Naglabas ng memorandum ang Land Transportation Office (LTO) na nagsususpinde sa implementasyon ng Administrative Order (AO) No. VDM-2024-046 hingil sa pagtatakda ng bagong mga patakaran sa agarang paglilipat ng pagmamay-ari ng mga rehistradong sasakyan.
Layunin ng nasabing kautusan na mapigilan ang iligal na mga transaksyon tulad ng carnapping at pasalo. Dagdag pa, ang sinumang lalabag sa kautusang ito ay nagpapataw ng P20,000 multa ukol sa pagbili at pagbebenta ng mga motor vehicles.
Umalma ang iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon dahil sa kakulangan ng konsultasyon at ang biglaang pagpapatupad nito. Sa inilabas na joint statement ng Defend Jobs Philippines (DJP), Laban TNVS, Manibela, at Coalition of Union Courier Shippers Services Philippines, ang naturang administrative order ay dagdag pahirap lamang sa sektor ng transportasyon at sa mamamayan.
Binigyang-diin ng mga grupo ang mga sumusunod na dahilan kung bakit dapat agad masuspinde ang (AO) No. VDM-2024-046:
- Walang konsultasyon sa transport groups – Ayon sa mga grupo, hindi man lang kinonsulta ang mga transport groups bago ipatupad ang kautusan, na malinaw na may direktang epekto sa sektor ng transportasyon.
- Retroactive na implementasyon – Kasama sa patakaran ang mga nakaraang transaksyon na nagdudulot ng hindi makatwirang pagbabalik ng mga kaso na hindi sakop ng bagong batas.
- Hindi makataong multa – Sa gitna ng krisis sa ekonomiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang P20,000 multa ay mabigat para sa karaniwang mamamayan.
- Dagdag na pahirap sa mga ordinaryong mamamayan – Marami ang hindi kaagad makasusunod sa bagong patakaran dahil sa limitadong panahon at kakayahang pampinansyal.
- Posibleng pagmulan ng korapsyon – Ang mataas na multa ay nagbubukas ng oportunidad para sa korapsyon sa LTO.
- Pagsasara ng espasyo para sa karapatan ng mga drayber at mamimili– Nagiging hadlang ito sa makatarungang proseso at nagpapakita ng kapabayaan sa interes ng mga drayber at mamamayan.
Ayon sa mga grupo, ang mga patakaran tulad ng AO-VDM-2024-046 ay dapat dumaan sa masusing pag-aaral at sapat na konsultasyon upang tiyakin na makakabuti ito sa karamihan. Panawagan nila na suspindihin ang kautusan at bumuo ng mas makatao at inklusibong polisiya para sa sektor ng transportasyon.
Batay sa inilabas na memorandum ng LTO, pansamantalang sinususpinde ang AO upang bigyan ng mas mahabang panahon ang mga motorista at transport groups na makasunod at upang malinaw ang ilang probisyon ng patakaran.
Transaksyon sa buy-and-sell market
Ang buy-and-sell market ay may malalim na kasaysayan sa kalakalan na nagsimula pa noong sinaunang panahon sa sistemang barter. Sa paglipas ng panahon, naging mahalaga ang paggamit ng pera sa mga transaksyon at lumago ang merkado ng buy-and-sell, partikular sa mga pamilihan, tiangge, at mga palengke.
Sa pag-usbong ng teknolohiya, partikular ang pagdating ng internet, ang buy-and-sell ay naging isang popular na paraan ng pagkita ng mga maliliit na negosyante. Ang mga online marketplaces tulad ng eBay, OLX, Lazada, at Shopee, kahit sa Facebook Marketplace at Tiktok shop ay nagbigay-daan sa mga tao na makapag-buy-and-sell nang aksesible ang transaksyon.
Partikular sa mga sasakyan, ang pagbebenta ng second-hand na mga motor at kotse ay isang negosyo dahil sa pangangailangan ng mas abot-kayang alternatibo para sa mga nagnanais ng transportasyon.
Ayon sa isang seller na si Jomar Magpayong Jr., hindi niya tunay na pangalan, karamihan sa mga nagbebenta ng sasakyan ay ginagawa ito para ipandagdag sa pambili ng bagong unit, lalo na kung ang luma nilang sasakyan ay pinagkatandaan na o hindi na nagagamit.
Dagdag pa niya, ang ibang sasakyan ay ibinebenta rin ng mga pamilya ng mga yumaong may-ari upang magamit pa ang mga ito.
“Gusto rin ng iba na magkaroon ng four wheels, dahil sa tag-init o tag-ulan, nakakaless ng pagod kasi nasa loob ka ng sasakyan,” ani Magpayong.
Pagdating sa sistema ng hatian sa pagbenta, mayroon ding iba’t ibang aktor na kalahok sa transaksyon kabilang na ang mga ahente o brokers na tumutulong sa paghahanap ng buyer o sa mismong pagbili ng unit.
Ayon kay Magpayong, tinatawag ang mga ahente na “plus one” sa sistema ng pagbebenta. Ibig sabihin, may karagdagang halaga na itinatakda ang ahente kapag ipinapasa nila ang unit sa seller o mamumuhunan.
“Pinakamababa sa hatian sa plus one ay P1000, minsan kapag mas maganda ang unit, pwedeng P5000, tapos yung buong kinita ay mapupunta sa mamumuhunan kasi gagastos ka pa sa pampagawa para mapatino ang sasakyan na ibebenta. Kung may partner pa, edi magkahati iyon kahit sa kita, puhunan at gastos,” aniya.
Sa proseso naman ng paghahanap ng buyer, karaniwang inaabot si Magpayong ng isa hanggang tatlong linggo, ngunit may mga unit ding tinatawag na “tulog unit,” na tumatagal pa ng buwan bago mabenta.
Aniya, tinitiyak din ang kondisyon ng sasakyan bago ito ibenta kabilang na ang pag-aayos ng mga papeles at status sa LTO.
Ayon sa DJP, dumarami ang namumuhunan sa buy-and-sell market lalo na sa mga motor vehicles tulad ng motorsiklo at kotse bunsod ng mga nabanggit:
1. Pang-ekonomiyang pangangailangan – Ang pagbili ng second-hand na mga sasakyan ay mas abot-kaya para sa mga mamamayan na hindi kayang bumili ng bago.
2. Kawalan ng sapat na suweldo o kabuhayan– Nakikita bilang alternatibong pagkakakitaan ang buy-and-sell dahil sa kawalan ng sapat na oportunidad sa trabaho o maliit na kita mula sa ibang sektor.
3. Mas mabilis na return of investment – Para sa ilang maliliit na negosyante, ang buy-and-sell ng sasakyan ay nagbibigay ng mas mabilis na kita dahil sa mabilis na demand at mataas na resale value ng mga motor vehicles.
4. Lumalaking demand sa transportasyon – Bunsod ng lumalaking pangangailangan sa transportasyon, ang buy-and-sell ay nagiging kapaki-pakinabang para sa mga nagnanais na magkaroon ng sariling sasakyan para sa negosyo o personal na paggamit.
“Nananawagan kami na agad na suspendihin ang nasabing administrative order. Nais naming iparating na ang anumang hakbang na makakaapekto sa sektor ng transportasyon ay dapat dumaan sa masusing pag-aaral at sapat na konsultasyon. Dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga manggagawa at transport drivers, bago magpatupad ng mga ganitong uri ng polisiya,” pahayag ng DJP.