Pagkagising sa umaga ng Marso 7, wala na ang mga bahay ang mga maralitang residente ng NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City. Natupok na ng apoy ang mga bahay na dati’y gawa sa bato, kahoy at ibang materyales, at kalauna’y napatibay ng hollow blocks at semento. Natupok pati mga kagamitan nila.

Iyan ang mga kuwento ng mag-asawang sina Romuolo Mercideta at ang kanyang asawang si Fely.
Pagmulat ng mata ni Romulo, 73, abo na ang una niyang naamoy. Nawalan sila ang bahay ng asawang si Fely at ang pag-asang makabangon. Umaasa sina Romulo at Fely na matutulungan ng gobyerno, pero batid naman kung sino ang tunay na magpalayas sa kanila sa lupang kinatirikan ng kanilang naabong tahanan.


Simple at masayang buhay ang mag-asawa na may anak at negosyo. Aminado silang nakatira sa komunidad ng mga maralitang lungsod, ngunit nawala ang lahat ng ito.
Umabot sa Task Force Bravo ang sunog sa NIA Road noong Marso 6 kung saan maraming bombero na dumating para subukan apulahin ang sunog. Pero matagal nang may pagtatalo sa lupa ng NIA Road.

Lumikas ang higit 4,000 na pamilya sa trahedya. Nagmamadali ang mga residente para lumikas kasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay, pati ang mga naisalbang gamit nila sa bahay.
Nadamay sa sunog ang ibang pang kabuhayan katulad ng mga paninda sa loob ng compound at namatayan ng mga alagang hayop.

Isang residente ang namatay sa atake sa puso. Walang nasugatan sa trahedya ito, pero nananatili ang ibang naninirahan sa NIA Road sa mga tent at sa mga trapal bilang silungan sa init ng panahon.
Hirap ngayon ang mga residente na lumipat sa mga relokasyon. Hindi dahil malayo, kundi dahil nasanay silang magkasama ang buong pamilya sa iisang bubong.

Hindi rin bago ang marinig ng mga maralita ang mga balita tungkol sa mga lugar na nasunugan dahil banta na pagpapatayo ng mga gusaling pangnegosyo.
Ang NIA Road, na ipinangalan sa National Irrigation Administration na naroon din, ay pagmamay-ari ng gobyerno. Isa din nagsisilbing daanan ito ng mga bus mula sa San Juan de Monte City, Bulacan at Fairview, Quezon City.
Mula noong 2010, may banta na ng demolisyon. Matagal nang target ng ilang developer at pamahalaang lokal ang lugar upang gawing business district tulad ng kalapit na Sitio San Roque sa Agham Road (ngayo’y Sen. Miriam Defensor-Santiago Avenue). Inilalagay nito sa panganib ng demolisyon ang mga tahanan ng mahihirap.
Malinaw ang mensahe ng pamahalaan na para sa negosyo ang lugar at itinuturing na parang basura ang mga nasunugang residente. Wala ring agarang aksiyon tulad ng makatarungan na relokasyon at pamimigay ng relief goods. Sinasakal din sila sa paghihintay ng pag-asa na tulong mula sa gobyerno.

Mga dating nakatira sa nasunog na compound sa NIA Road na naninirahan na ngayon sa gilid ng kalsada. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly
Mga isang buwan matapos ang sunog sa NIA Road, nananatili sa mga pansamantalang tirahan ng mga nasunugan sa gilid ng kalsada, covered court, paaralan at iba pang evacuation center.
Sa pagkain at tulong ginigipit
Sa Facebook post ng isang residente ng NIA Road, niloko ang mga residente sa isang relief drive na ibinahagi ng mga iba’t ibang senador dahil akala nila’y puno ng pagkain ang mga baldeng ibinigay tulad ng bigas.

Isa rin ang kinabahala ng mga residente ang pagpasok ng malaking negosyo sa lugar. Inilatag ng barangay, kasama ang pamahalaang lokal ng Quezon City, na magtatayo umano ng tenement o gusali ng mga paupahan.
Ang mga katanungan ng mga residente ay hindi pinakinggan dahil nagbaba ng desisyon ang Housing Community Development and Resettlement Department ng Quezon City na may rentang P800 kada buwan ang pagtira sa tenement.
Ayon sa mga residente, hindi lang iyan ang babayaran nila. Nilabas nila ang tunay na gastusin sa isang Facebook post, kung saan isinama ang kuryente, tubig at maintenance ng gusali.


Kadalasan, mababa pa sa minimum na sahod sa National Capital Region ang kinikita ng mga residente ng NIA Road.
Paraan para sa kinabukasan
Alam ng mga maralita na inaapi sila mga naghaharing uri. Batid din na nila ang sistemang itinayo para magsamantala sa mga tulad nila. Nais lang nilang ituring bilang mga taong may dangal at dignidad.

Mga residenteng nananatili pa rin sa nasunog nilang bahay sa NIA Road sa Quezon City. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly
Sa ngayon, ang mag-asawang Mercideta at iba pang mga ibang residente ay nanatili sa kanilang mga nasunog na tirahan, kung saan maraming alaala at pangarap ang nabuo at kung saan kumpleto ang kanilang pamilya kahit mapang-api ang sistema.
