Nanawagan ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) na ibaba ang interes sa mga cash loan ng Grab sa kanyang mga driver at rider matapos naisiwalat sa ulat ng Nikkei Asia na pumapatak sa mahigit 230% ang totoong interes o effective annual interest rate (EIR) sa bawat pautang o loan kahit pa nasa 5.99% lang ang pinapakitang “simple monthly rate.”
“Legal man ang pautang at ang interes at maaari ngang sabihin na convenient, pero hindi maitatanggi na labis-labis na pinagkakakitaan sila ng Grab bilang employer,” ani CTUHR executive director Kamz Deligente.
Lumalabas na mas malaki ng 5.5 na beses ang interes ng Grab kaysa sa maximum na pinapayagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa mga credit card.
Ganito inilarawan ng isang rider: Uutang ng P11,000 mula sa Grab Finance para sa pagpapaayos ng motor. Babayaran ito sa pamamagitan ng arawang kaltas ng P95.30 sa e-wallet ng rider sa loob ng 150 araw. Lalabas na P14,294 ang kabuuang babayaran niya sa huli, katumbas ng EIR na 277%. Mahigit isang ikatlo ng prinsipal ang idadagdag sa bayarin.
“Wala namang ibang pagkukunan. Kahit mataas interes, kukunin mo na din,” kuwento ng isang rider.
Ayon sa mga nakapanayam na rider, mukhang maliit ang “simple monthly rate,” pero mabilis itong lumolobo sa kada araw na binabayaran ang utang.
Sa isang desisyon ng Korte Suprema noong 2023, nasa 36% per annum ang maximum EIR para sa mga mortgage. Para sa ilang abogado, ang mga pautang ng Grab ay maaaring dalhin sa mababang korte para mapababa ang interes.
Depensa naman ng Grab, hindi naman daw dapat gamitin ang EIR sa kanilang loans. Parang pinagkumpara daw ang “apples to oranges.”
“Para sa aming partners—na kalakhan hindi maserbisyohan ng tradisyonal na mga bangko—mahalagang accessible [madaling makuha] at may cash flow management,” paliwanag sa Ingles ng kompanya.
Ayon sa nakapanayam na lider ng isang samahan ng mga rider, mistulang kontrata sa trabaho ang mga kondisyon sa pautang. Tali ka sa Grab sa panahon na may active loan dahil hindi naman puwedeng bayaran sa isang bagsakan ang inyong balance. Ibig sabihin, araw-araw kailangang bumyahe ng rider para manatiling may laman ang kanyang e-wallet bago ito kaltasan.
“May mabuti at masama din. ‘Di ka naman pipilitin na kunin ang utang,” sabi ng lider. Pero kapag kumuha ka na dahil ika’y nagipit, “alam ng hari kung paano ikakadena ang mga alipin.”
Sa isang ulat ng Fairwork Philippines, dahil ang mga rider “ang sumasalo ng mga gastusin sa produksiyon, hindi ang mg apps,” kadalasang mababa pa sa minimum na pasahod ang inuuwing kita. Kalaunan, mas marami ang natutulak na umutang.
Pinuna ni Rochelle Porras ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler) ang Grab dahil sinasamantala nitong pagkakitaan ang mga naghihikahos na ngang mga rider.
“Alam niyang kinukulang sa arawang kita ang mga rider at na nagigipit pa sila sa mga gastusin. Pero tumataya ang Grab sa lakas-paggawa ng rider na sa makalawa, siyang maaring mabaon pa at umasa sa pautang,” ani Porras.
Pero naninindigan ang Grab na tulong o serbisyo pa nga ang hatid nila sa mga rider. “Ang mga buwanan o lump sum na bayad sa utang, nagagawang mas maliit, mas makakayanan na mga micro-payment,” dagdag nila.
“Lisensiyado kaming lender at ang tunguhin namin ay magkaroon ng access sa safe and secure credit ang aming mga kostumer,” sabi ng Grab. Positibong programa na “tumatapat sa reyalidad ng cash-flow ng aming mga partner [na rider] at ‘earn-as-you-go’ na katangian ng trabaho nila.”
Ayon kay Rod Barit, isang financial analyst, kadalasang mas malaki talaga ang interes ng mga short term loan dahil mas mataas din ang credit risk nito.
“In fairness, nagbibigay naman sila ng credit kung ikukumpara sa mga traditional financial institutions katulad ng bangko,” paliwanag ni Barit. Pero humahantong raw ito sa sitwasyong ang mga taong mas kakaunti ang pondo, mas malaki ang interes na binabayaran.
Paliwanag ni Barit kung paano mabilis na lumulobo ang utang “dahil araw-araw siyang binabayaran, ang ‘effective’ (o aktwal) na halaga ng pera ay mas mataas kaysa sa sinasabing ‘simple rate.’”
Hindi kagaya ng ibang pautang, nagsisimulang magbayad ang umutang halos 24 oras matapos niyang makuha ang pera.
Ayon kay De La Salle University professor Cheryll Soriano, principal investigator ng Resilient Platform Work Philippines, ang malala pa raw ay minsan “tinutulak ng Grab ang mga rider na kunin ang mas mahabang payment period na may mas mataas na interes.”
Tinatanggi ito ng Grab. Hindi raw kailanman gumagawa ang app ng paraan para itulak ang mas mataas na interes at mas mahabang repayment period.
Halos kada buwan may mga pa-raffle ang Grab sa kanyang mga rider. Para sumali sa nakaraang Christmas raffle, requirement na kumuha ng loan na may maximum repayment period.
Pinakita ng isang rider na kumuha ng P13,000 na utang na babayaran sa P62.07 na daily na kaltas sa e-wallet sa loob ng 360 days. Lalabas na halos doble ang babayarang kabuuang utang sa halagang P22,343 na may EIR na 234%.
Kabalintunaan sabi ni Deligente na sa “hindi pag-tiyak ng sapat o minimum na sahod, lalong kumikita ang Grab sa kagustuhan ng mga rider na magtrabaho pa para lamang mabuhay.”
Pero patuloy ang depensa ng Grab na ang mga pautang daw nila ay sadyang para sa mga may emergency o kagyat na pangangailangan. Tinitiyak rin daw ng Grab na ang may sapat na kita lamang ang makakautang. /Unang nailathala sa Ingles sa Nikkei Asia
