Uncategorized

Kontradiksyon sa Pagitan ng Musika at Paninindigan ni Joey Ayala –

Kontradiksyon sa Pagitan ng Musika at Paninindigan ni Joey Ayala –


Usap-usapan ngayon sa social media ang kilalang musikero at cultural icon na si Joey Ayala matapos siyang tumampok sa “Free Duterte” concert sa Davao City. Sa isang panig, todo-tanggol sa kanya ang mga Diehard Duterte Supporters (DDS) sa kanyang patuloy na pagsuporta sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands. Sa kabila naman, hindi rin nagpaawat ang mga kritiko ng nakaraang rehimen sa pagbira sa kanya—marami ang nagsasabing taliwas ito sa mga prinsipyo na matagal nang nakaugat ng kanyang musika.

Isa sa mga lumahok sa diskurso ay si Gary Granada, kaibigan ni Ayala at isa ring haligi ng musikang Pilipino. Aniya, umaasa siyang muling pag-isipan ni Ayala ang pagpapahiram ng kanyang pambihirang talino at talento, na naging inspirasyon ng marami upang maglingkod sa bayan, lalo na’t humahantong lamang ito sa pagtulong na bigyang-katwiran ang pasismo. 

Samantala, sa panayam sa podcast ni Carlos Conde, binigyang-diin ng theater actor na si Bart Guingona ang kanyang pagkadismaya: mas pinili raw ni Ayala na magbulag-bulagan sa mga krimen ng dating pangulo, siyam na taon matapos niya itong i-endorso sa pagkapangulo.

Para mas maintinduhan kung bakit dismayado ang mga progresibo at makabayang artista sa naging posisyon ni Joey Ayala, kailangang balikan kung paano siya minahal ng publiko: hindi lang dahil sa husay niya sa musika, kundi sa mga adhikaing matagal niyang kinatawan. 

Nakilala si Joey Ayala sa pagsasanib ng mga katutubong instrumento tulad ng hegalong, kubing, at kulintang sa makabagong tunog ng folk at rock. Sa pamamagitan ng kanyang banda, ang Bagong Lumad, isinulong niya ang musika bilang daluyan ng adbokasiya para sa kalikasan, mga katutubo, at karapatang pantao. Hindi maihihiwalay sa kanyang identidad bilang alagad ng sining ang matapang na paninindigan sa mga isyung panlipunan. Sa loob ng maraming taon, naging mukha siya ng musikang may kabuluhan at ipinaglalaban. 

Pero ngayon, tila may banggaan sa pagitan ng mensahe ng kanyang mga kanta at kanyang politikal na tindig. Silipin natin ang ilan sa mga obrang ito:

Wala nang Tao sa Sta. Filomena

Panganay ng Umaga (1985)

Masalimuot na paglalarawan ang kantang ito sa epekto ng militarisasyon sa isang komunidad sa Davao. Sa bawat linya, ramdam ang lungkot, ang pagkawala, ang katahimikan ng isang bayang iniwan ng takot. 

Taliwas dito ang kanyang hayag na suporta sa isang rehimeng naghasik ng takot at naging dahilan ng malawakang paglikas ng mga Lumad mula sa kanilang lupang ninuno. Matatandaang mismong si Duterte ang nagbanta noon na bobombahin ang mga paaralang Lumad kung hindi ito lisanin, sa paratang na nagsisilbi raw ang mga ito bilang training ground ng New People’s Army (NPA).

Ikaw Na May Baril

Magkabilaan (1987), Karapatang Pantao (1989)

Isang tahasang paalala sa mga nasa kapangyarihan—pulis, sundalo at armadong grupo—na ang pagtangan ng sandata ay may kaakibat na mabigat na pananagutan. Binibigyang-diin nito ang moral na tungkulin ng may baril:

“Ikaw na may baril / Mabigat ang ‘yong pasanin”

Umaapela ito sa konsensya na huwag gawing target ang mga sibilyan sa gitna ng tunggalian.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, lalong tumindi ang culture of impunity sa bansa. Binasbasan ang pulis at militar na pumatay nang walang pananagutan, sa ngalan ng giyera kontra droga. Kasabay nito, naging target ang mga aktibistang walang laban—kabilang ang mga lider manggagawa tulad nina Manny Asuncion, Dandy Miguel, at marami pang iba. Sa ganitong konteksto, mas tumitimo ang tanong ng kanta: “Ikaw ba’y tagapagligtas, o isa lamang mandarahas?”

Awit ng Mortal

Mga Awit ng Tanod-lupa (1991)

“May gantimpala bang dapat pang asahan / Upang kumilos ng tama’t makatuwiran.”

Ang linyang ito ang buod na mensahe ng kanta—na ang tunay na saysay ng buhay ay hindi nasusukat sa gantimpala, kundi sa ating paninindigan at pagkilos para sa makataong adhikain.

Kaya’t hindi maiiwasang mamangha—o mabigla—na ang mismong sumulat ng awiting ito ay tila sumasang-ayon sa isang lider na kumukunsinti sa extrajudicial killings, bastos magsalita, mapanira sa kanyang mga kritiko, at walang respeto sa karapatang pantao.

Magkabilaan

Magkabilaan (1987)

Kung may isang awit na maaaring gamiting lente para maunawaan ang dialektika ng kalikasan, ito na marahil ‘yon. Sinasalamin nito ang ugnayan ng mga magkasalungat: liwanag at dilim, lamig at init, tubig at apoy. Hindi sila basta nagbabanggaan—magkakabit ang kanilang pag-iral.

Mahusay itong kinawing ni Ayala sa mga kontradiksyon sa lipunan:

“Ang hirap ng marami ay sagana ng ilan / Ang nagpapakain, walang laman ang tiyan / Ang nagpapanday ng gusali at lansangan / Maputik ang daan tungo sa dampang tahanan.”

At sa tunggalian ng uri:

“May kaliwa’t may kanan sa ating lipunan / Patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban / Pumanig ka, pumanig ka, huwag nang ipagpaliban pa / Ang ‘di makapagpasiya ay maiipit sa gitna.”

Gayunman, nakalulungkot na tila nasa maling panig ng kasaysayan si Ayala. Sa halip na maging tinig ng pagbabago, nagiging kasangkapan siya ng mga reaksyunaryong nais panatilihin ang bulok na sistemang panlipunan.

Sa puntong ito, marapat lamang na paalalahanan si Ayala gamit ang linya mula sa sarili niyang kanta:

“Suriin mong mabuti ang iyong paninindigan / ‘Pagkat magkabilaan ang mundo.”

Ngunit bakit si Joey Ayala lang ang napupuna, gayong marami rin namang mahuhusay na musikerong DDS? Bagamat mataas ang inaaasahan kay Ayala bilang henyo sa kanyang larangan, na may di-matatawarang ambag sa kulturang Pilipino, hindi ito usapin ng kanyang pagkatao. Ito’y tungkol sa papel ng mga alagad ng sining sa panahon ng kalituhan. Sa panahong binabaluktot ang katotohanan, tungkulin nilang ibunyag ang kasamaan, hindi pagtakpan ito. Sila ang dapat gumabay sa sambayanan patungo sa liwanag—hindi sa dilim.



Source link

Manila Today
Manila Today

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning