Government Services

Katutubong talino ni Kidlat Tahimik – Pinoy Weekly

Katutubong talino ni Kidlat Tahimik – Pinoy Weekly


Sa bawat yugto ng kasaysayan ng pelikulang Pilipino, may mga tinig na hindi lang gumagawa ng obra kundi gumigising ng kamalayan. Isa dito si Kidlat Tahimik o Eric Oteyza de Guia, 83, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at kinikilalang “Ama ng Malayang Pelikulang Pilipino.”

Ipinanganak siya noong Okt. 3, 1942 sa Baguio City, nag-aral siya sa University of the Philippines (UP) Diliman at sa Wharton School of the University of Pennsylvania sa United States (US). Sa UP Diliman, naging tagapangulo siya ng University Student Council at miyembro ng Upsilon Sigma Phi Fraternity.

Sa kanyang pagbabalik mula sa US, nasilayan niya ang hamon ng mga katutubong Igorot na makilala ang kanilang kultura. Mula rito, sinimulan niyang lumikha ng mga pelikulang sumasalamin sa kagandahan at reyalidad ng pagka-Pilipino habang pinupuna ang tinatawag niyang “neokolonyal na estado.”

Bahagi ng kanyang malikhaing pananaw ang tinaguriang “bamboo camera.” Sa bawat pagsipat niya rito, nakikita niya ang mga naratibong Pilipino na dapat isalaysay: mga kuwentong nagmumula sa sariling bayan, hindi sa lente ng Kanluran. Naging paalala ito na kayang bumuo ng sariling wika ng pelikula ang mga Pilipino gamit ang yaman ng kultura at imahinasyon.

Taong 1977, inilabas niya ang “Mababangong Bangungot” (Perfumed Nightmare) tungkol sa isang jeepney drayber na nangangarap maging astronaut ngunit natuklasan ang ilusyon ng Kanluran. Pinarangalan ito sa Berlin International Film Festival at nagbukas ng pinto para makilala ang iba pang pelikulang Pilipino sa daigdig.

Sinundan ito ng “Who Invented the Yoyo? Who Invented the Moon Buggy?” noong 1979 na mapanuring tumalakay sa kolonyalismo at modernisasyon at “Why Is Yellow the Middle of the Rainbow?” noong 1994 na isang dekadang film diary na tumatalakay sa paglaki ng kanyang anak kasabay ng mahahalagang pangyayari sa Pilipinas mula Martial Law hanggang Pag-aalsang EDSA.

Ginawaran siya ng parangal bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 2018, liban pa sa maraming pagkikilalang tinanggap niya sa loob at labas ng bansa para sa kanyang sining na nagtataguyod sa katutubong kultura, partikular ang kulturang Igorot.Isa sa pinakabago niyang obra ang eksibisyong multidisciplinary na “INDIO-GENIUS: 500 Taon ng Labanang Kultural” na nagkukuwento ng pakikibaka ng mga Pilipino mula 1521 hanggang 2021 para sa pagpapanatili ng katutubong identidad at karunungan laban sa kolonyalismo at neokolonyalismo.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning