards doon. Kahit sa bra o shorts mo, wala kang maiipit diyan.”
Impormal, normal
Tubong Camarines Sur ang magkapatid na sina Alex, 50, at Amy, 52, na tumangging ipalathala ang kanilang mga totoong pangalan. Dahil palaging sinasalanta ng mga bagyo ang kanilang sakahan sa Bicol, nakipagsapalaran sila sa Maynila upang suportahan ang kanilang pamilya sa probinsiya.
Nagtrabaho sila sa iba’t ibang pabrika sa mga nakaraang dekada. Nitong 2025 lang sila namasukan bilang mga parcel sorter sa isang hub ng J&T Express, delivery partner ng Shopee at iba pang mga e-commerce platform.
Sa kanilang edad, anila’y dito lang sila nakaranas ng sapilitang paggawa at berbal na pang-aabuso sa trabaho. Ayon sa magkapatid, panay pambubulyaw at pagmumura ang mga bisor sa kanila kapag hindi nila naso-sort lahat ng parcel sa loob ng walong oras.

“[Sisigawan ka ng] ‘Maluwag ang pinto, puwede kang lumabas. Hindi ka namin kailangan,’” sabi ni Alex. “Porket trabaho ang hanap [namin], ginagawang [kaming] tanga. Ginigisa na lang kami sa sariling mantika, sa totoo lang.”
Dagdag ni Amy, “Ang gawa namin, pakyawan na talaga. Kasi kung tutuusin, sa normal na trabaho, dapat may OT (overtime) pay kapag lumalagpas. Dito, wala.”
Bulnerable ang kababaihan sa mga ganitong tipo ng impormal na trabaho, ayon kay Jacq Ruiz ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK). Dahil sa kawalan ng mga disenteng trabaho at lokal na industriya, natutulak magtrabaho ang mga kababaihan sa mga e-commerce company na “madaling pasukan” ngunit hindi nagbibigay ng karampatang proteksiyon sa mga manggagawa.
“Dati, puwede pang sabihin na pangtapal kasi kulang ‘yong sinasahod [ng asawa]. Pero hindi na ganun [ngayon]. Ito na talaga ‘yong pinagkukunan ng kita ng pamilya,” sabi ni Ruiz sa isang panayam sa Pinoy Weekly.

Langkap din sa suri ng KMK ang kasalukuyang umiiral na kultura sa mga manggagawa. Ayon kay Ruiz, binabaluktot ng mga malalaking kapitalista ang kahulugan ng paggawa at pagiging manggagawa sa pamamagitan ng mga teknikal na termino.
Isang halimbawa ang pagbansag sa isang manggagawa bilang “regular,” hindi dahil may proteksiyon at katiyakan sila sa trabaho, kundi dahil sa pagpasok nila sa trabaho araw-araw. Lalo pa itong lumabo sa konteksto ng digital na ekonomiya at pag-usbong ng mga tingi-tingi, hindi tiyak at hindi nakikitang trabaho.
Sa tala ng Philippine Statistics Agency (PSA), umabot sa 24.8 milyon ngayong Abril ang mga manggagawang sahuran sa pribadong sektor. Sinuhayan naman ito ng Ibon Foundation, maaaring dalawang-katlo o 16.3 milyon dito ay nagtatrabaho sa mga impormal na empresa dahil sa pagkatalamak ng mga manggagawang walang kontrata, paiba-iba ang oras ng paggawa at hindi tiyak ang arawang kita.
Mabigat man kina Alex at Amy ang nararanasan ngayon sa trabaho, pinanghahawakan pa rin nila ang posibilidad na mabago ang sistema para mas tumagal ang pananatili sa trabaho ng mga susunod na manggagawa.
Trabaho sa hinaharap, para sa kababaihan?
Sa datos ng PSA, mahigit 7.38 milyong manggagawa ang nagtrabaho sa mga e-commerce platform noong 2025. Posibleng doble pa ang dami ng mga manggagawa dahil sa kalat-kalat na informal o agency-operated hubs sa Kamaynilaan, Timog Katagalugan at Gitnang Luzon.
Nag-ambag ang sektor ng P880.46 bilyon sa ekonomiya ng bansa, halos 3.15% ng gross domestic product, at inaasahang lalago pa ito sa P3 trilyon sa 2030 sa tulak ng mga digital infrastructure project ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. katuwang ang World Bank.
Habang lumalaki ang kita ng industriya ng e-commerce, napag-iiwanan ang mga manggagawang nagpapatakbo nito tulad nina Joyce, Alex at Amy.

Sa ngayon, nananatili ang mga alanganing kondisyon sa paggawa sa loob ng mga dambuhalang bodega. Liban sa paggamit ng smartphone, internet at social media, hindi pa malinaw sa maraming manggagawang kababaihan ang direktang epekto ng digitalisasyon sa kalidad ng kanilang buhay. Ngunit tiyak na lumalago ang industriyang habang dinudusta ang mga manggagawa.
“Kailangang aralin pa kung paano nananamantala ang mga kapitalista sa digital na pamamaraan, lalo na para sa mga nasa impormal na trabaho tulad ng sorters at packers. Kailangang makasabay ng mga kababaihan,” diin ni Ruiz.
Sa susunod na bahagi ng seryeng ito, titingnan natin kung paano mismo ginagamit ng mga e-commerce platform ang sistema ng impormal na trabaho para makaiwas sa pananagutan at kung paano nagsisimulang lumaban ang mga manggagawang kababaihan.
Unang bahagi sa serye hinggil sa mga kababaihan na pundasyon ng industriya ng e-commerce sa Pilipinas. May suporta ang istoryang ito mula sa Asia Pacific Forum on Women, Law and Development (APWLD) Media Fellowship.
