Mabangis na panunupil ng pasistang rehimeng US-Marcos


Pambungad

Ang ulat na ito ay halaw sa impormasyong tinipon at sinuri ng Ang Bayan (AB) hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong ahente ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 1, 2022 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Inilalarawan dito ang tindi ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino sa nagdaang isang taon, sa ilalim ng nagpapatuloy na kampanya ng panunupil at kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos.

Nais ipabatid ng AB na higit na marami pang kaso sa kanayunan ang hindi naiulat dulot ng kahirapan ng pagpapadala ng mga ulat ng mga yunit na humaharap sa matitinding operasyong militar. Hindi rin nito sinaklaw ang mga pinaslang sa ngalan ng “gera kontra droga” na sinimulan ng rehimeng Duterte at ipinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimen. Hindi rin matamang nasaklaw sa kasalukuyang ulat na ito ang maraming paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Moro na karaniwang hindi naisisiwalat sa publiko.

Sa ulat na ito, inisa-isa ng AB at tinukoy ang iba’t ibang paglabag sa karapatang-tao sa kada insidente. Ginamit nito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at sa bilang ng mga batang apektado.

Patakaran ng panunupil

Noong Agosto, isinapubliko ng rehimeng US-Marcos ang bagong National Security Policy (NSP) para sa taong 2023-2028. Sa ilalim nito, walang nagbago sa masidhing pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imperyalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko.

Patuloy na itinaguyod ng bagong NSP ang pagpapailalim sa lahat ng aspeto ng lipunan—mula ekonomya hanggang kalikasan—sa balangkas ng “pambansang seguridad” na ibayong nagpapalaki sa papel ng militar at mga ahensyang panseguridad sa pagpapatakbo ng reaksyunaryong estado. Patuloy na namamayagpag ang AFP at mga pwersang panseguridad, sa pamamagitan ng National Task Force-Elcac, na kumukubabaw sa mga sibilyang ahensya at lokal na mga gubyerno hanggang sa antas-barangay.

Tahasang idineklara ng bagong NSP ang pagpapatupad ng mga hakbang para supilin ang tinatawag ng rehimen na “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diumano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propaganda.” Sa nagdaang taon, wala pa ring lubay ang malisyosong pag-uugnay ng mga aktibista sa armadong kilusan para bigyang katwiran ang marahas na pang-aatake sa kanila, gayundin sa mga kalaban nito sa pulitika at maging sa ordinaryong mamamayan. Kapuna-puna ang pagdami ng mga sibilyang biktima ng sapilitang pagwawala o pagdedesaparesido.

Sa kanayunan, ipinaiilalim sa ibayong militarisasyon at okupasyon ang mga komunidad sa anyo ng mga focused military operation at okupasyon sa mga baryo sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa mga operasyon nito, mga sibilyan at magsasaka ang pangunahing tinatarget ng karahasang militar at panunupil. Kasabay nito ang walang pakundangang aerial bombing, istraping at panganganyon sa mga bukid at bundok na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Ipinagpatuloy din ng rehimen ang kunwa’y mga “lokalisadong usapang pangkapayapaan,” na walang iba kundi kampanya ng intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pangungurakot sa pondo ng bayan.

Patuloy rin ang walang pakundangang paglabag ng estado sa mga alituntunin sa digma, sa anyo ng sadyang pagpatay sa mga sugatang mandirigma, pagpatay sa mga sibilyan sa mga “pekeng engkwentro” at pagpapahirap sa buu-buong komunidad sa mga panahon ng operasyong kombat.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 127,386 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos sa nagdaang taon. Naitala ng AB ang umaabot sa 957 kaso (o higit dalawang kaso kada araw) ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa. Pinakamaraming kaso ang naitala sa buwan ng Marso (129 kaso).

Sa abereyds, mayroong pitong biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Mayroong isang biktima ng pagdukot kada linggo at dalawa ang biktima ng torytur kada dalawang linggo. Nakapagtala ang AB ng 284 biktima ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon kada araw. Hindi bababa sa 4,524 ang naging biktima ng spilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng okupasyong militar sa kanayunan.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 79 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nagdaang taon. Ang 25 biktima ay pinatay habang nasa kustodiya ng militar. Labintatlo naman sa mga biktima ang napatay dahil sa walang patumanggang pamamaril ng militar.

Mayorya sa mga kaso ay naitala sa panahong naglulunsad ng mga focused military operation (FMO) at RCSP ng mga sundalo at pulis sa mga komunidad. Halos lahat ng mga pagpaslang ay pinalalabas ng AFP na mga pekeng engkwentro o gawa-gawang labanan, na kagyat na pinabubulaanan ng pamilya, kapitbahay at maging ng mga upisyal ng lokal na konseho sa baryo. Maagap ding pinabubulaanan ang mga ito ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lugar. Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, at inihahandusay sa putikan. Tulad sa nakaraan, nagpapatuloy ang pagkuha ng militar ng mga litrato ng mga bangkay para ipakalat sa social media at pagpyestahan ng kanilang mga troll.

Sa mga pinaslang, pinakamarami ang mga magsasaka (56). Lima sa mga biktima ay menor-de-edad, kabilang isang 2-anyos na batang lalaki. Sa kabuuan, 11 babae, kabilang ang isang 6-buwang buntis, ang pinatay ng mga sundalo at pulis. Sa mga biktima, 22 ang mga hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), hindi kombatant o mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan. Tatlong kaso ng masaker naman ang naitala.

Sa kalunsuran, matingkad na kaso ang pagpaslang kay Jude Fernandez, beteranong organisador ng kilusang paggawa, noong Setyembre 29. Pinalabas na “nanlaban” siya habang inihahain ang mandamyento de aresto sa tinutuluyan niyang bahay sa Binangonan, Rizal. Hindi armado si Fernandez. Ayon sa ulat ng grupong nagsiyasat sa lugar ng krimen, walang nakitang ebidensyang siya’y “nanlaban.” Mali rin ang mandamyentong ihinain sa kanya, na nakapangalan sa isang “Oscar Dizon.” Ika-apat siyang biktima ng pagpatay sa hanay ng kilusang paggawa sa panahon ni Marcos.

Sa kanayunan, kahindik-hindik ang ginawang krimen ng militar sa aktibistang si Arthur Lucenario. Dinukot siya noong madaling araw ng Abril 14 sa bayan ng San Miguel sa isla ng Bohol at lihim na ikinulong sa loob ng isang buwan. Noong Mayo 12, ibinulagta ang patay niyang katawan sa Barangay Tabuan, Antequera. Gumawa ang AFP ng kwentong engkwentro para pagtakpan ang kanilang krimen. Bakas sa kanyang bangkay ang tindi ng dinanas niyang tortyur.

POKUS : Masaker sa Kabankalan 6

Bumibyahe noong Setyembre 21 ang limang mandirigma sakay sa traysikel na minamaneho ni Robin Gaitan nang paulanan sila ng bala ng mga sundalo ng 47th IB sa Sityo Lubi, Barangay Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental. Agad na nasawi ang anim, kasama ang medik ng BHB na si Mellissa de la Peña (Ka Diane), na noo’y anim na buwang buntis, at ang kanyang asawang si Alejo de los Reyes (Ka Bravo). Ang tatlo pang mga mandirigmang napaslang ay sina Bobby Pedro (Ka Rekoy), Mario Mullon (Ka Goring) at Janice Flores (Ka Joyce.) Hindi sila armado pero pinalabas ng militar na nagkaroon ng “engkwentro” at nakasamsam pa ng armas pagkatapos nito.

Pinabulaanan ng BHB ang pagsisinungaling ng 47th IB. Anito, labag sa mga intenasyunal na makataong batas ang pagpaslang sa limang kombatant na wala sa katayuang lumaban. Idiniin naman ni Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos, Negros Occidental na dapat tiniyak ng militar ang maksimum na proteksyon sa katunggaliang partido, lalupa’t mayroong sibilyan, katulad ng itinakda ng Martens Clause.

Naitala naman ng Ang Bayan ang 28 kaso ng bigong pagpaslang sa nagdaang taon sa Kalinga, Camarines Norte, Masbate, Negros Occidental, Negros Oriental, Northern Samar, Surigao del Sur, Bukidnon at Misamis Oriental. Sangkot sa mga kasong ito ang mga nag-ooperasyong yunit ng militar, na sa takot maunahan, ay walang patumanggang namamaril sa sinumang nakakasalubong sa gubat o daan.

Sa Bukidnon, bugbog, sugat at troma ang sinapit ng tatlong Lumad na kumaripas ng takbo nang bigla silang paulanan ng bala ng sundalong nag-ooperasyon. Nasa magubat na bahagi ng Barangay Indalasa, Malaybalay City sina Levi, Jemboy at isang hindi napangalanan para manguha ng duryan nang masalubong sila ng mga sundalo noong Nobyembre 17. Sa kanilang pagmamadali, naiwan nila ang debombang baril na ginagamit nila sa pangangaso. Ipinagmalaki ito ng militar na “nasamsam” sa isang “engkwentro” sa isang yunit ng BHB, at ayaw ibalik kahit na dumulog ang datu ng tribo.

Sa Masbate, nakatakas sa tangkang pagpatay ang tatlong sibilyan na noo’y nakatigil sa isang bahay sa Sityo Milagro, Barangay Guindawhan, Pio V. Corpus. Walang patumanggang pinaulanan ng bala ng pwersa ng 2nd IB ang bahay bago ito sinunog.

Sa Negros Occidental, tinangkang patayin ng mga tauhan ng 94th IB ang anak ng magsasakang si Crispin Tingal Jr noong Mayo 3 sa Sityo Paloypoy, Barangay Buenavista sa Himamaylan City. Nais ng mga sundalo na pigilan siyang isiwalat ang brutal na pagpatay ng mga sundalo sa kanyang ama. Nakatakas siya at nakaiwas sa pagpapaulan ng bala ng mga berdugo.

Hindi naman bababa sa 44 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo. Marami sa mga biktima ay napag-initan ng sundalo o pinararatangang tumutulong sa hukbong bayan.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 77 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon sa 26 prubinsya sa nagdaang taon. Hindi bababa sa 155 ang biktima sa mga kasong ito. Pinakamarami ang inaresto at idinetine sa Negros Occidental (38), kasunod ang Negros Oriental (17), Batangas (12), Kalinga (11) at Masbate (9).

Sinampahan ng gawa-gawang mga kasong illegal possession of firearms and explosives at pagpaslang at bigong pagpaslang ang karamihan sa mga biktima para ipagkait ang pagkakataong makapagpyansa at matagalan silang ikulong. Walang pinipili ang militar sa inaaresto—matanda, maysakit, aktibista o kahit simpleng sibilyan lamang sa baryo.

Sa Masbate, inaresto ang 70-anyos na si Dolores Rapsing-Belibit sa simpleng dahilang kapatid siya ng yumaong Jose Rapsing, martir ng rebolusyonaryong kilusan, kung kanino nakapangalan ang kumand ng BHB-Masbate. Siyam na yunit ng militar at pulis ang sumalakay sa kanyang bahay sa Barangay Bolo, Masbate City, Masbate noong Setyembre 30. Sinampahan siya ng dalawang kaso ng pagpatay, tangkang pagpatay, at iba pang krimen.

Sa Bohol, nireyd ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP ang bahay ni Adolfo Salas Sr, 75 anyos, kilala rin sa tawag na Tatay Opong, sa Purok 5, Barangay Tubod, Candijay, Bohol bandang ala-1 ng madaling araw noong Mayo 25. Hinalughog ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant at pinalalabas na nakuhaan ng pistolang kalibre .45 at isang kalibre .38, maraming bala at isang granada. Kasaping tagapagtatag siya ng pamprubinsyang balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na Humabol-KMP.

Sa huling tala ng grupong Karapatan, mayroong 795 bilanggong pulitikal sa bansa kung saan 159 ay kababaihan. Sa mga ito, 98 ang may sakit at 78 ang matatanda. Walumput-apat (84) sa kanila ay inaresto at ikinulong sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

POKUS: Basurang mga kaso

Sa harap ng patakaran ng rehimeng US-Marcos ng malawakang pag-aresto, nakapagtala ng paunang mga tagumpay ang mga aktibista at grupo sa karapatang-tao sa Batangas matapos ang sunud-sunod na pagbabasura sa patung-patong na mga kaso laban sa kanila.

Magkakasunod na ibinasura ng mga korte noong Nobyembre ang mga kasong isinampa ng 59th IB laban sa apat na aktibista sa Southern Tagalog na sina Hailey Pecayo, John Peter Garcia, Ken Rementilla at Jasmin Rubia. Isinampa sa kanila ang mga kaso ng paglabag sa RA 9851 o Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes Against Humanity at Anti-Terror Law.

Ginagamit ng rehimeng US-Marcos ang Anti-Terror Law para malawakang supilin at atakehin ang mga kritiko at lumalaban sa kanyang anti-mamamayang patakaran. Sa Southern Tagalog pa lamang, hindi bababa sa 19 nang mga aktibista ang sinampahan ng mga kaso gamit ang batas na ito.

Naitala naman ng AB sa nagdaang taon ang 87 na biktima ng pagdukot. Ang mga kaso ng pagdukot ay kinatatangian ng malinaw na intensyon ng estado na sadyang itago ang biktima at itanggi na nasa kustodiya nila ang mga ito. Ang iba sa mga biktima ay inilitaw ng estado na patay na matapos ang ilang panahon ng pagkawala, o kung hindi ay nakulong sa gawa-gawang mga kaso.

Sa talaan ng AB sa nagdaang taon, 18 sa mga dinukot ay pinatay ng mga pwersa ng estado. Umaabot naman sa 10 ang mga dinukot sa nagdaang taon na hindi pa rin inililitaw. Sa kabuuan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, mayroong hindi bababa sa 11 desaparesido.

Naging laganap ang taktika ng rehimeng US-Marcos ng pagdukot at sikretong detensyon sa mga sibilyan, mandirigma ng BHB at mga rebolusyonaryo sa tangkang “pabaligtarin” sila at gamitin sa maruming gera ng estado. Dito ginagasta ng rehimen ang confidential at intelligence funds sa pag-upa o pagtatayo ng tinatawag nitong mga safe house kung saan ipinaiilalim ang mga nadakip sa hindi masikmura na mga paraan ng pagtortyur (mental, emosyonal at pisikal).

Sa Eastern Visayas, hawak ng 8th ID sina Mariel Rebato at Monica Ogacho, kapwa mga bagong ina, at kanilang mga sanggol. Kasama nilang nakapiit sa kampo ng 8th ID sa Barangay Maulong, Catbalogan, Samar sina Marygrace Tambis Bicina, Renato Chokoy Rufo at tatlo pang dinukot ng militar noong Marso 2023. Ang ilan sa mga biktima ay dinampot ng militar mula sa kanilang inuupahang bahay sa Calbayog City noon pang Disyembre 2022. Walang nakasampang kaso laban sa kanila pero nananatili silang nakapiit at hindi mabisita ng mga kaanak. Wala rin silang ligal na representasyon.

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 103,736 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Naging tampok sa mga kaso ng panggigipit at pananakot ang pag-atake sa karapatan sa paggawa at malayang asosasyon at unyonismo. Liban dito, higit na mas malaki ang bilang ng mga biktima kung isasali ang libu-libo pang ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan.

POKUS: Kakaibang tapang nina Jhed at Jonila

Nagulantang ang National Task Force-Elcac at AFP sa sarili nitong press conference noong Setyembre 19 nang matapang na ibunyag nina Jhed Tamano at Jonila Castro ang pagdukot, detensyon, pagbabanta at pamimilit, taliwas sa gustong palabasin ng militar na sila ay mga “surenderi.”

Sina Tamano at Castro ay dinukot ng mga ahenteng militar sa Orion, Bataan noong Setyembre 2. Kapwa sila mga aktibistang maka-kalikasan na dating estudyante ng Bulacan State University. Ayon sa mga nakasaksi, nagpumiglas ang dalawa sa mga armadong lalaking sapilitang nagsakay sa kanila sa isang van. Tinangka pa ng isa na umakyat sa tarangkahan ng malapit na bahay pero hindi siya nakatakas. Tanging mga tsinelas nila ang naiwang bakas ng marahas na pagdukot sa kanila. Sa loob ng van, nagpakilala sa kanila ang mga sundalo bilang ahenteng paniktik ng 70th IB. Sa loob ng 14 araw, itinanggi ng militar na hawak nila ang dalawa.

“Ang totoo niyan, dinukot kami ng militar,” matapang na pahayag nina Castro at Tamano, na labis na ikinagulat ng katabi nilang kumander ng 70th IB. “Hindi totoo yung laman ng affidavit (na sumurender kami) dahil ginawa ‘yun at pinapirmahan sa loob ng kampo ng militar.”

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa ngalan ng imbing layunin na tuluyan nang “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan o di kaya ay “panatilihin” ang nakamit nang tagumpay at deklarasyong “insurgency-free” sa mga prubinsya, sinasaklot ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Ginagamit nito ang mahigit 166 batalyong pangkombat ng militar at pulis sa mga focused military operation, pati na ang ilampung libong pwersang paramilitar.

Sa nagdaang taon, naitala ng AB ang hindi bababa sa 4,524 biktima ng pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon. Higit-kumulang 3,200 naman ang biktima ng blokeyo sa pagkain at ekonomya. Iligal na ginagamit ng mga sundalo ng AFP ang mga sibilyang istruktura sa mga sentro ng populasyon kung saan apektado ang 3,356 residente.

Sa kabuuan, naitala ng AB sa nagdaang taon ang 54 na kaso ng aerial bombing, istraping at pangnganyon sa Agusan del Norte, Agusan del Sur, Aurora, Bukidnon, Cagayan, Iloilo, Kalinga, Masbate, Negros Oriental, Negros Occidental, Northern Samar, Samar at Oriental Mindoro.

POKUS: Terorismong militar sa Zambales Mountain Range

Walang-puknat na focused military operation ang inilulunsad ng mga pwersang militar at pulis sa hilagang bahagi ng Zambales Mountain Range. Simula pa Enero, nagsagawa ng operasyon ang 7th ID sa lugar ngunit mas pinatindi ito sa nagdaang dalawang buwan. Apektado nito ang mamamayan ng Zambales, Tarlac at Western Pangasinan.

Mula huling linggo ng Setyembre hanggang ikalawang linggo ng Oktubre, hindi bababa sa isang kumpanya ng 69th IB ang sumakop at gumambala sa buhay ng mga tao sa tigdalawang barangay sa mga bayan ng Iba at Palauig sa prubinsya ng Zambales. Sa panahon ng operasyon, nagsasagawa ang mga ito ng tsekpoynt at nirerekisa ang mga gamit ng lahat ng dumadaan. Hindi na nakapangangaso at nakapaghahanap-buhay sa bundok ang mga naninirahan dito.

Idinagdag din sa Zambales Mountain Range ang tropa ng 71st IB mula sa rehiyong Ilocos. Nangunguna ito sa pagsasagawa ng RCSP sa Western Tarlac at Western Pangasinan. Nagkakampo ang yunit sa mga baryo at sapilitang “pinasusurender” ang mga sibilyan. Katuwang nito ang 3rd Mechanized IB na nagpalayas sa mga magsasakang naninirahan at nagbubungkal sa Tinabla, isang komunidad na nasa kabundukan sa hangganan ng San Jose at Mayantoc, Tarlac. Mistula itong sementeryo matapos mataboy ang mga residente dulot ng pagkakampo ng 3rd Mechanized IB.

Paglapastangan sa karapatan
 ng kababaihan at bata

Walang sinasanto ang AFP at PNP sa maruming gerang kontra-insurhensya nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maraming mga bata at kababaihan ang apektado ng operasyong militar at tahasang tinatarget ng mga armadong galamay ng estado.

Higit na mas mabigat ang paglapastangan sa karapatang-bata at kababaihan. Partikular na tinukoy ng Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa sa mga operasyong militar ng mga pwersang nakikidigma (Bilang 5).”

Sa talaan ng AB, limang bata ang pinaslang ng mga sundalo sa nagdaang taon. Laksang kabataan ang naging biktima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng walang patmanggang pamamaril, panganganyon at pambobomba malapit sa kanilang mga komunidad.

POKUS: Karahasan sa bata sa Western Samar at Bukidnon

Sa Western Samar, pinaslang sa pamamaril ng mga sundalo ng 63rd IB ang isang 2-taong gulang na si Intoy, kasama ang kanyang lolo na si Ronie Obiado, sa Sityo Salvacion, San Jose de Buan, Western Samar noong Setyembre 25. Nakatakbo papalayo ang asawa ni Obiado ngunit hindi pa ito nakikita hanggang ngayon. Nakaligtas din sa pamamaril ang mga magulang ni Intoy. Pinalabas ng militar na Pulang mandirigma si Obiado para pagtakpan ang krimen.

Sa Bukidnon, inaresto ng 88th IB ang inang si Charlyn Pacquio Dionson, kasama ang noo’y dalawang buwan pa lamang niyang sanggol na si Baby Asly noong Pebrero 28 at sinampahan ng kasong panununog. Nakalaya siya nang ibasura ng korte ang gawa-gawang kaso. Pero walong buwan matapos nito, muli siyang inaresto at ikinulong, kasama ang noo’y 11-buwan nang si Baby Asly. Napilitan siyang “sumuko” sa mga pulis sa panahong ito dahil sa pagkakaroon ng sakit ni Baby Asly at kahirapan nito sa paghinga. Hindi sila makapunta sa pagamutan dulot ng pangamba kaugnay ng kasong nakasampa sa kanya. Tinatangka ngayon ng estado na ihiwalay ang bata sa kanya, habang pinipilit siyang “makipagtulungan” sa militar.

Naitala naman ng AB sa nagdaang taon ang limang kaso ng panggagahasa at sekswal na pang-aabuso laban sa kababaihan. Naitala ang mga kasong ito sa Batangas, Negros Occidental at Oriental Mindoro.

Sa Oriental Mindoro, dalawang babae sa Bongabong ang ginahasa ng mga sundalo ng 203rd IBde at CAFGU noong Agosto. Para itago ang krimen at patahimikin ang isa sa biktima, pilit binayaran ng mga pasista ng ₱30,000 ang kanyang pamilya.

Sa Negros Occidental, dalawang kaso ng panggagahasa ng mga sundalo ng 94th IB ang iniulat ng mga residente ng Barangay Carabalan, Himamaylan City. Naganap ang krimen nang magdaos ng bayle (sayawan) ang mga sundalo sa barangay noong huling linggo ng Agosto.

Tinik sa usapang pangkapayapaan

Habang nagpoposturang nais makipag-usap ng kapayapaan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pinirmahang Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway, nananatiling maraming balakid at taliwas ang patakarang pinatatakbo ng rehimeng US-Marcos kaugnay ng kapayapaan.

Sa nagdaang taon, isinagawa ng rehimeng Marcos ang walang-awang kampanyang likidasyon at pag-aresto sa mga konsultant sa negotiating panel ng NDFP. Dalawang konsultant ang pinatay, isa ang dinesaparesido at dalawa ang iligal na inaresto. Sa kasalukuyan, nananatiling nakapiit sa mga preso ng reaksyunaryong estado ang hindi bababa sa 17 konsultant ng NDFP.

Manuel Tinio. Pinatay noong Abril 14. Pitong beses na binaril si Tinio matapos madakip habang nagmamaneho ng motorsiklo sa hangganan ng San Miguel at Ubay sa Bohol.

Rogelio Posadas. Dinukot noong Abril 19 at pinalabas na napatay noong Abril 20. Bumibiyahe noon si Posadas sa Aranda-La Castellana Road sa bayan ng Hinigaran, Negros Occidental nang harangin at dakpin ng mga sundalo. Pinalabas siyang napatay sa isang engkwentro sa Barangay Santol, Binalbagan kinabukasan. Dinukot rin ang kasama niyang isang organisador ng magsasaka at dalawang drayber ng mga motorsiklong kanilang sinasakyan.

Ariel Badiang. Ibinalitang dinukot noong Pebrero 6. Huling nakita si Badiang sa Manolo Fortich, Bukidnon kung saan siya nagpapagaling sa sakit. Hindi pa siya inililitaw ng militar hanggang ngayon.

Ruben Saluta. Inaresto noong Enero 30. Kasalukuyang nakakulong si Saluta, 75, kasama ang kanyang asawang si Presentacion Saluta, 63, matapos arestuhin sila sa tinutuluyang bahay sa Doña Soledad, Barangay Labangal, General Santos City. Inaresto rin ang kasama nilang si Yvonne Losaria.

Eric Casilao. Inaresto noong Abril 1. Dinakip si Casilao sa Malaysia habang tumatawid tungong Thailand. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Davao.

MAKIBAKA PARA SA HUSTISYA!

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Dapat puspusang ilantad, batikusin at singilin si Marcos sa mga patakaran sa panununpil at terorismo ng estado. Tipunin at ituon ang galit ng masa sa rehimeng Marcos habang nakikibaka para papanagutin ang pangkating Duterte sa kanyang mga krimen sa masa sa panahon ng paghahari.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!