Isyu sa kapitbahay | Bagong pangulo ng Indonesia, berdugo!  – Pinoy Weekly

February 27, 2024


Kapapanalo lamang ni Prabowo Subianto ngayong buwan ng eleksiyon sa pagkapangulo sa Indonesia. Nakamit niya ang 58% ng boto para sa landslide na panalo. Pasok rin ang kanyang ka-tandem na si Gibran Rakabuming Raka, anak ng palabas na Pangulong Joko Widodo

Patok sa social media ang kampanya ni Prabowo, pasayaw-sayaw at lumikha ng imahen bilang “cuddly grandpa.” Pero may karumal-dumal na katotohanan sa pag-akyat niya sa poder, bagay na maaaring magpahigpit pa lalo sa kamay na bakal ng mga lider sa Timog Silangang Asya.

Si Prabowo ay dating heneral at manugang kay Suharto, diktador na namuno sa Indonesia ng 32 na taon hanggang 1998.

Noong 1965, panahon ni Suharto naganap ang madugong masaker ng halos 3 milyong komunista at pinaghihinalaang rebolusyonaryo. Hindi nalalayo sa matindi at talamak red-tagging at anti-komunistang pananakot ngayon sa Pilipinas.

Ginamit rin ng kapitbahay nating diktador ito bilang pamamaraan para ubusin ang kanyang mga karibal sa politika habang sinusupil ang tunay na rebolusyonaryong kilusan sa bansa. 

Nang maging heneral naman si Prabowo, nilusob at sinakop ng Indonesia ang katabing East Timor para umano’y pigilan ang pag-usbong ng mga komunistang kaisipan. Mula 1975 hanggang 1999 hawak ng mga tropang Indonesian ang isla ng Timor at si Prabowo ang namuno sa Special Forces.

Tinatayang nasa 200,000 na mamamayan ng East Timor ang pinatay bunsod ng mga kautusan ni Prabowo, halos sangkapat ng lokal na populasyon.

Nang makapanayam pa nga ng isang Amerikanong mamamahayag si Prabowo tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao, nagbitaw pa ng salita ang heneral na “hindi dapat nagmamasaker sa harapan ng media!” Dagdag niya “ginagawa iyan sa mga bayan na hindi mapapansin ng iba, hindi sa kapitolyo!”

Bago bumagsak si Suharto, inutusan ni Prabowo ang Army Special Forces na pagdadamputin ang 13 na aktibista. Hanggang ngayon hindi pa sila napapalitaw at pinagtatakpan ang nangyari sa kanila.

Liban sa maruming rekord, pinuna din ng marami ang pakikialam ni Widodo sa mga patakaran ng halalan para pumabor sa nanalong tandem. Ayon sa batas ng Indonesia, 40 ang minimum na edad para tumakbo sa ehekutibo. Pero kasabwat ang kanyang bayaw sa hukuman, binago ang patakaran para makatakbo ang 36 anyos na Gibran. 

Inaasahan na magtutuloy ang mabagsik na pamumuno ni Widodo sa mga bagong mauupo. Kung sa Pilipinas, halos wala namang nakitang pag-iiba mula Duterte patungong Marcos Jr, hindi rin naman nalalayo sa Indonesia.

Mukhang mababawi ang mga dating salita ni Widodo na wala siyang intensiyon na gawing family business ang politika. 

Kagaya ni Widodo, magpapatuloy rin ang malapit na relasyon ng Indonesia sa China at maging sa Pilipinas. Ibig sabihin, wala pa ring balak na bigyan ng clemency o palayain ang inosente at nakapiit sa Indonesia na overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso.

Dumarami ang magkakakampong kanan o authoritarian na rehimen sa rehiyon na madalas nagpapamalas ng pasistang atake sa karaniwang mamamayan. 

Iyong karahasan sa ating kapitbahay, magpapalakas kaya sa loob ng mga namumuno sa Pilipinas na tularan? O ‘di kaya’y ang pamamaslang at panggigipit naman ang gagayahin ng kabila? 

Magka-tandem ang mga namumuno sa Pilipinas at Indonesia sa madugong kasaysayan ng mga bansa, at sa tila pagbabaon ng katotohanan ng kasaysayan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

For a truly independent Philippines

To commemorate the 125th year of Philippine independence, a group

Isang liham sa mga bilanggong politikal – Pinoy Weekly

Good day to everyone! Here’s a letter to political prisoners,