Isinilang noong Hul. 24, 1890 ang Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura ng Pilipinas na si Guillermo Tolentino. Naging tanyag siya sa kaniyang mga obrang Oblation sa University of the Philippines (UP) at Bonifacio Monument sa Caloocan City.
Sinisimbolo ng Oblation ang pag-aalay ng sarili sa bayan habang ipinapakita naman ng Bonifacio Monument ang pakikipaglaban ng mga Pilipino sa pananakop ng mga Kastila.
Una siyang nag-aral ng pagpipinta sa School of Fine Arts sa UP at kinalauna’y nag-aral din ng eskultura sa nasabing unibersidad.

Nang pumuntang United States noong 1919, nabigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng scholarship sa Ecole de Beaux Arts, paaralan ng sining biswal sa France, pagkatapos makita ng isang milyonaryo ang obrang rebulto ni Tolentino na Freedom.
Kasunod nito, nag-aral siya uli sa Regge Istituto Superiore di Belle Arti di Roma sa Italy kung saan nagtapos siya na may pinakamataas na karangalan.
Taong 1925, bumalik siya sa Pilipinas at nagbukas ng sariling studio sa Maynila. Naging propesor siya sa UP School of Fine Arts at itinalagang professor emeritus nang magretiro.
Kabilang sa kanyang mga obra ang bronseng rebulto ni Pangulong Manuel Quezon sa Quezon Memorial Circle, busto ni Jose Rizal sa UP Diliman at University of the East, at rebulto ni Pangulong Ramon Magsaysay sa GSIS Building sa Pasay City. Dinisenyo rin ni Tolentino ang medalya ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award.

Gawa niya ang mga granolithic na rebulto na representasyon ng mga larangan ng edukasyon, medisina, panggugubat, veterinary science, sining biswal at musika sa UP Diliman. Obra rin niya ang mga busto ng mga bayani sa Hall of Heroes (Mabini Hall) ng Lyceum of the Philippines University-Manila. Makikita rin ang marami sa kanyang mga likha sa National Museum of Fine Arts.
Dahil sa kanyang dedikasyon sa larangan ng eskultura, umani ng iba’t ibang pagkilala si Tolentino. Itinanghal siya sa UNESCO Cultural Award in Sculpture noong 1959, Araw ng Maynila Award in Sculpture noong 1963 at Diwa ng Lahi Award noong 1972.
Sa ilalim naman ng Proclamation 1144 noong 1973, hinirang siya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura.
Hindi lang mahusay na eskultor si Tolentino—magaling din siyang guro. Isa sa mga naging tanyag niyang mag-aaral si Napoleon Abueva na kinilalang pinakabatang nakatanggap ng titulong pambansang alagad ng sining at kinilalang Ama ng Modernong Eskultura sa Pilipinas.
Sa paggunita ng kaarawan ni Tolentino, mahalagang ipagdiwang ang kanyang mga naging kontribusyon—hindi lang bilang manlililok ng mga likhang sining, kundi bilang manlililok din ng kasaysayan ng bansa.
