May aasahan ba sa bagong kalihim ng DA?

November 22, 2023


ni Jessica Luna
Pinoy Weekly

Matapos ang mahigit isang taon, nagtalaga na ng kanyang kapalit bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Pinakilala niya nitong Nobyembre 3 ang fishing tycoon na si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong pinuno ng kagawaran.

Si Laurel ang presidente ng Frabelle Fishing Corporation na isa sa mga pinakamalaking kompanya sa pangingisda na nagsusuplay ng sariwa, frozen at processed seafood hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig ng mundo. Miyembro rin siya ng Private Sector Advisory Council, grupo ng mga negosyanteng sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon.

Tinawag ni Marcos Jr. ang bagong kalihim bilang kanyang “longtime friend.” Si Laurel ang isa sa may pinakamalaking ambag na nagkakahalagang P30 milyon para sa kampanya ng pangulo noong nakaraang halalan.

“I’ve known him since we were boys. So, malakas ang loob ko na mai-appoint siya kasi kilala ko [ang] pagkatao niya. Alam kong napakasipag nito, unang-una. Pangalawa ay nauunawaan niya nang mabuti ang sistema ng agrikultura dito sa Pilipinas,” sabi ng pangulo sa isang press briefing.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos, walang pinagkaiba si Laurel kay Marcos Jr. Wala itong karanasan sa agrikultura at walang rekord ng pagsisilbi sa mamamayan. Taliwas din ang interes nito bilang bilyonaryong negosyante sa kanyang mandato bilang bagong tagapaglingkod ng bayan.

Sinabi ni Laurel sa isang pahayag na binitawan na niya ang kanyang mga posisyon sa kanilang mga kompanya. Dagdag pa niya, “Dati nga bilyonaryo ako, ngayon milyonaryo na lang e. DA is a full time job that I don’t have time to do anything else.”

“Hindi kami kumbinsido na binitawan na niya ang kanyang interes sa mga kompanya at negosyo ng kanyang pamilya. Ngayon higit kailanman, naaalarma at nababahala kami na itutulak niya ang ibayong liberalisasyon ng lokal na agrikultura, lalong-lalo na ang sektor ng pangisdaan,” ani Ramos.

Sabi ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) chairperson Fernando Hicap, may 420 ektaryang sakop na reclamation project sa Bacoor City, Cavite ang kompanya nina Laurel. Matagal na itong tinututulan ng mga eksperto, grupo at residente dahil sa pinsalang hatid nito sa kalikasan at sa seguridad sa pagkain sa bansa.

Naitala rin ng Pamalakaya na umabot ng mahigit 200,000 metric tons ng mga produktong-dagat ang inangkat ng bansa noong 2018 hanggang 2022. At dahil sa Rice Liberalization Law at Executive Order 10 ni Marcos Jr., nagpapatuloy ang pagdagsa ng iba pang imported na produktong agrikultural at pagbagsak naman ng lokal na produksiyon.

Para maisakatuparan ang ipinangakong P20 kada kilong bigas ng gobyernong Marcos Jr. at maiahon sa lugmok na kalagayan ng mga mangingisda at magsasaka, kailangan umanong isulong ng bagong kalihim ng DA ang tunay na reporma sa lupa kasama ang Department of Agrarian Reform upang suportahan na palakasin ang produksiyon ng pagkain sa bansa. /May ulat mula kay Michelle Mabingnay



Source link

Don't Miss

Russian President to Visit China | News

Russian President Vladimir Putin confirmed on Wednesday that he has

Bai Bibyaon, warrior chieftain of the Lumad, dies

Celebrated woman Lumad chieftain Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay has died,