‘Mayo Uno 6,’ laya na

May 8, 2024


Nakalaya na ang anim na kabataang aktibista matapos ang halos isang linggong pagkakakulong dahil sa ilegal na pag-aresto sa kanila ng pulisya noong Mayo 1, Araw ng Paggawa.

Nailabas ang tinaguriang “Mayo Uno 6” noong Mayo 7 ng gabi mula sa Manila Police District (MPD) dahil sa kolektibong panawagan ng mga grupo at kanilang mga tagasuporta matapos makapagpiyansa noong Mayo 6.

Inabot naman ng ilang araw bago aprubahan ni Manila Regional Trial Court Branch 18 Executive Judge Carolina C. Icasiano-Sison ang kahilingan na makapagpiyansa ang anim.

Nasa P252,000 ang kabuuang piyansa na binayaran ng apat na estudyante mula sa University of the Philippines at dalawang kabataang aktibista mula Anakbayan Caloocan. P6,000 ang piyansa sa kasong illegal assembly at P36,000 naman sa direct assault ang binayaran ng bawat isang inaresto.

Isinampa ang mga kaso ng MPD sa anim na aktibistang inaresto sa isang mapayapang protesta sa harap ng United States Embassy.

Kinondena naman ng ilang grupo ang ginawang paghuli at pagkulong sa mga kabataan.

Hindi umano makatuwiran ang ginawang pag-aresto dahil karapatan ng mamamayan ang malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon, ayon sa post ng Anakbayan sa X (dating Twitter) noong Mayo 2.

Ilegal at arbitraryo ang pagkulong sa “Mayo Uno 6,” ayon naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Naging mapayapa ang protesta hanggang sa dumating ang mga pulis at pinalaki ang sitwasyon sa pamamagitan ng paghampas ng mga kalasag at batuta sa mga nagprotesta hanggang sa sila ay arestuhin,” sabi ng KMU sa isang pahayag sa Ingles.

Dapat na maiharap sa korte sa loob ng 36 oras ang mga inaresto ng walang warrant sa ilalim ng Article 125 of the Revised Penal Code at klarong hindi iyon ang nangyari sa kaso ng anim.

Naantala ang dapat sanang agad nilang paglaya dahil hindi agad naglabas ng resolusyon ang Office of the City Prosecutor ng Maynila.

Kahit na may inquest proceeding na at nagpasa ng urgent petition for bail ang abogado ng anim na si Jesse Ramirez, hindi kaagad umusad ang proseso para sa pagpapalaya sa kanila kaya’t umabot sa halos isang linggo ang pananatili nila sa piitan.

Nanindigan naman ang Anakbayan, KMU at iba pang progresibong grupo na hindi makatarungan ang ginawang pag-aresto at pagkulong sa anim na kabataang aktibista.





Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Interesadong mangisda, maglupasay at magbaklaan? – Pinoy Weekly

Nakapangisda na ba ang lahat sa Fishermall? O nakausap niyo

India: Crane Collapses at Road Construction Site, 17 Killed

On Tuesday, at least 17 workers were killed, and three