Mga Aral Mula sa Kilusang Pesante ng Rebolusyong Bolshevik –


Ngayong Buwan ng mga Pesante, muling pinagtitibay ang hustisya at ang kawastuhan ng kilusang magsasaka sa Pilipinas sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Malinaw sa kasaysayan na ang malalim na problema sa lupa ay hindi matutugunan ng mga reporma sa ilalim ng sistemang kapitalista. Sa ganitong diwa, mahalagang balikan ang mga leksyon mula sa Rebolusyong Ruso—o ang Rebolusyong Bolshevik—upang bigyang-diin na ang tanging solusyon ay isang rebolusyonaryong kilusang lulutas sa problemang ito.

Sa mahabang panahon, parehong sinupil ng pyudalismo at mga panginoong maylupa ang mga magsasaka ng Russia at Pilipinas na naging pundasyon ng kanilang pakikibaka. Sa parehong bansa rin napatunayan na hindi lamang tagapanood ng kasaysayan ang mga pesante, kundi mga aktibong kalahok sa mga rebolusyonaryong mithiin.

Isang mahalagang aral mula sa Rebolusyong Bolshevik ang pagsasanib ng lakas ng mga magsasaka at manggagawa. Ang tagumpay ng Rebolusyong Oktubre noong 1917 ay nakamit sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagkilos ng mga mga inaaping uri sa lipunan.

Sa Pilipinas, matagal nang usapin ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Sa kabila ng mga huwad na reporma sa lupa gaya ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), nananatili ang kontrol ng malalaking panginoong maylupa at mga korporasyong agraryo. Ang CARP ay ipinasa noong 1988 sa panahon ni Corazon Aquino, bilang tugon ng estado sa mga malawakang panawagan para sa reporma sa lupa matapos ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos Sr. Subalit, ito ay isang programang lalo pang nagpalakas ng interes ng mga panginoong maylupa, partikular ng mga Cojuangco, na nagmamay-ari ng malawak na asyenda sa Tarlac—ang Hacienda Luisita.

Sa kaso ng Hacienda Luisita, imbes na tunay na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, ginamit ang stock distribution option (SDO) na ipinagkaloob ng CARP. Napako ang mga magsasaka sa sistemang nagpapanatili sa pyudal na kaayusan. Ipinakita ng karanasang ito na bagaman ipinangako ang reporma, nanatiling protektado ang interes ng malalaking panginoong maylupa tulad ng mga Cojuangco.

Ngunit hindi lamang ang mga Cojuangco ang nakinabang sa mga butas ng CARP. Sa paglipas ng panahon, ang mga modernong panginoong maylupa tulad nina Villar, Ang, Sy, Ayala, at iba pa ay naging bagong mga oligarko na nagmamantini ng malalawak na lupain at agraryo-korporatibong negosyo. Sila, kasama ang mga tulad ng mga Cojuangco, ay nagsisilbing malalaking burukrata-kapitalista na umaasa sa mga sistemang pyudal upang patuloy na palawakin ang kanilang kapangyarihan at yaman.

Ang kanilang pagsandig sa pyudal na sistema ay hindi lamang umiikot sa kontrol sa lupa. Lumalahok din sila sa burgis at reaksyunaryong eleksyon gamit ang kanilang impluwensya at kayamanan upang manatili sa kapangyarihan at ipagtanggol ang kanilang interes bilang malalaking burukrata-kapitalista. Ang eleksyon ay nagiging paraan upang palakasin ang kanilang monopolyo sa lupa at negosyo, habang pinananatili ang mga magsasaka sa kondisyon ng pagsasamantala at kawalan ng lupa.

Sa Russia, bago ang tagumpay ng Rebolusyong Oktubre ay nagsimula rin ang mga magsasaka sa kalat-kalat at hindi organisadong mga pakikibakang agraryo. Ang kilusang narodnik, na pinangunahan ng petiburgesya, ay nagtangkang pamunuan ang mga pesante ngunit kulang ito sa direksyon at komprehensibong plano na nagresulta sa limitadong tagumpay at panunupil. Ang ganap na tagumpay ay natamo lamang nang mapamunuan ng kanilang mismong mga representante sa patnubay ng mga bagong tatag na soviet. Hindi naghintay ang mga magsasaka sa mabagal at kulang-kulang na reporma mula sa gobyerno. Sa halip, ang alyansa at lakas ng proletaryado ay nagsagawa ng mga land seizures—mga direktang pagkilos kung saan inangkin nila ang mga lupang matagal nang sinasaka ng mga magsasaka.

Dito nakikita sa kasaysayan ang pagkakaisa ng mga magsasaka at manggagawa—ang pinakabatayang pwersa ng rebolusyonaryong kilusan. Sa Pilipinas, hindi sapat na lumaban lamang para sa reporma sa lupa; kailangang magtulungan ang nasa kanayunan at kalunsuran upang itulak ang isang pambansa-demokratikong layunin laban sa imperyalismong US at sa pyudalismong pinapanatili nito. Nananatili ang pangangailangan ng mas malawak at mas radikal na hakbang upang masiguro na tunay na mapapasakamay ng mga magsasaka ang lupa sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagkilos.

Ang kolektibong pagkilos para sa tunay reporma sa lupa ay dapat palakasin pa—mula sa mga lokal na komite ng mga magsasaka hanggang sa mga pambansang alyansa. Mahalaga ang papel ng edukasyon at pagpapalaganap ng kamulatan upang mas maintindihan ng masa ang kanilang tunay na kalagayan at ang rebolusyonaryong landas na dapat tahakin.

Sa pamamagitan din ng pagkabig sa malawak na masa ng sambayanan maisusulong ang mas malalim at mas malawak na rebolusyonaryong pagbabago. Mahalaga ang papel ng proletaryado sa lungsod at kanayunan sa pagpapalaganap ng sosyalistang diwa na siyang magdadala ng isang tunay na lipunang malaya mula sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.

Ang mga leksyon mula sa Rebolusyong Ruso ay malinaw: walang tunay na kalayaan sa lupa sa ilalim ng kapitalistang sistema. Ang tamang landas ng kilusang magsasaka sa Pilipinas ay hindi dapat magpatinag sa mga huwad na reporma o mga pangakong hindi natutupad. Ang solusyon sa suliranin sa lupa ay nasa kamay ng pambansa-demokratikong kilusan sa paglulunsad ng agraryong rebolusyon.

Ngayong Buwan ng mga Pesante, dapat lamang ipagpatuloy na palakasin at pagtibayin ang ating pagsuporta sa kakayahan ng kilusang magsasaka at manggagawa na baguhin ang lipunan. Tulad ng mga magsasakang Ruso, may kapangyarihan ang mga Pilipinong magsasaka na wakasan ang pang-aapi at kamtin ang tunay na hustisya. Ang kanilang laban ay laban ng bayan, at ito ang tanging daan tungo sa kalayaan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!