Wala nang higit na paglalarawan ng tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino kaysa sa ipinamarali ng Kagawaran ng Agrikultura na pagbebenta nito ng P20 bigas sa mga magsasaka ng palay.
Nitong Miyerkules, inanunsiyo ng kagawaran ang pagbubukas ng 18 bodega ng National Food Authority (NFA) sa Gitna at Hilagang Luzon para sa mga magsasakang nais maisali sa pakulong “Benteng Bigas, Meron Na!” (BBM Na!). Ayon sa ahensiya, sentrong inisyatiba ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makabibili ng bigas yaong mismong mga nagtatanim nito.
Dagdag ng ahensiya, ang mga magsasakang may sinasakang dalawang ektarya pababa lamang ang pinapayagang makabili. Dapat din silang naka-rehistro sa RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture) upang makabili ng 10 kilo kada buwan. Hanggang Disyembre pa lamang ang programang ito.
Sinabi ni Kalihim Franco Tiu Laurel na magtatayo ng mga tolda ng KADIWA ng Pangulo sa mga bodega ng NFA para sa programa. Limang milyong magsasaka umano ang paunang makikinabang, na kalaunang madadagdagan ng 2.8 milyong mangingisda sa ibang parte ng bansa.
Kamakailan, sinabi ng Palasyo ng Malakanyang na ipinag-utos ni Pangulong Marcos na palawakin ang pakulong BBM Na! mula sa inisyal na mga benepisyaryong nakatatanda, solo parent, may kapansanan, benepisyaryo ng 4Ps, at minimum wage earners. Ipinag-utos din ng pangulo na dapat marating ng programa ang 15-milyong kabahayan sa taong 2026 na may layong maipagpatuloy ito hanggang sa dulo ng kanyang administrasyon sa Hunyo 2028. Para sa susunod na taon, ipinanukala ang P18 bilyon para sa BBM Na! sa National Expenditure Program na naisumite sa Kamara de Representantes ngayong linggo lamang.
Tila ito na ang tugon ni BBM sa lumalalang kahirapan ng masang anakpawis, ang piliting isalba ang sarili sa hindi napag-isipang pangakong elektoral noong halalang 2022 na P20/kilo na bigas.
Subalit, habang kinikilala nito na milyong-milyong magsasaka ang mayroon lamang dalawang ektarya o pababa na lupang sinasaka – marami pa sa mga ito ay wala talagang lupa – ang tugon ni BBM ay pansamantalang limusan sila ng kakaunting murang bigas. Hindi ito tugon sa panawagang tunay na repormang agraryo na magbibigay ng lupang agrikultural sa mga tunay na magsasaka.
Bagaman kinikilala rin ng pakulong BBM Na! ang kahirapan sa buhay ng magsasaka’t mangingisda, hindi ito tugon sa pagkalugi nila sa pagtatanim ng pagkain ng bansa dahil sa kakulangan ng tulong ng pamahalaan sa gastusin sa produksiyon. Dahil sa bulag na pagtalima sa patakarang globalisasyon, halos wala nang suporta sa mga magbubukid na nagpapataas naman sa halaga ng produksiyon samantalang hinahayaan ang mga buwitreng taga-bili ng kanilang mga produkto na magdikta ng napakababang presyo.
Planong pansamantalang ipatigil ng pamahalaang Marcos ang pang-aangkat ng bigas hanggang katapusan ng taon. Subalit hindi rin solusyon ito sa katotohanang nawala na sa Pilipinas ang kakayahang mag-ani ng bigas para sa kanyang pangangailangan. Kailan lamang, bago sumali ang Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trades ng World Trade Organization, ang Pilipinas pa ang nagpapadala ng sobrang bigas sa ibang bansa. Tahimik ang Malakanyang rito at walang sariling bait na amining ikinasama ng bansa ang desisyong ito. Wala rin itong tapang na manindigan sa sarili, tulad ng maraming bansang hindi rin naman lubusang tumalima sa patakarang ito at hindi pinabayaan ang kanilang mga magsasaka. Para kay BBM, sapat na ang bente pesos kada kilo at sampung kilo bawat pamilya sa isang buwan.
Marahil ay tuwang-tuwa sa sarili ang mga opisyal ng Kagawaran ng Agrikultura at mismong si Pangulong Marcos sa kanilang programang BBM Na! Tila paniwalang-paniwala sila sa kanilang islogang “Para sa Masaganang Bagong Pilipinas,” isang Pilipinas kung saan nagmamakaawa ang mga mismong nagtatanim ng palay na hayaan silang makabili ng murang bigas. Hindi nakikita ng estadong ito na sa isang bansang agrikultural kung saan ang bigas ang siyang pangunahing pagkain, isang malaking kabalintunaan at hindi nakakatuwang biro ang kanilang mga polisiya’t pakulo. #