Taong 1955 noong inamendyahan ng United States (US) at Pilipinas ang Bell Trade Act na nagbigay ng ganap na parity rights o karapatan na makinabang sa likas-yaman ng Pilipinas ang mga Amerikanong mamamayan at negosyo.
Noong Mar. 7, 1953, hiniling ng noo’y Pangulong Elpidio Quirino ang rebisyon ng Bell Trade Act na sinang-ayunan naman ni US President Dwight Eisenhower.
Nagsimula ang mga negosasyon noong Set. 20, 1954 sa Washington, D.C. Si Sen. Jose P. Laurel ang inatasan ni Pangulong Ramon Magsaysay na mamuno sa panig ng Pilipinas at si James M. Langley naman ang naatasan sa panig ng US. Pinirmahan ng dalawang panig ang kasunduan noong Set. 6, 1955.
Tinapos ng kasunduang ito ang libreng pag-angkat ng US ng asukal galing sa Pilipinas. Pagkatapos ng 1960s, tumaas ang halaga ng pagluluwas ng mga produkto, lalo na ng asukal galing sa bansa, dahil sa embargo ng US laban sa Cuba.
Tinapos din nito ang awtoridad ng US na kontrolin ang palitan ng dolyar at piso sa Pilipinas. Bago ang kasunduan, pabor sa dolyar ang palitan sa halagang P2 kada $1.
Sa unang tingin, mas pabor ang kasunduang ito sa interes ng mga Pilipino kung ikukumpara sa naunang Bell Trade Act. Layunin daw ng Laurel-Langley Agreement na bigyan ang Pilipinas ng mas malawak na awtonomiya sa ekonomiya at tugunan ang mga pinagtalunang isyu na dulot ng Bell Trade Act. Nagmarka ito ng pagbabawas sa impluwensiya ng US sa ekonomiya ng Pilipinas noong panahong iyon.
Kontrobersiyal ang Bell Trade Act dahil itinali nito ang ekonomiya ng Pilipinas sa ekonomiya ng US. Kinailangan ng isang batas na magbabago sa konstitusyon ng Pilipinas, kilala ito bilang Parity Amendment na nagbigay sa mga mamamayan ng US ng pantay na karapatan sa mga Pilipino sa pakikinabang sa mga likas na yaman at pagpapatakbo ng mga pampublikong yutilidad.
Itinuring na isang paglabag sa soberanya at kalayaan ang Bell Trade Act. Nagdulot ito ng pagtaas ng nasyonalismong pang-ekonomiya at sentimentong kontra-US. Unti-unting humina ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at US sa mga sumunod na dekada. Ang mga suliraning idinulot ng Bell Trade Act ang nagtulak para buuin ang Laurel-Langley Agreement na naipatupad mula 1956 hanggang 1974.
Ngunit bahagya lang na nakatulong ang Laurel-Langley Agreement para pahinain ang kontrol sa ekonomiya at militar ng US sa bansa. Kung tutuusin, hindi natapos dito ang panghihimasok ng US sa Pilipinas.
Sa usaping ekonomiya, US ang pinakamalaking export market ng Pilipinas at sa isa sa pinakamalaking dayuhang namumuhunan dito. Noong 2023, umabot sa $22.6 bilyon ang kabuuang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Iba’t ibang kasunduan pang-ekonomiya rin ang pinasok ng Pilipinas dahil na rin sa dikta ng US. Kasama dito ang pagpasok sa World Trade Organization, General Agreement on Tariff and Trade at iba pang kasunduang nagpapalaganap sa neoliberal na patakarang pang-ekonomiya.
Sa kasalukuyan, pinipilit na baguhin ang Saligang Batas ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagsulong ng Charter change sa Kamara para todo-todong pagbubukas sa ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhan, kasama na ang sektor ng agrikultura at edukasyon.
Sa usaping militar naman, pinalawak ng Pilipinas ang bilang ng mga base militar na pinamamahalaan ng US sa bansa. Mahigit 16,000 hukbo ang lumahok sa Balikatan exercise ngayong taon.
Sa likod ng mga mababangong salita ng US, isang manipestasyon ng neokolonyalismo ang kanilang presensiya sa bansa. Amerika ang dahilan kung bakit nananatiling nasa kamay ng mga naghaharing-uri ang kayamanan na dapat tinatamasa ng masa.
Pamana nila ang ekonomiyang hindi pantay at nakasandig sa mga dayuhan at nagpapatuloy na humuhubog sa ekonomiya ng Pilipinas hanggang ngayon.