Ibinasura ng piskalya sa Tacloban City ang isinampang reklamo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa Leyte Center for Development Inc. (LCDE), isang non-government organization (NGO) na patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, hinggil sa alegasyong pagpopondo ng terorismo.
Sa apat na pahinang resolusyon ng Office of the City Prosecutor sa Tacloban City noong Dis. 19, 2024, sinabing kulang ang ebidensiya sa reklamong “terrorism financing” laban kina LCDE executive director Jazmin Jerusalem at dalawa pang opisyal ng NGO na sina Fena Joyce Moscare at Mary Grace Laureno.
Sa affidavit ni PSSg. Divine Grace B. Songalia ng CIDG, sinabi nito na ang LCDE at ang mga opisyal nito’y nagbibigay ng pondo at materyal na suporta sa mga miyembro ng mga organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na itinalaga bilang mga entidad na terorista.
Ayon pa sa sinumpaang salaysay ni Songalia, ginagamit daw ang LCDE bilang front organization na tumatanggap ng mga pondo mula sa mga dayuhang funder na ipinamimigay sa mga miyembro ng CPP-NPA.
Nagpresenta rin ang CIDG ng mga umano’y dating rebelde na sina Alma Gabin, Margie dela Cruz, Serapeon Nebreja at Ana Rose Codillo na nagdetalye ng kanilang pagkakasangkot sa mga aktibidad ng LCDE.
Sa sinumpaang pahayag ni Gabin, direkta umano ang kanyang pakikipag-ugnayan kay Jerusalem. Habang sinabi naman nina Jongco at Codillo, na umano’y dating empleyado ng LCDE, kung paano nila ipinapamahagi ang pondo at materyal na suporta sa CPP-NPA.
Inakusahan din nila si Jerusalem na nag-utos umano sa kanila na manipulahin ang mga dokumento para ikubli ang paglilipat ng malalaking bahagi ng pondo sa mga miyembro ng CPP-NPA.
Sa mga salaysay naman nina dela Cruz at Rechiel Yrigon Layla idinetalye ang tatlong insidente ng paglilipat umano ng pondo para sa CPP-NPA.
Kabilang sa mga paratang kay Jerusalem ang pag-uutos niya kay dela Cruz na maghatid ng suplay sa isang kampo ng NPA sa Las Navas, Northern Samar noong Marso 2013 at pagpapadala ng salapi kay Ciriaco Jerusalem na nagkakahalagang P200,000 para umano sa anibersaryo ng NPA noong Disyembre 2014 at dalawang bundle ng P100,000 noong Hunyo 2016.
Sinabi ng piskalya na ang reklamo ni Songalia ay nakabatay lang sa mga testimonya ng mga dating rebelde na umamin na mga kasabwat dahil sila ay direktang lumahok sa paghahanda at pag-channel ng mga akusado sa ‘di umano’y krimen.
Ayon pa sa piskalya, hindi nila iuusad ang kaso dahil walang ebdensiya na nagpapatunay sa pagkakaroon ng sabwatan sa pagitan nina Jerusalem at mga nagbigay ng testimonya.
Dagdag pa sa resolusyon, wala silang nakitang direktang patunay sa mga paratang at nagsasabwatan lang ang mga nagbigay ng testimonya laban kay Jerusalem. Bigo ring magbigay ng kinakailangang legal na batayan para sa mga akusasyon.
