Uncategorized

Mananalig kami sa aming mga sarili* – Pinoy Weekly

Mananalig kami sa aming mga sarili* – Pinoy Weekly


Medyo hinihingal at natatakpan ng mask at helmet ang mukha ni Ann, 37, pero kitang-kita ang tuwa niya habang iniisip ang sanggol na iniiwan sa mga magulang sa Antipolo City tuwing namamasada siya bilang motorcycle taxi rider. Maganda raw ngumiti si baby. Makulit.

Tanghali pa noon at bibiyahe pa siya hanggang alas singko. Pero kung hindi nagmamadaling kumita at makauwi sa pamilya, kaya ni Ann magdamagang ikuwento ang tuwa niya sa anak at ang pangarap niyang makapag-aral ito at maging mabuting tao.

“Pag-uwi ko parang nawawala ang pagod, tsaka problema,” sabi ni Ann. ‘Yon na ang munting langit niya—ang masalubong araw-araw ng ngiti ng anak niyang wala pang isang taong gulang, sa piling ng mga magulang niyang senior citizen. “Sobrang nawawala ang pagod,” sabi niya.

Ganoon na lang nga ang nagagawa ng pag-ibig ni Ann bilang ina at anak, dahil hindi simple ang iskedyul niya sa araw-araw. Buong linggo siya namamasada, minsan mula alas singko ng umaga hanggang alas singko ng hapon. 

Sa karaniwang araw, may P1,500 siyang kinikita. Minsan mas mataas, minsan mas mababa lalo na kapag nagkakansela ang mga nag-book kapag nakikitang babae siya.

“P600 ang nakukuha [o naiuuwi] sa P1,500. Minsan P500. Pero okay na ‘yon basta may panggatas,” kuwento niya. Wala pa ito sa P645 na minimum wage sa Metro Manila.

“Bumaba rin ‘yong porsiyento namin sa Angkas. Pinapantay kasi nila sa MoveIt, sa Joyride,” paliwanag niya. Dahil sa takot niyang magamit itong kritisismo para tanggalin siya ng kompanya, nakiusap si Ann na gamitin na lang ang palayaw.

Bukod sa hati sa Angkas, napupunta ang bulto ng kinikita ni Ann sa gasolina at sa binabayaran niyang boundary para sa motor na hindi niya pagmamay-ari. 

Nasa kalahati pa lang ng biyahe para sa araw na iyon pero agad nabura ang pagod ni Ann nang mapakuwento tungkol sa anak. Joanna Robles/Pinoy Weekly
Nasa kalahati pa lang ng biyahe para sa araw na iyon pero agad nabura ang pagod ni Ann nang mapakuwento tungkol sa anak. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Dati, nagbabayad siya ng boundary na P300 kada araw o P2,100 dala linggo para sa loob ng dalawang taon, mapapasakanya na ang motor. Dahil sa gastos para sa anak at mga magulang, hindi kaya ni Ann na bumili ng sariling motor, kaya magandang kontrata na raw sana iyon para sa kanya.

“Tumawag kami sa opisina. Nagbago raw. Lifetime boundary na kami,” sabi niya. Bumaba sa P200 kada araw o P1,400 kada linggo ang boundary, pero hindi na iyon magiging kanya. Ang mahirap raw, kapag may aksidente, siya rin ang sagot sa pagpapaayos.

“May mga sugat. May mga gasgas [sa motor], pero bangon ulit. Laban ulit,” sabi ni Ann.

Maliit na ginhawa na sigurong may mga maasahan siya sa mga kasamahang rider. Noong minsan raw na sumemplang siya at gumastos nang malaki, nagtulong-tulong ang mga kasamahang rider na nasa isang Facebook group. Sila-sila na lang ang nagtutulungan.

“Sana talaga gumawa [ang gobyerno] ng patas na batas,” aniya, para sa mga tulad niyang manggagawa at ina.

Patas na sahod para sa pagod nila bilang pundasyon ng paggawa naman ang hanap ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. 

“Sa ngayon, sa mahal ng bilihin hindi na sapat ang pinapasahod ng kompanya,” sabi ni Juliet Reyes, unyonista at miyembro ng Segregation of Good Units ng Nexperia.

Dito sa mas timog na bahagi naman ng Luzon, masisilayan ang ningning ng sama-samang paglaban ng mga manggagawa. Sa loob ng pabrika sa Light Industry and Science Park I sa Cabuyao City, Laguna, maaninag ang tapang ng mga manggagawa na bahagi ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union.

Apat na araw ang itinagal ng welga kamakailan. Tinanggalan sila ng kuryente, mapagkukunan ng tubig at pagkain na siyang nag-udyok sa kanila na lalong itaas ang panawagan nilang dagdag-sahod at balik-trabaho ng mga sinibak na lider ng unyon.

Kasama ang mga kababaihang manggagawa ng Nexperia sa welga. Kyla Gerodias/Pinoy Weekly
Kasama ang mga kababaihang manggagawa ng Nexperia sa welga. Kyla Gerodias/Pinoy Weekly

Para kay Reyes, hindi naman sobra-sobra ang hinihingi nilang dagdag sahod sa kompanya dahil alam nilang mas malaki ang kinikita nito kumpara sa pinapasahod sa kanilang mga manggagawa.

Ayon sa tala ng independent think tank na Ibon Foundation nitong Pebrero, P1,227 kada araw ang halaga ng isang nakabubuhay na sahod sa limang miyembro ng pamilya.

Ang alternatibong ginagawa nila pandagdag sa kakarampot na sahod ay “kanya-kanyang diskarte.”

“Minsan ‘yong iba gumagawa ng paraan [katulad ng] pagtitinda. Rumaraket,” sabi ni Reyes. 

Pakiusap naman niya, “Para sa mga katulad naming manggagawa, kung alam mong may karapatan ka bilang isang manggagawa, ipaglaban natin ‘yong mga karapatan natin, tutal tayo ‘yong nagpapalago ng mga negosyo sa bansa natin, kung walang magagawa, hindi sila kikita ng malaki.”

Ganito ang boses ng kababaihan, pinapaalala sa mundo ang kanilang halaga at katayuan sa lipunan.

Naibalik sa trabaho ang dalawang lider ng unyon at nagkaroon ng P57 na dagdag sahod mula sa P17 na gustong ibigay ng kompanya sa mga manggagawa. Nangako rin ang Nexperia na magbibigay sila ng P20,000 signing bonus sa Abril 15.

At malinaw din sa kasunduan nila na ipinagbabawal ang kahit na anong porma ng paghihiganti sa mga manggagawang nakilahok sa welga.

Ganito ang lakas ng anumang komunidad na pinagtibay ng lakas ng kababaihan.

*Mula sa tula ni Kerima Tariman na “the bored’s prayer”



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning