Hindi dahil bumababa ang implasyon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ibig sabihin bumaba na rin presyo ng mga bilihin at mas marami nang nabibili ang mga Pilipino.
Mula 2022, tuloy-tuloy ang pagmahal ng mga bilihin at serbisyo kasama ang pagkain, tubig at kuryente. Hindi makahabol ang kinikita ng mga sambahayan. Makikitang pigang-piga na ang mga Pilipino dahil dumarami ang nagsasabi na naghihirap at nagugutom na sila, kahit pa inaanunsiyo ng mga opisyal na maganda ang ekonomiya.
Sa pagitan ng 2022 at 2025, nagmahal ang mga produktong pang-agrikultura—tumaas ng tatlong porsiyento ang regular-milled rice; aabot ng 39% sa mga root crops tulad ng kamote; sumisirit sa 128% ang presyo ng beans at legumes; aabot ng 55% sa presyo ng prutas at gulay; nasa 33% sa isda; at nasa 10% ang pagtaas ng presyo ng karne.
Ang bayad sa kuryente, tumaas ng aabot sa 27% o P2.80 kada kilowatt-hour, at sa Metro Manila, umabot ng P20 hanggang P21 percent per cubic meter ang tinaas ng singil sa tubig.
Lubhang apektado ang mga pamilya mula sa lower-income household na nauubos ang malaking bahagi ng sahod sa pagkain at batayang serbisyo pa lang. Umangat sa 51% nitong Nobyembre 2025 ang mga nagsabing naghihirap sila, mula sa 48% noong Hunyo 2022, ayon sa Social Weather Stations (SWS). Pinapakita nito na nauuwi sa paglubha ng sitwasyon sa mga kabahayan ang nagmamahalang bayarin.
Madalas ituro ng administrasyong Marcos Jr. na dahilan sa implasyon ang mga panlabas na salik tulad ng problema sa pandaigdigang suplay, pabago-bagong halaga ng enerhiya at mga paggambala sa merkado dulot ng mga isyu sa klima.
Kahit pa may bilang ang mga salik na ito, hindi sila sapat para ipaliwanag ang hindi maampat at lumalala pang pagsirit ng mga bayarin sa Pilipinas. Ang implasyon sa bansa ay hindi na lang bahagi ng siklo; bahagi na ito ng istruktura.
Tuloy-tuloy
Nakasandig ang ekonomiya ng Pilipinas sa pag-iimport, partikular ng pagkain at gasolina. Dahil dito, nagagambala ang lokal na presyuhan sa ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado at taas-baba ng exchange rate.
Kasabay pa nito ang mahinang kakayahan sa lokal na produksiyon sa agrikultura at manupaktura sa bansa, matapos ang deka-dekadang kapabayaan. Noong 2024, bumaba sa walong porsiyento na lang ang hati ng agrikultura sa gross domestic product, pinakamaliit sa kasaysayan. Ang manupaktura naman, bumaba ng 17.6%, pinakamababa sa loob ng 75 taon.
Nalilimitahan ng mga ito ang kakayahan ng Pilipinas na magkaroon ng estableng suplay na hindi basta-basta apektado ng mga pagbabago sa ibang bansa.
Imbes na tulungan ang mga magsasaka, puro importasyon at pagbabawas ng taripa ang sagot ng gobyerno sa mahal na pagkain. Hindi ito solusyon—pumapatay ito sa lokal na produksiyon. Dahil walang tunay na suporta sa lupa, patubig, at kagamitan, laging nanganganib ang suplay ng pagkain at nalulugi ang ating mga magsasaka.
Ganito rin ang problema sa serbisyo publiko. Hinahayaan ng gobyerno na negosyo ang pairalin sa tubig at kuryente. Ang resulta: ipinapasa ng mga pribadong kompanya ang lahat ng gastos sa mga konsyumer para masiguro ang kanilang tubo. Ang ending, pasan ng mahihirap ang patong-patong na bayarin habang nagpapakasasa ang mga negosyante.
Lalo pang bumibigat ang buhay dahil sa sistema ng buwis. Ang Value Added Tax (VAT) sa mga bilihin ay pahirap sa masang Pilipino, habang halos hindi naman ito iniinda ng mga mayayaman.
Lumalalang agwat
Mas kaya sanang sabayan ng mamamayan ang taas-presyo kung tumataas din ang sahod. Pero hindi. Ang P498 na average minimum wage ay barya lang kumpara sa P1,240 na kailangan ng isang pamilya para mabuhay nang disente kada araw (datos noong Disyembre 2025). Pito sa bawat 10 manggagawa ay nasa trabahong walang seguridad at mababa ang pasahod.
Dagdag pa, kahit humupa ang implasyon, patuloy na pinapababa ng pinagsama-samang epekto ng mga nakaraang pagtaas ng mga presyo ang tunay na halaga ng sahod.
Ang masaklap: habang naghihirap ang ordinaryong Pilipino, limpak-limpak naman ang kinikita ng mga bilyonaryo. Ang yaman nina Manuel Villar, Enrique Razon, at Ramon Ang—na may hawak sa kuryente, tubig, at pagkain—ay tumaas nang 135%, 107%, at 61% ayon sa pagkakasunod, mula 2022 hanggang 2025.
Usapang badyet
Sinasalamin ng pambansang badyet ang mga dahilan kung bakit nananatili ang krisis. Prayoridad pa rin ang pambayad-utang at insentibo para sa malalaking korporasyon, habang watak-watak ang pondo para sa agrikultura at serbisyong panlipunan.
Hindi tinutugunan ng badyet ang mga ugat ng kahirapan: ang kakulangan sa produksiyon ng pagkain at barat na pasahod. Sa halip, pinatitibay nito ang isang ekonomiyang umaasa sa pribadong interes at dikta ng dayuhang merkado.
Direksiyon ng polisiya
Para tunay na maresolba ang implasyon, kailangang baklasin ng gobyerno ang bulok na sistema na nagpapahirap sa bayan, sa halip na umasa sa mga panandaliang solusyon o sa dikta ng merkado.
Ang kagyat na kailangan: makabuluhang dagdag-sahod, mahigpit na kontrol sa presyo ng bilihin at serbisyo, at pagtanggal sa mga buwis na pabigat sa mahihirap (gaya ng VAT sa pagkain at langis).
Kasunod nito, dapat buhusan ng pondo at suporta ang lokal na agrikultura at bawasan ang pag-asa sa importasyon. Sa kuryente at tubig, kailangan ng mahigpit na regulasyon—dapat prayoridad ang serbisyo sa tao, hindi ang siguradong tubo ng mga negosyante.
Sa pangmatagalan, kailangan natin ng ekonomiyang nakatindig sa sariling paa—may sariling industriya at maayos na serbisyo publiko. Mapopondohan ito kung sisingilin nang tama ang yaman ng mga bilyonaryo at ang dambuhalang tubo ng mga korporasyon, sa halip na pigain ang mga konsyumer.
Pinatunayan ng implasyon sa ilalim ni Marcos Jr. na marupok ang ating ekonomiya. Kung walang tunay na pagbabago sa presyo at sahod, mananatiling hadlang ang mataas na cost of living sa pag-unlad at pagsugpo sa kahirapan. /Unang inilathala sa Ibon noong Ene. 16, 2026. Salin nina Jeoff Larua at Andrea Jobelle Adan.
