Nahaharap sa demolisyon ang 19 na pamilya ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Sta. Maria Uno, Barangay E. Lopez, Silay City, Negros Occidental sa Peb. 28.
Kasunod ito ng inilabas na ejectment order sa lupang dating napasailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na ngayo’y inookupa ng isang solar power project.
Batay sa dokumentong ipinakita ng mga manggagawa, inisyuhan ng Notice of Coverage (NOC) ang lupain noong Ene. 3, 2013 sa ilalim ng CARP.
Nagpetisyon sila noong 2014 bilang kuwalipikadong agrarian reform beneficiaries pero anila, hindi tinapos ng Department of Agrarian Reform (DAR) Provincial Office sa Bacolod City ang proseso ng pagkuha at pamamahagi ng lupa.
Noong Marso 2024, isinagawa ang groundbreaking ng P3 bilyon at 69-megawatt solar power project sa lupain sa pangunguna ng Citicore Renewable Energy Corp.
Ayon sa mga residente, nagsimula ang paghahawan ng lupa bago pa ang groundbreaking. Sakop na ngayon ng mga solar panel ang nasa 60 ektarya ng 94 ektaryang lupain.
Mahigit 60 pamilya ang nakatira sa komunidad, kung saan ang ilang bahay ay nasa 10 metro lang ang layo sa instalasyon ng solar.
Noong Ago. 28, 2025, nakatanggap ang 21 manggagawa ng Order of Ejectment sa kasong unlawful detainer at binigyan sila ng anim na buwan para umalis. Direktang apektado ang 19 na bahay.
Katuwiran ng may-ari ng lupa, hindi kuwalipikadong benepisyaryo ang mga manggagawa dahil nakatanggap na sila ng money claims at separation pay.
Sabi ni Rolando Maramara, 39, mula dekada ‘90 pa nakatira at nagtatrabaho sa asyenda ang kanyang pamilya. Isa siya sa 21 manggagawang kinasuhan at gigibain ang bahay sa Peb. 28.
Aniya, hindi kinonsulta ang mga manggagawa nang magsimula ang konstruksiyon.
“Habang binubungkal nila ang lupa, wala man lang paliwanag o pulong sa aming mga obrero,” wika niya sa Hiligaynon sa panayam ng Paghimutad.
Lumapit sila sa may-ari pero binalewala ang kanilang hinaing. Binigyan sila ng bayad pero kinuwestiyon ng mga manggagawa kung tugma ba ang halaga sa kanilang naging serbisyo.
Noong Marso 2025, ipinatawag sila at binigyan ng 10 araw para sumagot sa kaso.
Humingi sila ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) at lumagda sa isang compromise agreement na ayon kay Maramara ay napilitan lang silang tanggapin.
“Nagdesisyon na lang kaming pumirma sa compromise agreement kasi parang naipit kami,” aniya. Dagdag niya, wala ang abogado ng PAO nang lumagda sila.
Huli na nang makumpirma nilang may NOC ang asyenda sa ilalim ng CARP.
Sumulat ang mga manggagawa sa DAR Municipal Office noong Dis. 9, 2025 para makipagdayalogo. Napag-alaman nilang naaprubahan na ang land use conversion ng lupa. Wala pang tiyak na relokasyon ang mga pamilya.
Umapela si Maramara sa DAR na makialam dahil itinuturing nilang benepisyaryo sila ng asyenda.
Sinabi rin ni Espetacion Hontarciego, asawa ng isa sa mga manggagawa, na walang konsultasyong naganap bago ang konstruksiyon. Kinuwestiyon niya kung bakit itinayo ang pasilidad malapit sa kanilang mga bahay.
“Ngayon, sobra ang init dito sa amin. Ang lapit lang ng solar panels sa aming bahay,” aniya.
Dagdag niya, simula nang matigil ang trabaho sa tubuhan, napilitan ang karamihan sa mga lalaki na humanap ng pansamantalang trabaho sa siyudad o pumasok bilang kontraktuwal sa ibang asyenda.
Habang papalapit ang deadline sa Peb. 28, patuloy na humihingi ng interbensiyon ang mga pamilya sa mga opisyal ng repormang agraryo at pamahalaang lokal para mapigilan ang demolisyon. /Unang inilathala ng Paghimutad. Salin ni Jeoff Larua.
