Laban sa lahat ng panunupil, darating ang tagsibol – Pinoy Weekly

July 3, 2024


Repleksiyon sa “Rising Reprisals, Raising Resistance,” isang diyalogo ng Pilipinas sa United Nations (UN) Independent Expert on the promotion of a democratic and equitable international order George Katrougalos na idinaos ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Integrated Bar of the Philippines (IBP).


Nagiging balakid ang hindi demokratiko at hindi pantay na pandaigdigang kaayusan sa gawain ng UN independent expert on international order. Ngunit mas matindi ang paghihirap ng bilyong mamamayan sa daigdig na nararanasan ang internasyonal, pambansa at lokal na kaguluhan. Sa kabutihang palad, marami pa rin ang nag-aasam ng mas maayos na mundo—hindi lang para sa kanilang sarili at kanilang mga pamilya, kundi pati para sa kanilang mga komunidad, para sa kanilang bansa at para sa lahat ng mamamayan ng daigdig.

Ibinahagi ng UN expert ang mga pundamental na ideya na bumubuo sa pandaigdigang kaauyusan—ang balanse ng mga puwersa sa lipunan, kung paano dinidikta ng kapangyarihan ang mga limitasyon ng mga bagay at mga pamamaraan upang maisakatuparan ang mga progresibong ideya. Ibinubudyong ng mensahero ang mensahe. Isang propesor sa public law, maraming naiambag si Katrougalos sa pag-aaral at praktika sa mga pandaigdigang hukuman. Nagsilbi rin siyang tagapagpayo sa mga pamahalaan. Naglaan siya ng panahon sa mga pusod ng kapangyarihan mula sa pagiging kasapi ng mga parlamento ng Greece at Europe at bilang foreign minister ng Greece liban pa sa iba pang mga posisyon.

Nahuhulma ang ating daigdig ayon sa mga kaayusan ng kapangyarihan—kontrol at dominasyon. Kapital at kapitalismo ang namamayagpag sa ngayon, kasama na ang mga mapagsamantalang simbuyo nito.

Sa Pilipinas, tulad ng ibang mga bansa sa daigdig, hawak ng iilang naghaharing-uri ang kapangyarihan para pagsilbihan ang kanilang sariling interes.

Inaangkin ng mga pinakamakapangyarihang dinastiyang politikal sa bansa ang pagkapangulo. Tinatayang nasa 300 hanggang 400 pamilyang politikal ang nangingibabaw sa pampolitikang buhay—90% ng ating mga pangulo ay mula sa mga angkang politikal. Sa kasalukuyan, 80% ng mga gobernador, 60% ng mga senador at higit kalahati ng mga kinatawan sa Kamara (51%) at alkalde (53%) ang nagmula sa angkang politikal. Naging normal na ang sabay-sabay na paghawak ng katungkulan ng mga magkakapatid at mag-asawa o magulang at anak.

Sa katunayan, may kakayahan ang 115 milyong Pilipino na magluwal ng mga mabubuting pinuno, ngunit pinipigilan ito ng mga panggigipit ng namamayaning kapangyarihan sa sistemang elektoral.

Hindi hiwalay ang mga naghaharing politiko sa mga oligarko at bilyonaryo. Hindi nagkataon na tatlo sa pinakamayayamang Pilipino ang nasa likod at nagpopondo sa limang pinakamalaking partido politikal sa bansa. Tatlong partido ang may hawak sa mahigit sangkatlo ng Senado (38% ng mga kasapi), Kamara (34% ng mga kasapi) at mga lalawigan (43% ng mga gobernador).

Ang pinakamayamang 2% (nasa 500,000 pamilya) ang nagkamal ng P25 trilyon ng yaman na halos katumbas ng kita ng 80% ng pinakamahihirap na pamilya (nasa 22 milyong pamilya). Malinaw na may hindi pagkakapantay kahit sa mga nuknukan ng yaman—nasa 3,000 bilyonaryo lang ang may P8.2 trilyon o sangkatlo ng yaman ng naghaharing-uri.

Maituturing pang atrasado ang mga naghaharing ito kahit sa pamantayang kapitalista at walang katapusan ang kanilang pagiging pre-moderno, hindi industriyal at makasarili.

Lubhang naiiwan sa sinasabing pag-unlad ang mayorya ng mamamayan. Nasa 70% hanggang 80% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing na mahirap at bulnerable. Tumataas pa ang kanilang bilang kahit patuloy na dinodoktor ang opisyal na estatistika para itago ito.

Lumilikha ng paglaban ng mamamayan ang kawalan ng demokrasya at ‘di pagkakapantay-pantay at ang kaakibat nitong paniniil at pananamantala.

Dumaluyong ang kilusan ng mamamayan sa panahon ng malawakang krisis—sa panahon ng brutal na diktadurang Marcos Sr. noong 1970s at maagang bahagi ng 1980s na nagpatalsik dito.

Ngunit hindi lang laban sa diktadura ang kilusang masa. Para rin ito sa demokrasya, pagkakapantay-pantay at kaunlaran. Tinuligsa rin nito ang mga stabilization program ng International Monetary Fund (IMF), structural adjustment ng World Bank at ang kanilang nakadudurog na pautang na may kakambal na mga mapangwasak na kondisyon. Nakibaka ang mga magbubukid para sa lupa, mga manggagawa para sa mas mataas na sahod at mas maayos na kalagayan sa paggawa, mga maralitang lungsod para sa pabahay at serbisyong panlipunan, at marami pang iba. Nasa unahan ang kilusang masa sa pagpapahayag at pagbibigay ng tunay na pampolitikang tindig sa mga panawagan para sa repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at serbisyong panlipunan.

Nagpatuloy ang mga labang ito sa pagbabago ng kondisyon ng neoliberal na kaayusan ng daigdig at nagpapatuloy sa paglipat mula sa imperyalistang paghahari at unipolaridad ng United States (US). Batid natin na ang pagkilos ng mga mamamayan ang pinakamasugid na paglaban at pagbalikwassa kapangyarihan at dominasyon ng iilan.

Nagluluwal ang kilusang masa ng mga pangmatagalang organisasyong masa na hindi kailanman titiklop sa kagustuhan ng estado, mga panginoong maylupa at mga kapitalista hanggang ngayon.

Sa pagbabalik ng demokrasya ng iilan sa ilalim ng unang rehimeng Aquino, patuloy na yumayabong ang kilusang masa dahil hindi bumuti ang kalagayan ng bayan. Tuloy ang pakikibaka laban sa sistema at istruktura.

Umusbong ang mas malawak kilusang panlipunan na tumangan ng samu’t saring isyung pangkaularan—pinakapopular ang mga adhikain sa kalikasan dahil sa banta ng katotohanan ng climate extinction. Yumabong at namayagpag din ang iba’t ibang mga civil society organization.

Ngunit mula noon hanggang ngayon, ang radikal na kilusang masa ang may pinakamatalas sa pagsusuri na kailangan ng pundamental na reporma at ang may pinakamatibay na paninindigan, determinasyon at walang maliw na nagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan, pang-ekonomiya at pampolitikang patakaran.

Dahil ito sa masugid na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga batayang sektor at komunidad sa mga isyung pinakamahalaga sa kanila. Hindi lang nila naaabot ang pinakamaraming tao para sa sa posibleng alternatibo at mas maayos na mundo, itinatatag din nito ang tunay at kongkretong pampolitikang lakas upang ang maging makatotohanan ang mga alternatibong tumutuligsa sa pamamayani ng mga nasa kapangyarihan.

Banta ang kilusan ng mamamayan sa hindi demokratiko at hindi pantay na pambansang kaayusan. Dahil dito, inaatake at sinisiil ng estado ang kilusang masa. Takot ang naghaharing-uri sa mga organisasyon masa dahil sila ang binhi at mapagpasiyang puwersa ng demokratikong kapangyarihan at tunay na demokratikong lipunan.

Nagsimula ang mga atake sa maagang bahagi ng pagbabalik ng demokrasya ng iilan sa ilalim ni Cory Aquino at nagpatuloy sa lahat ng sumunod na administrasyon. Lalong tumindi ang pampolitikang panunupil sa ilalim ng populistang demagogo ng nagkaraang administrasyong Duterte. Pinalawig ang mga mapanupil na batas at mekanismong legal—tulad ng mala-halimaw na Anti-Terrorism Act at ang paglikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Lumawak din ang paggamit sa mga batas para sa marahas na panunupil sa mga aktibista at organisasyong masa, habang pinaulanan naman ng bala at bomba ang kanayunan. Bago at mas humihigpit naman ang pangigipit ng mga patakarang pampinansiya sa mga civil society organization/non-government organization (CSO/NGO).

Nagpapatuloy ang lahat ng ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. na may apog pang itanghal ang sarili bilang tagapagtauguyod at tagapagtanggol ng mga karapatang pantao.

Tulad sa iba pang mga bansa sa daigdig kung saan lumalaganap ang reaksiyon at ang Kanan, ipinagmamayabang ng pamahalaan ng Pilipinas na mayroon itong kapangyarihang magpasya kung anong uri ng civil society ang nararapat at hindi katanggap-tanggap. Ayos lang sa kanila ang mga tahimik na pumupuno sa kapabayaan ng gobyerno o ang mga kakuntsaba ng gobyerno sa pagsasapribado ng panlipunang kagalingan at kapakanan.

Ngunit hindi katanggap-tanggap ang mga matapang na kumukuwestiyon at kumikilos para isulong ang demokrasya at pagkakapantay-pantay kasama ang mga serbisyong ibinibigay nila.

Mayroong humigit-kumulang na 380,000 rehistradong CSO sa bansa, 3,000 hanggang 5,000 dito ang mga NGO na may oryentasyong pangkaunlaran. Bukod pa ito sa libo-libong organisasyon masa.

Ano ba ang katanggap-tanggap sa pamahalaan? Mas maliit pa sa daigdig ang kagustuhan ng gobyerno, na makikita sa binuong stakeholder chamber ng pamahalaan—ang Sub-Committee on the Sustainable Development Goals (SDGs). May 42 miyembro ang kapulungang ito—52% ang mga konserbatibong welfare o service-oriented na mga NGO, 43% ang mga makanegosyong NGO (kasama ang mga oligarkong korporasyon at banyagang chamber of commerce) at dadalawa (mababa pa sa 5%) ang may kasaysayan ng pagsusulong ng income at asset reform.

Hindi demokratiko at hindi pantay, mapanupil at mapagsamantala ang pambansang kaayusang ang gusto ng pamahalaan—kung saan walang humpay na alingawngaw lang ng kanyang sarili ang maririnig.

Kasama na rito ang paggamit ng dahas. Sa una’t kalahating taon ni Marcos Jr., nakapagtala ang human rights watchdog na Karapatan ng 89 na kaso ng extrajudicial killing, 13 sapilitang pagkawala at 552 na huwad o sapilitang pagpapasuko. Umangat sa 800 ang bilang ng mga detinidong politikal. May 1.6 milyong biktima ng pagbabanta, harassment at intimidasyon. Sa kanayunan, laksa-laksa ang biktima ng pamamaril, pambobomba at sapilitang pagbakwit.

Kapansin-pansin ang pagtuon ng gobyernong Marcos Jr. sa pagsakal sa civil society partikular sa mga development NGO na nangangahas na gumawa ng higit pa sa pagbibigay ng mga serbisyo para punan ang malaking kakulangan ng gobyerno.

Sa ulat ng Council for People’s Development and Governance, nasa 57 manggagawang pangkaularan o development worker, o 22 na mga NGO (o kaya’t mga network nito) sa Luzon, Visayas at Mindanao ang sinasampahan ng mga gawa-gawang kasong may kinalaman sa terorismo. Nasa 53 indibidwal mula sa 20 organisasyon ang walang batayang inakusahan ng pagpopondo o pagsuporta umano sa terorismo. May apat na manggagawa sa NGO ang balighong kinasuhan ng attempted murder. Isinampa ang karamihan sa mga reklamo at kaso sa kasalukuyang administrasyon.

Inulat naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang nagpapatuloy na atake sa mga mamamahayag at manggagawang midya kung saan 109 ang nadokumentong insidente ng mga atake at banta sa mga peryodista sa simula ng panunungkulan ni Marcos Jr., kasama na ang apat na kaso ng pamamaslang. Inulat din ng NUJP ang 36 insidente ng harassment kasama ang paniniktik, pagbuntot at pagkompronta sa mga mamamahayag.

May mga usapin pa rin na maaaring patampukin. Patuloy ang pagdami ng mga tuwiran at walang pananagutang mga atake ng estado sa mga tanggol-karapatan—gaya ng mga nangyari sa mga NGO at manggagawang pangkaunlaran. Gamit ang balon ng rekurso, ginagamit ng gobyerno ang mas mataas na teknolohiya sa ‘di patas na labanang digital at impormasyon.

Malawak ang mga paglabag sa mga karapatang pantao ng administrasyong Marcos Jr. Pinagtatakpan ito ng sistematikong paglikha ng imahen upang magampanan ng Pilipinas ang geoestrahetikong papel nito sa US sa komprontasyon laban sa China. Kabalintunaan ang pagyakap “international community” sa administrasyong Marcos Jr., dahil sa katunayan, pagsang-ayon pa lalo ito sa pagtingin at interes ng mga Kanluraning liberal na demokrasya.

Tanging sa Pilipinas, partikular ang West Philippine Sea, ang lugar sa mundo kung saan nagtatagpo ang mga makinaryang pandigma ng US at ang baguhan ngunit papalawak na mga base ng China. Literal na mga larangan ng girian ang East Asia at South China Sea sa pagitan ng dalawang imperyalista at patuloy na sumisidhi ang banta ng kagulahan sa pagitan ng mga makapangyarihan.

Hindi madali ang pagbabago—matarik ang daan ng pakikibaka. Laging pinupuntirya ng mga nasa kapangyarihan ang mga patuloy na nakikibaka para sa pagbabago gamit ang mga lumang paratang na kaaway ng estado, pagiging terorista at pagiging destabilizer.

Pinagsasaluhan ng Pilipinas at Greece ang landas ng rebolusyon at paglaban na katulad din ng Chile. Kaya’y angkop lang na isara ito sa sinabi ng Makakaliwang makatang Chilean na si Pablo Neruda: “Maaari mong sirain ang mga bulaklak, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng tagsibol.”

Nasisigurado natin ang katotohanan nito, dahil patuloy ang pagbabago, at nagbabago ang ating daigidig tungo sa mas magandang bukas.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss