Libreng Edukasyon ng PLM, may banta ng delistment sa CHED UniFAST –


Banta ng pagtatanggal ng Free College Education ang bumungad sa mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa unang araw ng klase matapos ibalita ng Commission on Higher Education (CHED) na made-delist ang pamantasan bilang benepisyaryo ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) noong Agosto 15.

Ayon sa sulat na natanggap ni PLM Board of Regents Chairperson Atty. Jose Ngaw mula sa CHED, kinakailangan na magkaroon ang University President ng doctorate degree gaya ng rekisitong hinihingi mula sa mga Local University at Colleges (LUCs) at inaasahan ang compliance ng pamantasan hanggang Agosto 30 bago tuluyang matanggal sa listahan ng CHED UniFAST beneficiaries. 

Giit naman ng administrasyon ng PLM, hindi kabilang sa LUCs o State Universities and Colleges (SUCs) ang PLM dahil kinikilala ito bilang chartered university sa ilalim ng RA 4196 of 1965. Nakahanda rin ang administrasyon na patunayan ang klasipikasyon ng pamantasan hanggang korte.

“Nag-submit tayo ng reply sa CHED. Mapapansin namin na binigyan kami ng ganyang sulat kasi nags-submit kami [PLM administration] noong Enero ng bagong tuition fee rates. Hanggang ngayon hindi tayo sinasagot. ‘Yung bill natin last school year, hindi pa rin binabayaran (ng CHED UniFAST) na more than P120 million. Imbis na sagutin at bayaran ang ating bill, binigyan tayo ng sulat na hindi qualified ang presidente. Mukhang nililihis ang isyu. Ang isyu dito, UniFAST owes PLM P127 million,” pahayag ni PLM President Emmanuel Leyco.

Ani President Leyco sa online na dayalogo kasama ang administrasyon at PLM Supreme Student Council Executive Officers kahapon, kung mababayaran na ng CHED ang utang sa pamantasan ay saka siya bababa sa posisyon. 

Pinangangambahan ng mga mag-aaral ang pagkawala ng awtonomiya at pagiging ekslusibo ng pamantasan sa mga Manileño kung sakaling gawin itong LUC dahil makikihati na lamang ito sa pondo ng Manila Local Government Unit na hindi kayang gawing sustenido ang matrikula ng buong populasyon ng mag-aaral ng PLM.

Aabot sa 18,000 ang mag-aaral ng pamantasan na nagmumula sa Maynila at iba’t-ibang kapuluan ng bansa na nakatatamasa ng libreng edukasyon dahil sa UAQTEA.

Pangamba ng Komunidad ng PLM

Nagkasa ng lokal na programa para sa First Day Fight ang mga mag-aaral ng PLM upang igiit ang kanilang karapatan sa libreng edukasyon sa University Activity Center (UAC) nitong Martes, Agosto 29.

“Sa unang araw pa lang ng akademikong taon, kitang-kita na agad ang pagpapabaya ng estado sa sektor ng edukasyon at mga PLMayers. Umaabot na sa puntong ang mga estudyanteng walang pambayad sa mga naglalakihang matrikula ay tatanggalan na ng tuition fee assistance sa loob ng isang pampublikong unibersidad,” pahayag ni Panday Sining National Vice Chaiperson Euwan Kristofer sa programa.

Sa pagtatapos ng 5-year moratorium tuition increase ng SUCs at LUCs, isa ang PLM sa nagpasa na itaas ang tuition rates mula sa P293 per credit na maging P1,000 per credit. Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), umabot sa 10.49% to 12.06% ang pagtaas ng matrikula noong 2019-2021.

Ang kakulangan ng sapat na alokasyon ng pondo lalo sa mga SUCs at LUCs ay nagdudulot ng limitadong  slots sa mga programa at kolehiyo para ganap na matamasa ng mga mag-aaral ang libreng edukasyon ayon din sa UAQTEA.

Kasabay ng pag-delist sa PLM bilang CHED UniFAST beneficiary, dagdag sa alalahanin ng mga Manilenyong mag-aaral ng pamantasan ay ang delayed na Student Assistance Program (SAP) na nagkakahalaga ng P1,000 sa buwanan.

Isa si Rey Lagoc sa mag-aaral ng PLM na nakatira sa Espana. Bunsong anak sa tatlong magkakapatid si Rey ng retiradong ina at ama na OFW sa Japan. Ayon kay Rey, wala siyang binabayarang tuition pagpasok sa PLM at may natatanggap din na SAP ngunit delayed 

Aniya, sumasabay ang presyo ng pamasahe at iba pang gastusin sa banta ng pagkakaroon ng tuition fee na sa laki ng matrikula ay maaari na lang sana gamitin sa pangangailangan araw-araw ng pamilya.

“Binibigyan ako ng allowance, pero hindi dahil may allowance ako, may allowance na rin ang ibang estudyante. Dapat isipin natin na iba-iba kami ng status sa buhay. Hindi natin alam ang bawat kwento ng buhay o paano nakaka-survive sa arawan,” ani Rey.

Sa arawang byahe, P30-P32 ang nagagastos ni Rey sa transportasyon. Sa pagkain naman ay umaabot hanggang P70-P90 ang kabuuang rice meal. Sa estimasyon ay aabot sa P120 sa kalahating araw pa lamang ang gastusin.

“Bilang mag-aaral na nasa public school, hirap ang makapagbayad ng edukasyon dahil hindi lahat ay privileged enough para makapag-aral. Kung magkakaroon pa ng bayad, hindi natin mae-ensure ang future ng isang estudyante. With tuition fees, nare-restrict natin sila sa kung anong kaya nilang gawin na siyang iniiwasan natin sa public school. H’wag natin ipagkait sa mga estudyante ang makapag-aral ng libre,” tugon ni Rey sa bantang delistment ng PLM sa CHED UniFAST.

Aabot ng P16,000 hanggang P30,000 kada semestre, ang pinangangambahang tuition fee ng mga mag-aaral sakaling gawing rekisito na ang matrikula sa PLM. 

“Hindi naman makatarungan na ililimita lang natin ito (libreng edukasyon) sa mga Manilenyo. Ang UniFAST ba ay utang na loob? Hindi po. [Ang UniFAST] ay obligasyon ng pamahalaan na tustusan ang pag-aaral ng bawat Pilipino,” ani Leyco.

Ayon sa anunsyo ng PLM Supreme Student Council nitong Miyerkules, nasa Manila Chief of Staff na ang request letter for dialogue kay Manila Mayor Honey Lacuna upang pag-usapan ang susunod na aksyon ng unibersidad hinggil sa CHED UniFAST beneficiary delistment.

Akademikong kalayaan at karapatan ng mga PLMayer

Tungkol naman sa iba pang demands sa pamantasan, nang tanungin si President Leyco ukol sa pagbubuwag ng dress code policy, kaniyang sinabi lamang na ang pagkakaroon ng schedule na mag-uniporme ang mga estudyante sa apat na araw ng linggo ang resulta ng student survey para sa dress code.

Bilang transwoman, isa si Rey sa nakatatamasa ng tagumpay para sa komunidad ng LGBTQIA+ nang magkaroon ang pamantasan ng administrative order noong 2022 na pinahihintulutan ang mga mag-aaral sa kasuotan nang naaayon sa kanilang pagkakakilanlan. 

Ang PLM ay ang kauna-unahang pampublikong unibersidad na nagkaroon ng patakaran sa gender-neutral na uniporme.

Samantala, sa usapin ng retention policy sa mga kolehiyo, nananatiling hindi sang-ayon si President Leyco sa pagbubuwag ng polisiya dahil umano “ito ang pundasyon ng kalidad ng edukasyon.”

“Nagrerecon tayo. Pero ‘pagdating sa retention, walang recon, kailangan mag-aral tayo talaga,” tugon ni Leyco. 



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!