Manipestasyon ng matinding krisis sa pag-aaral – Pinoy Weekly


Nangulelat ang Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022 pagdating sa pagbasa, matematika at agham. Kamakailan, lumabas rin sa pagsusuri na pang-apat sa pinakahuli ang mga estudyanteng Pilipino pagdating sa creative thinking.

Mga estudyanteng nasa edad na 15 mula sa 64 na bansa sa buong mundo ang lumahok sa pagtatasa ng PISA.

Ang Pilipinas, Albania, Morocco at Dominican Republic ang pinakamababa sa creative thinking. Samantala, ang mga estudyante mula sa Singapore, South Korea, Canada, Australia, New Zealand at Finland ang naman ang nangunguna.

Ayon kay Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) secretary general Mathias Cormann, ang mga estudyanteng kalahok sa PISA ay hinayaang mag-isip nang kusa at maghanap ng iba’t ibang solusyon para sa mga expressive task, tulad ng pagbuo ng ideya para sa kuwento o pagsasagawa ng awareness-raising campaign sa paaralan.

“Sinusukat ng pagsusuring ito ang kakayahan ng mga estudyante na bumuo, magsuri at magpaganda ng mga ideya sa apat na iba’t ibang larangan—creative writing, visual expression, scientific problem solving at social problem solving—na nagbibigay sa mga gobyerno ng datos upang matulungan ang mga estudyante at kabataan na maabot ang kanilang buong potensiyal sa ating nagbabagong ekonomiya at lipunan,” ani Cormann sa Ingles.

Noong Disyembre 2023, ipinahayag ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, na noo’y Education Secretary, ang kanyang panghihinayang sa mahinang performance ng Pilipinas batay sa 2022 PISA, na sinasabing isang kolektibong pagsusumikap ang kinakailangan upang matugunan ang ganitong suliranin. Pero sa lumabas na assessment ng PISA ngayong taon, walang komento hinggil dito ang Department of Education (DepEd).

Isang hakbang para sa pagsasaayos ng suliranin sa edukasyon ang paglunsad sa Matatag Curriculum ng DepEd. Kasama rin dito ang mga programa sa pagbabasa, matematika at agham upang mapataas ang kalidad ng edukasyon.

Sinimulan din ang Catch-up Fridays para sa mga mag-aaral at guro na naglalayong magbigay ng dagdag na oras para sa pag-aaral at pagsasanay. Bahagi ang mga hakbang na ito ng mas malaking plano ng DepEd na pagbutihin ang sistema ng edukasyon.

Ayon kay Linda Gabac, isang guro sa Bagong Diwa Elementary School, hindi nakagugulat na ganito ang kinalabasan ng assessment ng PISA lalo na sa panahon ngayon na puro gadgets na ang hawak ng mga kabataan imbis na libro at panulat.

“Para sa akin, dapat magkaroon ng pangmatagalang curriculum na hindi pabago-bago sa bawat administrasyon. Mahirap sa mga guro at mag-aaral ang palaging pagbabago dahil nawawala ang mastery. Taasan ang sahod ng mga guro upang hindi sila magtrabaho sa ibang bansa at tanggalin ang korupsiyon sa DepEd upang magamit ang pondo sa paggawa ng mga kakulangan sa klasrum, libro at teaching materials,” aniya.

Mariin namang iginiit ni Eduardo Benlota, 16 na taon nang guro sa Kalayaan National High School, ang kaniyang panawagan ngayong nagbitiw na bilang Education Secretary si Duterte.

“Aking panawagan na seryosohin ng ating pamahalaan ang ganitong problema, pondohan ang sektor ng edukasyon, magtalaga ng puno at kalihim ng DepEd na isang guro o nagtuturo, at dapat ang uupo ay may pagmamahal at pagmamalasakit sa kagawaran. Higit sa lahat, wakasan ang korupsiyon sa Kagawaran ng Edukasyon,” ani Benlota.

Sinabi rin ng mga guro na hindi lang kakulangan sa pagbabasa at pagsusulat ang problema. Maraming mahahalagang bagay ang ipinagkakait sa mga estudyanteng Pilipino na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral. 

Kasama dito ang pisikal na kalagayan ng mga pampublikong paaralan na hindi akma para sa pag-aaral. Maraming silid-aralan ang kulang sa bentilasyon at mga pangunahing kagamitan tulad ng blackboard, upuan at mesa. Karamihan pa nga umano sa mga ito, hindi matibay at hindi kayang labanan ang matinding kondisyon ng panahon lalo na sa mga malalayong lugar. Malubhang nakakaapekto ito sa mental na konsentrasyon ng mga estudyante at nagpapakita kung bakit mas magaling ang mga estudyanteng may kakayahang pinansiyal na makapag-aral sa mga pribadong paaralan.

Dagdag pa rito ang kakulangan sa bilang ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Ang ilan sa mga guro’y may hawak na lima hanggang pitong klase o nasa 250 hanggang 385 na estudyante. Walang magawa ang mga guro kundi magtiis at magsikap na magampanan ang kanilang tungkulin.

Ayon kay Ruby Bernardo, pangulo ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region Union, mahalaga ang pagpapaunlad ng kritikal at malikhaing pag-iisip sa kabataan para sa pambansang kaunlaran.

“Kailangan natin ng pangmasang sistema ng edukasyon na may sapat na pondo mula sa estado. Ito ay para matugunan ang mga kakulangan, iangat ang kalagayan ng mga guro at mapabuti ang kalidad ng edukasyon. Sa pamamagitan nito, magkakaroon tayo ng mga malikhain at kritikal na kabataang Pilipino na magtutulak sa tunay na pag-unlad ng bansa,” aniya.

Sa pagharap sa mga hamong ito, kinakailangan ang isang pinag-isang adhikain na magmumula sa lahat ng sektor ng lipunan—mula sa mga magulang, guro at mga pinuno ng pamahalaan, hanggang sa mga pribadong institusyon at komunidad.

Tulad ng mga bansang nangunguna sa PISA, marapat na ang mga estudyante ay sinasanay na magamit ang kanilang kaalaman sa totoong buhay sa halip na sa pagmememorya lang. Ang mga guro’y dapat mataas ang kasanayan at patuloy na tumatanggap ng propesyonal na pag-unlad upang mapabuti ang kanilang mga pamamaraan ng pagtuturo.

Isa ang bansang Singapore sa dapat tularan dahil sa kanilang inisyatibo tulad ng Uplifting Pupils in Life and Inspiring Families Taskforce (UPLIFT) na nagbibigay suporta sa mga mag-aaral mula sa mga pamilyang may mababang kita at tiyakin na sila ay magkakaroon ng patas na oportunidad sa edukasyon.

Hiling ng lahat, hindi dapat nagdurusa ang mga estudyante. Ang dekalidad na edukasyon ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat isa.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!