Pinangunahan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang pagtitipon ng mahigit 1,000 drayber at opereytor sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang maghain ng withdrawal sa franchise consolidation nitong Ago. 27.
Ayon sa Department of Transportation, malayang kumalas sa Public Transport Modernization Program ang mga drayber at opereytor na nagpakonsolida ngunit iginiit na ang mga drayber at opereytor din ang mahihirapan kung sakaling magwi-withdraw sila sa programa.
Tiniyak naman ng Piston na unang bugso pa lang ang mahigit 1,000 nag-withdraw ng aplikasyon. Ayon kay Piston president Mody Floranda na planong tumakbong senador sa halalan sa 2025, marami pa ang lumalapit sa kanila hinggil sa proseso ng pag-urong ng aplikasyon.
“Madadagdagan pa [ang mga magwi-withdraw] at hindi lamang dito sa NCR (National Capital Region) kundi sa iba’t ibang rehiyon dahil madami na ang nagpapa-abot sa atin na humihingi ng tulong,” ani Floranda.