Lider-estudyante sa UST, ginigipit

February 26, 2024


Ni JESSICA LUNA
Pinoy Weekly

“Para sa lahat ng Tomasino, handa akong isugal ang aking pagkaestudyante rito sa UST (University of Santo Tomas) para lamang ilantad kung gaano kalala ang student repression dito sa unibersidad.”

Ito ang naging pahayag ni Raven Kristine Racelis, estudyante ng pilosopiya ng UST Faculty of Arts and Letters at kasalukuyang chairperson ng Panday Sining-UST, matapos siyang makatanggap ng show cause notice mula sa Office of Student Affairs (OSA) nitong Peb. 19.

Isa si Racelis sa mga nanguna sa mga protestang tutol sa lantarang sensura ng administrasyon ng UST sa digital media organization na TomasinoWeb kamakailan.

Sa ibinabang notice, ikinatuwiran ng administrasyon na lumabag daw si Racelis sa Code of Conduct ng unibersidad.

“The students shall join or form only student organizations whose objectives uphold the vision and mission of the University. Students shall join only organizations duly recognized by the university,” ayon sa panuntunan ng UST na ginamit laban kay Racelis.

Para kay Racelis, isang hakbangin lang ito para “pangalagaan ang huwad na [prestihiyo] ng unibersidad na nakabatay sa ideolohiyang atrasado, konserbatibo at anti-demokratiko na sumasang-ayon sa pasismo ng rehimeng US-Marcos [Jr.]”

“Ninanais nilang itaguyod ang kultura ng pananatiling bulag at walang imik sa harap ng [mga] naglalagablab na isyung panlipunan,” sabi pa nito.

Jessica Luna/Pinoy Weekly

Isang pangkulturang organisasyon ng kabataan na nagsusulong ng pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng progresibong sining at literatura ang Panday Sining na kinabibilangan ni Racelis

“If the mission of UST is to dedicate itself to the generation, advancement, integration, dissemination and applications of knowledge to form competent and compassionate persons committed to serve the Church, the nation, and the global community, then it is clear that the administration of [UST] itself is failing,” ayon sa isang pahayag ng Panday Sining.

Hindi ito ang unang beses na nagbaba ng show cause notice ng OSA sa kanilang estudyante. 

Noong nakaraang taon, nakatanggap din ng ganito si Allen Ballesteros, isang senior high school student ng UST at chairperson ng Anakbayan-UST sa parehong dahilan na pagsali sa mga itinuturing na “unrecognized organization.”

Dahil sa patuloy na represyon ng UST, sunod-sunod na naglunsad ng mga kilos-protesta ang mga estudyante sa loob at labas ng unibersidad. 

Nitong Peb. 21, nagprotesta sa Gate 3 at Gate 7 ng UST ang mga estudyante para kondenahin ang show cause notice kay Racelis at sensura sa TomasinoWeb.

Sa loob din ng ilang taon, nagkasa ng kilos-protesta loob ng kampus ang mga mag-aaral na tinawag na “Black Mask Protest” nitong Peb. 23 sa UST Grandstand.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring tugon ang administrasyon ng UST hinggil sa isyu ng sensura sa TomasinoWeb.

Samantala, patuloy na nananawagan ang mga estudyante para sa mga kalayaan sa pagpapahayag, organisasyon at pang-akademiko sa loob ng pamantasan.

The post Lider-estudyante sa UST, ginigipit appeared first on AlterMidya.



Source link

Don't Miss

Luisita farmers asks gov’t to reopen Tadeco land distribution

Security guards of Tarlac Development Corporation are stationed around some

PRWC » Problema sa lupa ng magsasaka sa Hacienda Roxas, hindi kailanman nilutas ng reaksyunaryong estado

Taliwas sa pahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa