Mamamayan ng Itogon, ipit sa banta ng 2 minahan – Pinoy Weekly

June 27, 2024


Laban sa dalawang dambuhala—ganito inilarawan ni Rima Mangili ng Itogon Inter-Barangay Alliance ang kasalukuyang paglaban ng mamamayan ng Itogon, Benguet sa napipintong paglawak ng operasyon ng pagmimina ng  Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI) at Benguet Corporation, Inc. (BCI)

Sa isang caravan noong Hun. 13, aabot sa 100 residente mula sa Itogon ang nagpasa ng petisyon tutol sa operasyon ng nasabing mga kompanya sa kanilang lugar. Inihain nila ito sa opisina ng gobernador ng Benguet sa La Trinidad at sa tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau-Cordillera Administrative Region (MGB-CAR) sa Baguio City. 

Ayon kay Regina Caytap, isang lider-masa mula sa Sitio Dalicno, mahigit isang siglo nang nililimas ng mga dambuhalang kompanya ng mina ang kanilang mga lupain sa Itogon.

“Napapanahon na upang ibalik ng ISRI at BCI ang aming lupain para sa kinabukasan ng aming kabuhayan at mga anak,” ani Caytap sa wikang Ilokano sa protesta sa harap ng tanggapan ng MGB-CAR.

Noong Peb. 13, isiniwalat ng komunidad na peke ang Free, Prior, and Informed Consent na hawak ng ISRI para ipagpatuloy ang pagpapalawak ng operasyong mina nito. Isang kompanyang hawak ng Apex Mining Corporation ang ISRI na pagmamay-ari ni Enrique Razon Jr.

Nitong Mayo, nagbarikada naman ang Dontog-Manganese Pocket Miners Association upang labanan ang stoppage order ng MGB-CAR sa mga pocket mine sa komunidad.

Mahigit kumulang 500 small-scale miner ang apektado ng nasabing kautusan na napag-alamang nagsisilbi sa interes ng BCI. Sakop ang naturang mga pocket mine ng exploration permit application na hawak ng BCI. Ang BCI ang isa sa mga pinakamatandang kompanya ng mina sa bansa. 

Ayon sa isang small-scale miner na humiling na gawing lihim ang kanyang identidad, para sa pagkakamal ng kita ang patuloy na panghihimasok ng mga kompanya gaya ng BCI at ISRI.

“Kahit pa mawalan ang mga maliliit na tao, papasok pa rin sila. Kapag naubos na, aaalis sila. Samantalang tayong mga nasa komunidad ang mawawalan ng kabuhayan at hindi malulubos ang biyaya ng lupain dahil ito’y nasira na,” aniya sa Ilokano. 

Kilala ang Itogon bilang isa mga unang base ng malalaking operasyon ng pagmimina mula pa noong panahon ng kolonyalismong Amerikano. Itinuturo ang matagal na kasaysayan ng malakihang pagmimina sa naturang bayan bilang sanhi ng mga iba’t ibang sakuna, gaya ng mga landslide sa kasagsagan ng Typhoon Ompong noong 2018.

Nakilala ang mamamayan ng Itogon sa naging matagumpay nilang laban sa open-pit mining ng BCI, kung saan tuluyang napasara ang open-pit operations ng kompanya.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Russian President Meets With His Egyptian Counterpart | News

Russian President Vladimir Putin and Egyptian President Abdel Fattah El-Sisi

Ang Bayan » 2 magsasaka, inaresto ng militar at pulis sa Himamaylan City

Dinakip at ikinulong ng mga sundalo ng 94th IB at