Nakiisa ang Tanggol Magsasaka sa mga kababaihang magbubukid at advocates na nagsumite ng resolusyon para imbestigahan ng Kongreso ang dumaraming kaso ng kababaihang magsasaka na political prisoners sa bansa.
Batay sa Amihan National Federation of Peasant Women umabot na sa 94 kababaihang magbubukid na political prisoners, 76 dito ay sa panahon ni Pangulong Duterte at 2 dito ay sa kasalukuyang administrasyon.
Karamihan sa mga women political prisoners ay nired-tag at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso o trumped-up charges. Kabilang sa mga ikinulong na kababaihang magsasaka ay nagtataguyod ng tunay na reporma sa lupa at karapatan ng mga magsasaka. Kabilang din sa mga kababaihang bilanggong pulitikal ay matatanda, maysakit, at may batang anak.
Gayundin, kinondena nila ang mga kaso ng human rights violations sa mga komunidad ng mga magsasaka kabilang dito ang forced surrender, aerial bombings, food blockades, pagbabanta, harassment at iba pa.
Nanguna sa nag-file ng House Resolution No. 819 sina Makabayan Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party at Rep. France Castro ng ACT Teachers Party.
Nanawagan sila na palayain at ibasura ang gawa-gawang kaso sa mga kababaihang bilanggong pulitikal. #