Ni Alvinson V. Aligam
Nagmartsa ang mga progresibong grupo noong nakaraang linggo mula sa abandonadong guasali ng Manila Film Center patungong tarangkahan ng Senado sa Lungsod ng Pasay upang ipanawagan ang pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Bitbit ang mga plakard at panawagan para sa hustisya at pananagutan, iginiit nila na hindi hadlang ang desisyon ng Korte Suprema upang hindi ituloy ang paglilitis sa opisyal na inaakusahang naglustay ng pera ng publiko.

Isa ito sa mga pinakainit na isyung panlipunan ngayon ang impeachment kay Duterte na nagsimula pa noong Disyembre 2024 dahil sa umano’y pagwawaldas ng ₱612.5 milyong confidential funds sa batayang betrayal of public trust.
Subalit nitong nakaraang Hulyo 25, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang iniakyat na reklamo sa Senado dahil sa paglabag sa one-year bar rule.
Ngunit ayon sa mga aktibista, hindi dapat ginawang batayan ng mga senador ang desisyon ng Korte Suprema. Ani ng grupo, malinaw pa rin ang pananagutan ni Duterte sa taumbayan at sa Saligang Batas, na marapat na aksyunan ng mataas na kapulungan ng Kongteso.
“Mga taksil sa taumbayan. Katatapos lang ng eleksyon (kung kailan) marami silang ipinangako sa atin. Ngunit ngayo’y pinagtatakpan nila ang katiwalian at korapsyon. Ipagpatuloy ang paniningil sapagkat ang tama ay ang litisin. Ang nagnakaw ay tiwali,” ani Amirah Lidasan ng Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination.
Ayon naman kay Raymond “Mong” Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan: “Dapat hindi ibasura ang impeachment. Dapat tumindig ang mga mambabatas at igiit ang katotohanan, pananagutan at katarungan. Ang ating mga senador ay dapat senador ng taumbayan, hindi senador ni [Sara] Duterte.”
Subalit hindi nakinig ang Senado noong araw na iyon. Nagbotohan sila at sa botong 19–4–1, sinang-ayunan nila ang mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na sundin ang desisyon ng Korte Suprema at isantabi ang paglilitis laban kay VP Duterte.

Ibig sabihin, walang paglilitis na magaganap habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration na inihain ng Koalisyong Makabayan.
Kung sakaling hindi sasang-ayon ang Korte sa mosyon ng Makabayan, kailangan pang maghintay ng panibagong taon bago muling makapaghain ng reklamo laban kay Duterte.
Ayon sa mga grupong progresibo, hindi pa tapos ang laban. Patuloy ang kanilang panawagan sa mga mambabatas na unahin ang kapakanan ng taumbayan at papanagutin ang mga nasa kapangyarihang nagkasala at nagnakaw sa bayan. #