Matatag sa panunupil – Pinoy Weekly

September 5, 2023


Para sa Balik Eskuwela 2023, ibinida ni Pangalawang Pangulo at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang Matatag curriculum para sa mga mag-aaral hanggang Grade 10. Nakuha raw ang pangalang Matatag mula sa “MAkabagong curriculum na napapanahon, TAlino na mula sa isip at puso, TApang na humarap sa anumang hamon sa buhay, Galing ng Pilipino nangingibabaw sa mundo.” 

Siniksik ang dating mga subject sa iilang aralin. Halimbawa, magkakaroon ng subject na “Makabansa” na pinagsamang sining, kultura, kasaysayan, pati kalusugan at physical education. Mababawasan din ang diin sa Filipino at mga lokal na wika o mother tongue. Prayoridad daw kasi ng paglikha ng mga gradweyt na “job ready” na may “digital at global world appropriate skills.”

Kasama sa Matatag ang mga aralin hinggil sa “Peace Competencies” o mga paraan para pigilan ang karahasan at mga ‘di mapayapang pag-alma sa awtoridad. Ito’y red-tagging na nagpapanggap na aralin. 

Bukod pa rito, sagabal daw sa pokus ng mga bata ang mga dekorasyon sa klasrum kaya’t dali-daling nagbaklas ang mga guro sa iba’t ibang paaralan. Kalaunan, nilinaw ng DepEd na hindi dapat gawing literal ang polisiya ni Duterte.

Gaya ng kanyang ama, kailangan pang linawin ang anumang komento at polisiyang ibinababa, bukod pa sa parehong kamay na bakal ang estilo ng pamumuno.

Dalawa ang mayor na layunin ng mga patakarang ito: una, lalong ihanda ang paparaming bilang ng Pilipino para sa labor-export na mag-uuwi ng remittance. At ikalawa, para patayin ang anumang porma ng malayang pag-iisip sa mga estudyante. 

Hindi magagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagmayabang ang ekonomiya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address kung wala ang record-breaking na $32.5 bilyong hatid ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa nakaraang taon. Patuloy na umaasa ang Pilipinas sa padala ng mga OFW habang sadyang tinatalikuran ang paglikha ng mga trabaho may nakabubuhay na sahod sa loob ng bansa.

‘Wag nang umangal, sabi ng DepEd. Ituturo sa Matatag kung paano magmumukhaing pagmamahal sa bayan ang pagiging sunod-sunuran sa gobyerno. Hindi lang basta Matatag sa export, kundi Matatag para ‘di lumaban kahit inaabuso at Matatag para ‘di lumihis sa kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan. 

At kung sa paaralan pa lang mawawalan na ng puwang ang malaya at kritikal na pag-iisip, mas madaling itago ang hindi idinedeklarang gastusin ng gobyerno, tulad ng sa napakalaking Confidential and Intelligence Funds (CIF) na nasa P650 milyon sa 2024 para sa DepEd at Office of the Vice President. 

Imbis na pondohan ang dagdag na klasrum, suweldo ng guro, aklat at pasilidad, kailangan daw ang CIF para sugpuin ang terorismo.

Sa pagdinig ng badyet sa Kamara nitong huli, aprubado agad lahat ang bilyon-bilyong rekwes ni Duterte matapos ang 15 minuto. Ang mga tumutol, gaya ni ACT Teachers Rep. France Castro, pinatayan ng mikropono! 

Nais niyang gawing ang DepEd na daluyan ng mga pampulitika at pasistang ambisyon ng rehimen. Para kay Duterte, kapag mas kaunti ang matututunan ng mga bata, mas mabuti!

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PhilHealth Fail

DOWNLOAD HERE Source link

WHO: Safe and Ethical Use of AI Tools for Health

On Tuesday, the World Health Organization (WHO) issued a communiqué