Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay


Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABOR
Pinoy Weekly

Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong Set. 26. Sila ang pinakabago sa serye ng pagpatay sa mga magsasaka sa bansa. 

Pinakamarami ang mga naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatan ng mga magsasaka sa isla ng Negros at Masbate ngayong taon. 

Ayon sa Karapatan Masbate, 35 magsasaka na ang napatay sa probinsya sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Noong Abril 2, dinukot, binugbog at pinatay ang magsasakang si Elorde “Nonoy” Almario ng dalawang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) sa Milagros, Masbate. Peb. 5 naman noong dinukot at pinatay ang mag-asawang Pedro at Florencia Regala ng 2nd IBPA at puwersang paramilitar sa bayan ng Cawayan.

Umaga ng Ene. 29 nang maaresto ang pitong magsasaka na sila Ruben Menchavez, Ronel Rondina, Inday Wilyn, Macmac Catapan, Cadong Mendoza, at asawa niyang si Gingging at ang 9 anyos nilang anak. Hinuli sila ng 10 sundalo at mga miyembro ng Cafgu sa bayan ng Pio V. Corpus.

Naging karaniwan na sa probinsya ang mga paglabag sa karapatang pantao mula nang maging pokus ang Masbate ng mga operasyong militar sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP).

Sa ulat ng Kilusang Magbubukid ng Bikol (KMB), mahigit 70% ng mga nayon sa Masbate ang nasa ilalim ng RCSP. Sa ilalim ng programa, sinasakop ng militar ang mga pampublikong pasilidad, nagbabahay-bahay, at pinipilit ang mga sibilyan na bawiin ang kanilang suporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa kabila ng paulit-ulit na paglapit sa Commission on Human Rights, wala pa ring makabuluhang aksiyon para tugunan ang mga talamak na pang-aabuso.

Sa isla naman ng Negros, dinakip at pinatay si Ramon Enseniales ng 15th IBPA sa bayan ng Cauayan sa Negros Occidental noong Hul. 29. Hinaras at ni-red-tag naman ang magsasaka at katutubong si Evelyn Manait at ang pamilya niya noong Hun. 13. 

Mayo 30 nang pagbabarilin ng mga hinihinalaang tropa ng 79th IBPA si Jigger Bartolo habang nagpapastol sa Calatrava, Negros Occidental. Bago siya pinatay, paulit-ulit na siyang pinapadala sa kampo ng militar para sa interogasyon.

Noong Ene. 17, pinatay ang dating tanggol-magsasaka na si Dionisio Baloy kasama ang isa pang aktibistang si Bernard Torres ng mga elemento ng 62nd IBPA sa kanilang bahay sa La Castellana, Negros Occidental.

Sa mga insidenteng ito, sinasabi ng militar na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mga magsasaka. Ngunit ayon sa mga pamilya at kapitbahay, tinataniman lang ang mga ito ng mga armas at iba pang kagamitan para palabasing namatay ang mga biktima sa engkuwentro. 

Pananakot, pambobomba sa kanayunan

Hindi natapos sa patayan ang mga atake sa kanilang mga karapatan. Naitala ng Karapatan ang iba pang mga kaso ng karahasan sa mga magsasaka.

Hinuli at tinortyur din si Fatima Banjawan, isang organisador ng mga magsasaka mula sa Gabriela-Timog Katagalugan, habang inaresto noong Set. 1 sa probinsya ng Quezon si Roberto Mendoza, ang magsasakang ama ni Lieshel Mendoza, isang tanggol-magsasakang sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Noong Hun. 18 naman, ilegal na hinalughog ang bahay ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) secretary general at Tanggol Magsasaka spokesperson Ronnie Manalo sa San Jose del Monte City, Bulacan. Sa parehong araw, pinaghahanap ng mga sundalo si Cecila Rapiz, lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

Sa Bulacan din, pinaghanap ng mga hindi pa nakikilalang lalaki si KMP national chairperson Danilo Ramos noong Ene. 15. Nauna na rin siyang pinaghahanap ng tatlong lalaki noong Ene. 3 na pinaniniwalaang puwersa ng estado o intelligence agents.

Sa lalawigan ng Aurora, nagsasagawa ng aerial strike ang 91st IBPA sa mga nayon ng Diamanen, Toytoyan, Puangi, Dimabuno, Salay at Sapang Kawayan sa bayan ng Dipaculao at sa mga nayon ng Bannawag, Bayanihan at Cadayacan sa bayan ng Maria Aurora.

Nang magsimula ang mga pagpapasabog noong Mayo 20, hindi na maalagaan ng mga residente ang mga tanim nilang palay, gulay at niyog. Hindi nagbigay ng kahit anong ayuda ang militar bilang kabayaran sa pagsira nila sa kabuhayan ng mga residente. Lalong nagpabigat ang ginagawang operasyon ng militar sa pasanin ng mga magsasaka na matagal nang lugmok ang kabuhayan dahil sa tagtuyot.

Dinukot naman ang organisador na si William Lariosa ng mga miyembro ng 48th IBPA noong Abr. 10 sa bayan ng Quezon, Bukidnon. Hindi pa rin siya nakikita hanggang ngayon at nauna nang ibinasura ng korte ang inihaing petisyon ng kanyang asawa sa writ of habeas corpus para ilitaw si Lariosa ng mga ahente ng estado na dumampot sa kanya.

Pangangamkam ng lupa

Bukod sa mga pagpatay at iba pang uri ng karahasan, patuloy rin ang ilang henerasyon nang pang-aagaw ng lupa mula sa mga magsasaka ng Lupang Tartaria sa Silang at Lupang Ramos sa Dasmariñas City sa Cavite.

Sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ang lider-magsasaka na si Jerie Luna ng Samahan ng Magsasaka sa Mamamayang Tartaria (Samata) at 10 iba pang kasapi nito dahil sa pagprotekta sa kanilang lupain laban sa pangangamkam ng mga pamilyang Aguinaldo at Ayala.

Sa Lupang Ramos, 50 hanggang 100 pulis, sundalo at kawani ng pamahalaang lokal ng Dasmariñas City ang patuloy na nanghihimasok upang mag-imbestiga umano sa fire safety protocols at bulnerabilidad sa African swine flu. Ngunit batid ng mga residente na mga palusot lang ito upang magmanman sa lugar.

Parehas na sitwasyon din ang nararanasan sa Hacienda Roxas sa Batangas, Hacienda Luisita sa Tarlac, Royal Mollucan Realty Holdings Inc. sa Norzagaray, Bulacan, at plantasyon ng palm oil ng pamilyang Consunji sa mga lupain sa isla ng Negros.

Dumarami rin ang kaso ng paglabag ng 80th IBPA sa mga karapatan ng mga magsasaka ng Bagsakan sa San Jose del Monte City, Bulacan na inilalaban ang kanilang lupang sakahan mula sa mga pangangamkam.

Patakaran ng pandarahas

Mariing kinondena ni Ramos ang militarisasyon sa mga lupain sa kanayunan at wala aniyang dapat na maging abuso sa mga magsasaka lalo na’t hangarin lang nilang makapagsaka sa mga lupaing tunay na sa kanila.

“Wala namang ibang ninanais ang ating mga magsasaka kundi ang makapagbungkal sa sarili nilang lupa, pero ano ang ginagawa ng estado? Karahasan, intimidasyon [at] red-tagging,” wika ni Ramos.

Ayon naman kay Amihan secretary general at Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, pinaiiral ang mga panggigipit at pamamaslang na ito para sa huwad na laban ng gobyerno sa insurhensiya.

Dagdag niya, bagaman tatlong henerasyon nang ipinaglalaban ng mga taga-Tartaria ang kanilang lupain, sa kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr. lang naranasan ng mga residente ang ganito kalala at sunod-sunod na atake.

Sabi pa ni Estavillo, may paghupa na ng tensiyon sa Tartaria kasabay ang patuloy na pag-oorganisa upang mas mapalawig ang kanilang kampanya para sa kanilang mga karapatan, habang patuloy ang 24 oras na pagbabantay ng mga tanggol-magsasaka sa Lupang Ramos upang depensahan ito mula sa panghaharas ng mga pulis, sundalo at pamahalaang lokal.

“Ang krisis na nararanasan [ng mga magsasaka ay] dulot na anti-mamamayan na polisiya na nagpapahirap sa mga [magbubukid], patuloy na land grabbing. Kahit saang ahensiya, wala kang maririnig sa DA (Department of Agriculture), Senado o sa [Kamara], walang statement,” ani Estavillo. 

Sa datos ng Amihan, 36 kababaihang magbubukid na ang pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. at ni Rodrigo Duterte, habang 68 naman ang ikinulong.

Sabi naman ng Tanggol Magsasaka, bukod sa takot, mas inilalagay sa peligro ang magsasaka sa pag-deploy ng maraming pulis sa kanilang lugar.

“Isa itong lantad na porma ng harassment, intimidasyon at abuso sa mga magsasaka. Ang paglaki ng presensiya [ng pulisya] sa kanayunan at sakahan ay hindi lang basta nagbibigay takot sa mga [magbubukid], mas pinapalala nito ang posibilidad ng mas marami pang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ng grupo.

Itigil ang karahasan

Iniugnay ng KMB ang mga pagpatay sa patuloy na militarisasyon sa mga komunidad sa kanayunan. Pinatindi ng mga patakaran ng estado gaya ng Anti-Terrorism Act, Memorandum Order 32 at Executive Order 70 na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac)

“Ang mga karahasan na ginagawa laban sa mga magsasaka ay direktang resulta ng mga mapang-aping patakarang ito,” sabi ng grupo. Inakusahan din nila ang rehimeng Marcos Jr. na siyang nagpapalala ng impunidad sa kanayunan.

Ngayong Buwan ng mga Magbubukid, panawagan ng sektor ng magsasaka ang hustisya sa mga naging biktima ng karahasan ng estado. Nais din nilang panagutin ang pulisya at militar na lumalamon sa buhay ng mga magsasakang hangad lang ang tunay na reporma sa lupa.

“Hindi lamang matinding hirap, pagsasamantala at kawalan ng lupa ang kinakaharap ng mga magsasaka sa kanayunan, napipilitan din silang harapin ang tumataas na bilang ng mga nasawi dahil sa militarisasyon sa kanayunan,” sabi ni Manalo.

The post Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay appeared first on AlterMidya.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!