Government Services

Lider-Lumad na si Michelle Campos, natagpuan na – Pinoy Weekly

Lider-Lumad na si Michelle Campos, natagpuan na – Pinoy Weekly


Natunton na ang lokasyon ng inarestong lider-Lumad na si Michelle Campos sa Democrito O. Plaza Memorial Hospital sa Prosperidad, Agusan del Sur.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, inaresto si Campos noong Mar. 6. Dinampot din ang isa pang lider-Lumad na si Genasque Enriquez sa hiwalay na operasyon noong Mar. 2.

Sinimulang hanapin sina Campos at Enriquez ng isang fact-finding mission ng Katribu, Tanggol Magsasaka, Karapatan, Agham, United Church of Christ in the Philippines at Iglesia Filipina Independiente nitong Marso 10 hanggang 12 sa Agusan del Sur.

Napag-alamang ang 3rd Special Forces Battalion sa ilalim ng 401st Infantry Brigade ng Philippine Army ang ilegal na umaresto kay Campos nang walang warrant of arrest.

Kinumpirma ni Campos na inaresto siya bandang 10:00 p.m. ng Mar. 5, taliwas sa inilabas ng militar hinuli siya ng Mar. 6 ng bandang 2:00 a.m.

Ilang ulit sinubukan ng mga grupo na mabisita si Campos sa loob ng ospital ngunit hindi sila pinahintulutan ng militar kahit na kasama nila ang pamilya at abogado ni Campos.

Ngunit matapos ang paggigiit sa karapatan ni Campos na mabisita ng kanyang kaanak at makausap ng abogado, nagkaroon ng pagkakataon ang fact-finding team na makita siya.

Gayunpaman, patuloy ang panghaharas, pagbabanta at pagmamatyag ng militar na nakatanod sa paligid ng kuwarto ni Campos. Sa ospital lang din ipinakita kay Campos ang warrant of arrest.

Bukod pa rito, may mga gawa-gawang kaso ring isinampa ang mga puwersa ng estado na hindi pa rin malinaw kay Campos at sa kanyang abogado.

Makikita sa ilang retratong inilabas ng Katribu na mayroong galos sa kanang bahagi ng pisngi at sa parte ng siko ni Campos. Sa ngayon, wala pang pahayag ang grupo kung anong nangyari dito.

Umapela naman ang organisasyong pangkarapatang pantao para sa agarang pagpapalaya ni Campos mula sa kustodiya ng militar dahil sa mga iregularidad sa kanyang pagkakaaresto.

Samantala, patuloy ang paghahanap kay Enriquez sa pamamagitan ng pagbisita sa mga kampo ng militar at istasyon ng pulisya ngunit mahirap makuha ang kooperasyon sa mga ito ayon sa Katribu. 

Nananawagan ang Karapatan at iba pang grupo na ilabas na si Enriquez. Anila, 12 araw na siyang hindi nakikita mula nang maaresto.

Si Campos ang anak ni Dionel Campos, isa sa mga lider ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu) na marahas na pinatay noong Setyembre 2015 ng paramilitar na grupong Magahat-Bagani sa insidenteng inaalala ngayon bilang unang Lianga Massacre.

Nagsilbi namang lider ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon (Kasalo) si Enriquez. Isa ang Kasalo sa mga organisasyong kilala sa pagtindig para sa karapatan ng katutubo sa kanilang lupang ninuno.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning