Mas magaling pa ang BINI – Pinoy Weekly


Sa gitna ng lumalaganap na proteksiyonismo sa daigdig, mekanikal na niratipika ng Senado nitong Set. 23 ang Republic of Korea-Philippines Free Trade Agreement (FTA). Pagpapatuloy ito ng masamang bisyo sa patakaran na nagsimula sa pinakaunang kasunduan sa kalakalan ng bansa noong 1993, lalong nag-ibayo sa World Trade Organization mula 1995, at ngayo’y nagluwal na ng 10 iba pang bilateral at rehiyonal na FTA.

Hindi lang isinasantabi ng bagong kasunduan ang lumalaganap na proteksiyonismo sa pangunguna ng United States (US) at China na kabilang sa mga pinakamauunlad na kapangyarihang industriyal. Bulag din ito sa higit tatlong dekadang mga FTA at tatlong dekadang pangako ng kaunlaran na nagresulta sa pagbagsak ng manupaktura sa pinakamababang ambag sa ekonomiya sa loob ng 75 taon at pagbulusok ng agrikultura sa buong kasaysayan ng bansa. Nasa pinakamataas din ang trade deficit sa kasaysayan, sa halaga man o kung susukatin sa bahagi ng gross domestic product (GDP).

Mahirap itigil ang masasamang bisyo ng globalisasyon. Kakatwa na nangangarap ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na uunlad ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpasok sa isang FTA sa South Korea na ang industriyal na pag-unlad noong 1960s at 1970s ay bunsod ng matibay na proteksiyon sa nagsisimula o kawalan ng industriya ng bakal, shipping, sasakyan, elektroniks at kemikal. Ang dekalidad na mga industriya ng South Korea ngayo’y ipinundar ng mga proteksyonistang patakaran—sapat na dahilan kung bakit kailangang ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga economic manager na paglimian ang mga lipas nang patakaran ng globalisadong malayang merkado.

Lagi’t laging may ganansiya sa mga ganitong kasunduan ang malalakas o iyong mayroong tiyak na hakbang para pangibabawan ang mga kahinaan. May ‘di pantay na ganansiya ang South Korea sa isinusulong na FTA na lubhang mas malaki ang mga industriya kumpara sa Pilipinas.

Maaaring makakita tayo ng mas mataas na eksport ng mga produktong agrikultural tulad ng saging, pinya at iba pang prutas patungong South Korea ngunit limitado ang kabuuang benepisyo nito dahil wala namang signipikanteng dagdag-halaga ang mga ito sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi rin nangangahulugan ang mas mataas na produktong agrikultural na mas produktibo ang ekonomiya ‘di gaya ng mas mataas na industriyal na eksport na gawang Pinoy.

Maaari rin tayong makakita ng mataas na pamumuhunan na maaaring magtanggal sa taripa sa mga produktong industriyal na may pakinabang sa mga negosyong South Korean upang mas mapalalim ang mga kapit sa rehiyonal na linya ng produksiyon sa ating bansa. Makikinabang ang mga mamumuhunang South Korean sa ating murang lakas-paggawa, malaking insentibo at subsidyo sa imprastruktura. Muli, ang mga ito’y limitado lang ang benepisyo dahil sa pagsandig sa import-eksport ng mga engklabo ng dayuhang mamumuhunan na mababa ang dagdag-halaga sa ekonomiya batay sa kasaysayan.

Dapat na nakaugat sa lokal na ekonomiya ang ganitong uri ng pamumuhunan upang magkaroon ng malawak na kontribusyon sa pagpapaunlad ng pambansang industriya. Upang mangyari ito, kailangang magkaroon ng mas makabuluhang proteksiyon at suporta sa industriyalisasyon ng Pilipinas, tulad ng ginawa ng South Korea sa maliliit na industriya nila noong 1960s at 1970s.

Sa kasamaang palad, may mga pagbabawal ang karaniwang istandard ng FTA sa mga dayuhang pamumuhunan na kinakailangan para matiyak ang pangmatagalang kontribusyon sa lokal na pag-unlad ng industriya. Sa kabilang banda, ginamit ng South Korea ang mga joint venture at regulasyon sa technology transfer, local content, trade balancing at iba pa para seguruhin ang pangmatagalang benepisyo sa kanilang ekonomiya.

Kailangang mas maging mapanuri ng ating mga economic manager sa kalidad at epekto ng dayuhang pamumuhunan. Hindi mapagkakatiwalaan ang pinagsama-samang numero sa pamumuhunan at madaliang trabaho at eksport na iluluwal nito. Mas magiging makabuluhang tingnan ang kontribusyon nito sa lokal na agham at teknolohiya, ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong negosyong gumagawa ng mga produktong may high technology content at pagpapalawak ng ugnayan ng mga lokal na negosyo.

Isang hakbang paatras ang pagpasok ng administrasyong Marcos Jr. sa FTA nang walang matibay na estratehiya sa pambansang industriyalisasyon. Kasabay ng mga FTA ng ibang bansa, patuloy nitong paliliitin ang espasyo sa patakarang pang-industriya. Pipigilan nito ang pag-usbong ng mga maliliit, katamtamam o maging mga malaking Pilipinong industriyal na negosyo.

Magsisimula ang pagbabago ng Pilipinas tungo sa isang modernong industriyal na ekonomiya sa pagkakaroon ng patakaran ng gobyerno sa Pilipinong industriyalisasyon. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng kumpletong mga patakaran upang suportahan ang industriyang Pilipino mula sa proteksiyon sa kalakalan, pinansiyang industriyal, insentibong pananalapi, suporta sa pananaliksik at pagpapaunlad, subsidyo sa eksport, negosyong pagmamay-ari ng estado, at performance requirements sa mga direktang dayuhang pamumuhunan. May mali kapag ang mga dayuhang kompanya ang mas nagbebenipisyo sa kalakhan ng mga subsidyo at suporta ng gobyerno.

Sa mga FTA naman, magiging kasangkapan at magiging paborable sa Pilipinas ang isinusulong na FTA sa South Korea kung mayroong dagdag na matibay na mga hakbang batay sa komprehensibong pangmatagalang estratehiya sa pambansang industriyalisasyon. Kung wala ang mga ito, magiging maliit at limitado ang mga mistulang pakinabang sa biglang pagtaas ng eksport sa mga produktong agrikultural.

Mayroon nang kasunduang pangkalakalan ang Pilipinas at South Korea mula pa noong 1961 na may probisyon sa walang diskriminasyon at maging sa natatanging pagtrato. Naging isang industriyal na higante ang South Korea mula noon habang may ikatlong pinakamaliit na sektor ng manupaktura ang Pilipinas sa Timog Silangang Asya batay sa ambag nito sa ekonomiya.

Ang pinakamalaking pagkakaiba ay ang dekadang pagpapatupad ng proteksiyonistang patakaran pang-industriyal, samantalang ang Pilipinas ay dekada nang nagpapatupad ng globalisadong malayang merkado at walang habas na liberalisasyon.

Malaon nang kailangan ng gobyerno na maging mas tapat at prangka na hindi nakabuti sa bansa ang tatlong dekadang pagpapahintulot sa 10 FTA, liban pa sa maraming kasunduan sa WTO. Sa halip, niratipikahan nito ang ika-11 FTA at pinag-aaralan ang pagpasok sa 12 pa.

Hindi alam ng marami na ang dambuhala’t highly-engineered na K-pop ngayo’y bunga ng proteksiyonismo. Sa huling bahagi ng 1990s, nagtayo ang Korean Ministry of Culture ng kagawaran para pagtuunan ng pansin ang K-pop na binuhusan ng milyon-milyong dolyar para sa pinansya, pasilidad, pagsasanay at iba pang suporta sa industriya maging sa regulasyon sa sektor ng entertainment upang linangin ang lokal na talento.

Walang takot na hinaharap ng P-pop group na BINI ang laban sa musika at gawi na may katangi-tanging elementong Pinoy. Samantala, walang habas at bulag na pag-uulit ng mga lipas nang argumento sa globalisasyon ang ginagawa naman ng gobyerno ni Marcos Jr. at ng kanyang neoliberal na pangkat sa ekonomiya na patuloy na ibinubuyangyang ang ating bansa’t inuuto ang mamamayan na umuunlad ang ating kakayahan.

Unang nailathala sa wikang Ingles sa www.ibon.org




Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!