Sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng langis, bigas at iba pang batayang pangangailangan, lalo pang lumulubog sa kahirapan ang mga Pilipino, lalo na sa kanayunan.
Tumataas ang gastos sa produksiyon mula sa binhi at pataba hanggang sa transportasyon. Napipilitang mangutang ang mga magsasaka upang para sa kanilang kabuhayan at makakakain.
Kasabay nito ang patuloy na pang-aagaw ng lupa para sa mga proyektong minahan, plantasyon, enerhiya at imprastruktura. Wala na ngang sariling lupa, hirap pa sa seguridad sa pagkain.
Sa ganitong kalagayan ginugunita ang ika-57 anibersaryo ng New People’s Army (NPA) o Bagong Hukbong Bayan. Hindi ito simpleng pagdiriwang kundi pagpapatuloy ng isang matagal nang pakikibaka na ayon sa mga rebolusyonaryong puwersa ay nakaugat sa nagpapatuloy na mga krisis sa lipunan.
Ayon kay Communist Party of the Philippines (CPP) chief information officer Marco Valbuena, kabilang ang masang magsasaka sa malawak na masa ng sambayanang nagdurusa sa krisis. Hinaharap ng milyon-milyong pamilya sa kanayunan ang banta ng mas matinding kagutuman.
Ipinapasa pa raw sa mga magsasaka ang gastos sa nagmamahal na langis, kaya mas maliit ang naiuuwi mula sa benta ng kanilang ani. Sa kasalukuyan, pumapatong ang mga bagong krisis sa matagal nang suliranin sa kanayunan.
“Ang lumaking gastos sa transportasyon ng mga komersiyante ay ipinapasa sa mga magsasaka sa anyo ng lalong pagbarat sa pagbili sa kanilang mga produkto,” ani Valbuena.
Dahil dito napipilitang umutang ang mga magsasaka upang maipagpatuloy ang produksiyon. Madalas itong nagreresulta sa mas malalim na pagkakabaon sa utang at pagkalugi.
“Tiyak na lalong malulubog sa gabundok na utang ang mga magsasaka kasabay ng pangamba ng malawakang pagkalugi at pagtigil ng produksiyon.” dagdag ni Valbuena.
Sa hiwalay na pahayag ng isang panrehiyong kumand ng NPA sa Eastern Visayas, inilalarawan ang rehiyon bilang halimbawa ng malalim na krisis sa kanayunan.
“Mga magsasaka ang bumubuo sa 85% ng populasyon, ngunit walo sa bawat 10 sa kanila ay walang sariling lupa,” anila. Dahil dito, napipilitan ang mga magsasaka sa “75-25” na hatian sa panginoong maylupa, ‘di makataong pautang at mababang sahod.
Dagdag pa rito ang patuloy na pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural para sa mga proyektong imprastruktura, minahan at maging mga proyektong renewable energy na kumakamkam sa libo-libong ektarya ng sakahan.
Mga hinaing ng masa

Pangunahing dinaranas ng mamamayan ang mataas na presyo ng pagkain, lalo na ng bigas, kasabay ng pagtaas ng singil sa kuryente, tubig at iba pang yutilidad at serbisyo.
Samantala, nananatiling mababa ang sahod o kita at marami ang walang regular na trabaho. Sa kanayunan, nananatiling pangunahing problema ang mataas na upa sa lupa, mataas na interes sa pautang at mababang sahod ng mga manggagawang bukid.
Hindi lang ito usapin ng ekonomiya, may mga hinaing din ang masa hinggil sa panliligalig at panggigipit ng mga puwersang ng estado, pati na ang paglabag sa mga karapatang mag-organisa at sama-samang pagkilos.
“Dagdag dito ang reklamo ng masa sa walang awat na paninindak at panggigipit ng mga puwersang militar laban sa sinumang magsalita o manindigan para sa kanilang kapakanan, at ang paglabag sa kanilang karapatan na mag-organisa at sama-samang kumilos,” giniit ni Valbuena.
Militarisasyon sa kanayunan
Kasabay ng kahirapan isa pang mabigat na realidad sa kanayunan ang tumitinding militarisasyon.
“Sa nagdaang 10 taon, nadagdagan ng 10 [hanggang] 15 batalyon ng mga armadong sundalo ang ipinakat ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa mga barangay na pinaghihinalaan nitong sumusuporta sa NPA,” ani Valbuena.
Hindi lang nagtatapos doon ang pagtindi ng militarisasyon. Mula 2015, sa ilalim ng AFP Modernization Program, “maramihang tumanggap o bumili mula sa militar ng US (United States) o mga alyado nito ng mga jet fighter, attack helicopter, drone, kagamitan sa electronic surveillance, mga bomba at kanyon.”
Sa mga komunidad, nararanasan ito sa anyo ng kontrol sa galaw ng mamamayan, pagbabantay sa pagkain at kalakalan, at patuloy na presensiya ng mga armadong sundalo sa mga baryo. Sa ilang kaso, iniuugnay ito sa mas matitinding operasyong militar kabilang ang pamamaril, pambobomba at panganganyon sa mga lugar na malapit sa komunidad.
Pakikibaka at anibersaryo

Sa ganitong konteksto, inilalarawan ang anibersaryo ng NPA bilang bahagi ng nagpapatuloy na pakikibaka. Nananatiling mahalaga ang armadong pakikibaka sa harap ng lalong sumasahol na pagdurusa, paghihirap at kagutuman ng malawak na masa ng sambayanan.
Ipinapaliwanag ni Valbuena ito sa konteksto ng patuloy na pag-iral ng mga estrukturang panlipunan na nagdudulot ng kahirapan kabilang ang impluwensiya ng dayuhang kapangyarihan at ang papel ng mga lokal na naghaharing uri.
Dagdag pa rito, binibigyang diin ang papel ng masa sa pakikibaka. “Ang digmang bayan ay makasaysayang pagkilos ng masa. Isa itong prosesong pangmilitar at pampolitika. Ang tagumpay nito ay nakasalalay sa pagkilos ng milyon-milyong mamamayan,” aniya.
Sa Eastern Visayas, inilalarawan ang armadong pakikibaka bilang produkto ng matagal nang krisis sa lipunan. Sa ganitong pananaw, ang pagpapatuloy nito’y hindi hiwalay sa patuloy na pag-iral ng mga suliraning panlipunan.
Mensahe sa kabataan

Sa paggunita ng anibersaryo, binigyang diin din ang papel ng kabataan. Malaki ang ambag ng mga kabataang mandirigma sa pagpapatuloy ng pakikibaka at nananatiling mahalaga ang kanilang partisipasyon sa hinaharap.
“Ang sigasig ng NPA na maglingkod sa interes ng bayan at gapiin ang pasistang kaaway ay nagmumula sa sigla ng karamiha’y mga kabataang Pulang mandirigma na determinadong baguhin ang tadhana ng bansa at dalhin ito sa landas ng mapulang kinabukasan,” ani Valbuena para sa mensahe niya sa kabataang Pilipino.
Sa huli, ang anibersaryo ng NPA ay hindi lang pag-alala sa nakaraan kundi repleksiyon ng kasalukuyang kalagayan ng masa at ng patuloy nilang paghahanap ng pagbabago. Sa gitna ng krisis sa kabuhayan, lupa, at karapatan nananatiling bukas ang tanong kung paano tutugunan ang mga ugat ng kahirapan na matagal nang dinaranas ng masang Pilipino.
