Nakalaya na ang campaign director ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU) na si Gavino Panganiban matapos ang isang taon sa bilangguan.
Ibinasura ng Infanta Regional Trial Court ang gawa-gawang kasong murder na isinampa kay Panganiban matapos ilegal na hulihin noong Okt. 27, 2024. Kasama ni Panganiban ang organisador ng unyon na si Maritess David ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-KMU (Olaila-KMU) noong arestuhin habang nagsasagawa ng relief operations para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine.
Bago hulihin ng pulisya, tiniktikan muna sina Panganiban at David sa kanilang inuupahang bahay sa Barangay Valenzuela, Makati City. Inaresto sila ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army at Southern Police District ng Philippine National Police National Capital Region Police Office gamit ang mga gawa-gawang warrant.
Idiniin ng Pamantik-KMU na patuloy nilang kinokondena ang panunupil ng pulisya at militar sa mga lider-manggagawa at ipinapanawagan ang agarang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong politikal.
