Mga lider-aktibista, hinarap ang gawa-gawang kaso ng ‘panggugulo’ sa Mayo Uno – Pinoy Weekly

Mga lider-aktibista, hinarap ang gawa-gawang kaso ng ‘panggugulo’ sa Mayo Uno – Pinoy Weekly


Kinondena ng mga progresibong grupo ang mga kasong inihain ng Manila Police District sa mga lider-aktibista dahil umano sa pagpapasimuno ng kaguluhan sa kilos-protesta noong Mayo 1, Araw ng Paggawa.

Humarap sina Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) president Renato Reyes at secretary general Raymond Palatino kasama sina Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Jerome Adonis at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) chairperson Mody Floranda sa Manila Prosecutor Office noong Mayo 26 upang sagutin ang reklamo.

Ayon sa mga pulisya, lumabag ang mga lider-aktibista sa Art. 153 ng Revised Penal Code at Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985 dahil sa pag-udyok umano nila ng kaguluhan sa pampublikong lugar, pagtitipon na walang permit, at pagsusunog ng effigy sa kilos-protesta noong Araw ng Paggawa sa Maynila.

“Ang pagsusunog ng effigy [ay bahagi] ng ating kalayaan sa pagpapahayag. Walang bawal doon. Nakita n’yo naman na nagsunog kami tapos may mga naka-ready kami na tubig para kalkulado ang apoy. Walang nasaktan, walang anumang naging depekto,” sabi ni Adonis,

Paliwanag pa niya, “modus” ng Philippine National Police (PNP) ang pasasampa ng mga gawa-gawang kaso para gipitin ang mga karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at malayang pagtitipon para iparating ang kanilang mga hinaing sa gobyerno.

“Kung mayroon mang nanggulo, no other than the Philippine National Police,” banat pa Adonis. Nakunan pa ng bidyo ng KMU ang pagmbomba ng tubig ng PNP sa mga aktibista.

Ayon naman sa Bayan, palsipikado at hindi makatarungan ang mga kasong isinampa. “Ito ay malinaw na pagtatangka sa pagpigil ng kalayaan ng pagpapahayag at pagkriminalisa sa aktibismo,” anila.

Sa kasalukuyan, hinihintay ang paggulong ng kaso habang patuloy na nanawagan ang mga progresibong grupo na ibasura ang mga reklamo.

“Ang charges ng PNP ay haharapin namin,” wika pa ni Adonis.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning