Isang malakas na “hindi” ang sigaw ng mga grupo sagot sa tanong kung mayroon bang hustisyang nakakamit sa mga Pilipinas bunsod ng iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao na nagpapatuloy sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
“Itong mga nakalagay na panawagan natin na hustisya sa mga martir ng sambayanan ang nagpapatunay na walang hustisya at nagpapatunay na patuloy ang pasismo ng estado,” dagdag pa ni Jigs Clamor, secretary-general ng Karapatan.
Isang protesta ng pagpaparangal para sa mga pinaslang na aktibista ang inilunsad sa harap ng Oblation Plaza sa Unibersidad ng Pilipinas noong Agosto 24, Sabado. Iba’t ibang grupo at pamilya ang nakiisa sa pag-alala sa mga itinuturing na martir ng sambayanan tulad ng mag-asawang Benito at Wilma Austria-Tiamzon maging si Maria Coronacion ‘Ka Concha’ Araneta-Bocala.
Ang mag-asawang Tiamzon at si Araneta-Bocala ay mga dating estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Bahagi ang pagtitipon kasabay ng pagdiriwang sa buwan ng International Humanitarian Law.
Pekeng engkwentro
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga atake laban sa mga aktibista sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., Agosto 18 nang ianunsyo ang pagpaslang sa tatlong prominenteng personalidad ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army sa Lambunao, Iloilo.
Ipinagmalaki ng 3ID na nagkaroon ng engkwentro sa nasabing probinsya noong Agosto 16 at tinukoy ang mga biktima na sina Vivian Torrato, Vicente Hinojales, at Concha Araneta-Bocala.
Ayon sa Communist Party of the Philippines, kinumpirma na ng pamilya ni Torrato ang pagkakakilanlan ng kanyang labi. Samantala, ang pamilya ni Ka Concha ay humiling ng DNA testing upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga labi sa kadalihanang imposibleng gawin na ito sa pamamagitan lamang ng visual inspection.
Hanggang umaga ng Agosto 19, ang mga hinihinalang labi ni Hinojales ay hindi pa nasusuri dahil hindi pa ito inilalabas mula sa “garbage bag.”
“Ang paraan ng paghawak sa mga labi, at kung paano pinahihirapan, tinatakot, at hinaharas ang mga pamilya ng AFP, ay nagpapakita ng kanilang mababang pagtingin sa international humanitarian law, na nagtatakda ng tamang pagtrato sa mga labi ng mga nasawing combatant na may dignidad at respeto,” saad ng CPP sa pahayag nito.
Ayon sa CPP, mayroong matibay na ebidensya kung saan ang mga biktima ay nadakip at pinahirapan habang nasa kustodiya ng militar bunsod ng mga saksak at pasa sa katawan at nakagapos na mga paa ng ilang labi na nakuha ng mga pamilya.
Dagdag pa, sinindak at tinangka pa ng mga sundalo na pigilan ang mga kamag-anak na bawiin ang mga labi. Inalok din ang mga pamilya ng “suportang pampinansya” kapalit ng hindi nila pagsasampa ng kaso laban sa mga militar.
Maituturing ang labis na pagpapabagal sa pag-turnover ng mga labi ng mga nasawi sa digmaan, combatant man o sibilyan, na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) a Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Law (CARHRIHL) na nilagdaan ng NDFP at ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) noong 1998.
Hustisya sa mag-asawang Tiamzon
Ayon sa mga grupo, hindi ito ang unang beses na ang mga lider ng NDFP ay pinatay sa ilalim ng malupit na kamay ng estado.
Noong Agosto 19, 2022, ang mag-asawang Tiamzon kasama ang kanilang walong kasamahan ay dinakip, tinorture bago tuluyang pinaslang. Batay sa mga naging ulat sa fact-finding missions, isinakay ang mga labi sa isang bangkang puno ng mga pampasabog na kalaunan ay pinasabog sa gitna ng dagat.
Dagdag ng mga grupo na hindi na bago ang naratibong ng militar na napaslang ang mga personalidad sa isang engkwentro.
“Ang mga insidenteng ito ay naganap sa gitna ng tumitinding kampanya ng administrasyong Marcos Jr. laban sa mga aktibista at peace consultants,” ani Ysabelle Briones ng Youth for Justice and Peace.
Nakasaad sa CARHRIHL na ang mga kinikilalang peace consultants ay may immunity mula sa mga pang-aaresto o enforced disappearance batay sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nilagdaan ng NDFP at ng GRP noong 1995.
Ayon sa datos ng Karapatan mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024, naitala ang 105 na kaso ng extra-judicial killings kung saan 60 sa mga ito ay naganap noong 2023. Karamihan din sa mga biktima ay mga magsasaka, na kadalasang pinaratangang miyembro ng New People’s Army (NPA) na pinaslang sa umano’y “pekeng engkwentro” ng militar.
Batay rin sa ulat ng Anti-Red Tagging Monitoring Project ng Ateneo Human Rights Center, mayroong 456 insidente ng red-tagging mula Enero hanggang Hulyo 2024 kung saan mahigit 61% sa insidenteng ito ay state-enforced o pinangunahan ng estado.
Sa Metro Manila, naitala ang 444 insidente ng red-tagging, kung saan anim lamang ang ginawa offline, habang 450 ay naganap online.