Ibinasura ang kasong attempted murder laban sa rebolusyonaryong lider sa Kordilyera na si Simon “Ka Filiw” Naogsan dahil sa kawalan ng ebidensiya. Nagmula ang hatol sa Regional Trial Court Branch 16 sa Alfonso Lista, Ifugao na nailabas nitong Pebrero.
Si Naogsan ay tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) na nakikibaka para sa paglaya at sariling pagpapasya ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera.
“Ang desisyong ito ay dapat magtulak sa ibang pang korte na humahawak sa kaso ni Naogsan na irebyu at tiyakin na maibabasura ang mga walang batayan at mahinang kaso upang hindi pahabain ang hindi makatwirang detensiyon niya,” ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA).
Dagdag din ng CHRA na hindi kriminal si Naogsan bagkus ay isang rebolusyonaryong lider ng mga katutubo na masigasig na nag-organisa at nagpakilos para sa panlipunang pagbabago.
Hiling ng pamilya at mga tanggol-karapatan na palayin na si Naogsan sa makataong konsiderasyon dahil siya’y may edad, 70 taong gulang, at mayroong malubhang sakit sa bato.
Maging ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan ay iginigiit na paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) ang hindi makatuwiran na pagkakakulong ni Naogsan. Ang Jasig ay kasuduan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP na magtitiyak ng kaligtasan sa lahat ng kalahok sa usapang pangkapayapaan.
Ang naibasurang kaso sa Ifugao ay isa sa maraming pang nakasampang gawa-gawang kasong kriminal sa Mountain Province at Ilocos Sur laban kay Naogsan.
Pagbasura sa kaso sa Negros
Samantala, ibinasura ng Regional Trial Court Branch 31 sa Iloilo noong Mar. 14 ang kasong “terrorism financing” sa tatlong manggagawang pangkaunlaran dahil sa “lack of jurisdiction and failure to constitute an offense.”
Absuwelto na sina Federico Salvilla at Perla Pavillar ng Paghidaet sa Kauswagan Development Group Inc. at Dharyl Albañez ng Kristiyanong Mangunguma Lubos nga Itib-ong sang Grupo Inc. sa gawa-gawang kasong isinampa sa kanila.
Isinampa ang kaso ng Department of Justice at Philippine National Police Region VI noong Dis. 3, 2024 base sa salaysay ng mga ‘di umano’y rebel returnee.
Bago ang pagkakaaresto sa kanila, naiulat na naging biktima ang tatlo ng tuloy-tuloy na panggigipit at paniniktik matapos matanggap ang kanilang subpoena.
Ikinagalak ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang naging desisyon ng korte pabor sa mga development worker.
“Ang administrasyon ni Marcos Jr., katuwang nag NTF-Elcac, ay ginagamit ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act laban sa mga aktibista at manggagawang pangkaunlaran gamit ang mga pekeng salaysay mula sa ‘di umano ay mga rebel returnee,” pahayag ng HRAN sa Ingles.
Sa kasalukuyan, mayroong higit 100 manggagawang pangkaunlaran, aktibista, unyonista, taong simbahan at mamamahayag ang kinasuhan ng terrorism financing ng gobyerno.
Sa pagsusuri ng mga tanggol-karapatan, nagiging instrumento ito sa paglabag sa karapatang pantao at panggigipit sa mga kritiko ng estado.
