Negosyong armas, duguang pera

August 29, 2024


Inaprubahan ni United States (US) Secretary of State Antony Blinken ang isang kasunduang pang-armas na nagbebenta ng kagamitang pangmilitar sa Israel noong Ago. 13.

Anunsiyo ng US State Department na magpapadala sila ng mga F-15 fighter jet, tangke, pampasabog, at iba pang mga kagamitang pangmilitar kagaya ng mga cargo vehicle. Bago pa man naaprubahan ito, tinulungan ng Amerika ang Israel sa pangangalap ng armas sa pagbibigay nito ng military aid na nagkakahalaga ng $3.8 bilyon.

Kasalukuyang nakasalang na sa Kongreso ng US ang kasunduan kung saan tatalakayin ito ng mga nasasakupang opisyal bago maaaring ipadala ang mga armas. May 30 araw ang Kongreso para magpasa ng pormal na joint resolution of disapproval upang harangin ang kasunduan. Kung aprobado, inaasahan na sa taong 2029 pa darating ang mga ibinentang kagamitan at armas.

Bagaman hindi pa ito naipapadala, nagtamo ang kasunduan ng tahasang pagkondena mula sa pandaigdigang komunidad dulot ng patuloy na paglabag ng Israel sa karapatang pantao ng mamamayang Palestino. 

Sa katunayan, naisakatuparan ang kasunduan matapos bombahin ng mga militar ng Israel ang al-Tabin School na kumitil sa 100 mag-aaral, guro at kababaihan. Natuklasan ng imbestigasyon ng Sanad Agency na planado ang oras ng pagbagsak ng bomba upang matamo ang pinakamalalang pinsala sa imprastraktura at dami ng buhay. 

Sa kasalukuyan, umabot na ng mahigit 40,000 mga Palestino ang pinaslang sa kamay ng mga militar ng Israel dulot ng pagpapatuloy ng kanilang marahas na okupasyon. Ang pagbomba sa paaralan ang naging dahilan ng pagpupulong ng United Nations (UN) Security Council ayon sa kahilingan ng Algeria.

Tahasang kinondena ng mga miyembrong bansa ng UN Security Council ang paspasang pandarahas sa mga mamamayan ng Palestine at binigyang diin ng Algeria ang pagpapatuloy ng proseso upang maisakatuparan ang implementasyon ng humanitarian ceasefire.

Gayunpaman, ipinahayag ng Amerika na “concerned” daw ito sa mga paglabag ng Israel sa karapatang pantao habang patuloy ang kanilang pagbebenta ng armas.

Ipinaliwanag ni Hansley Juliano, guro ng agham pampolitika sa Ateneo de Manila University, na ang US ay isa sa mga malaking bansa na nagbibigay ng pondo sa mga kalakaran ng UN.

Ayon sa datos ng Congressional Research Service, galing sa US ang mahigit 22% ng kabuuang pondo ng UN. Sinusundan ito ng China at Japan na may 15% at 8% ng kabuuang badyet ayon sa pagkakabanggit.

Itinatag ang UN Security Council matapos ang Ikalawang Pandaigdigang Digmaan na binubuo ng mga permanenteng miyembrong bansang US, China, Russia, United Kingdom at France na may kapangyarihang mag-veto ng mga resolusyon o desisyon na napagsang-ayunan ng kapulungan. 

Ngunit dahil tumatayo bilang pangunahing kapulungan ng mga pandaigdigang isyu na may kongkretong kakayahan na mamagitan sa hidwaan ng dalawang bansa ang mga miyembro ng UN Security Council, lantaran ang paggamit ng Amerika ng kanilang kapangyarihan upang protektahan ang kanilang pansariling interes. 

Pinaliwanag ni Juliano, kasalukuyang mayroong mga nakatakdang institusyon at kasunduan na maaaring tugunan ang mga isyung nakatuon sa bentahan ng mga armas. Itinatag noong 1985 ang UN Office for Disarmament Affairs na may mandato na bawasan ang mga armas ng mga miyembro ng pandaigdigang komunidad. 

May naitatag na rin na kasunduan na binubuo ng mga 130 bansa na naglalagay ng regulasyon sa pandaigdigang komersyo ng mga armas. Binubuo ito sa katuwiran na kapag binawasan ang mga armas ng bawat miyembrong bansa, mababawasan din ang pagdurusa ng tao.

“Ang problema ng arms trade treaty ay ang mga pinakamalaking [exporter] ng mga armas kagaya ng Russia at ng US ay hindi pa ito ipinapatupad. ‘Yong mga pinakamalaking [player] sa pandaigdigang komunidad ay hindi sumusunod,” wika ng guro.

Sa konteksto ng humanitarian ceasefire, apat na resolusyon na ang inihapag ng mga miyembro ng UN Security Council. Inihain ng Brazil ang unang resolusyon na nagbibigay diin sa proteksiyon ng mga mamamayang Palestino at ang agarang paglaya ng mga bihag ng Israel. Ito ang nagsilbing balangkas ng mga sumunod na pagpupulong na pinatawag ng UN Security Council dulot ng patuloy na paglabag ng Israel sa karapatang pantao.

Sa bawat pagkakataon na may inihaing resolusyon ang UN Security Council na nagsusulong ng isang humanitarian ceasefire, hinaharang ito ng Amerika gamit ang kapangyarihan na mag-veto habang patuloy pa rin ang pagbibigay niya ng bala at armas na pumapaslang sa mga Palestino.

Samakatuwid, nakatikom pa rin ang bibig ng administrasyong Marcos Jr. sa usapin ng mga kasunduang pang-armas. Sa unang paghahain ng resolusyon para sa humanitarian ceasefire nag-abstain ang Pilipinas alang-alang sa pagpapanatili ng ating kagandahang loob sa US.

Matapos ang ating pagpapasya, hindi na muli naungkat ang usapin ng henosidyo sa mga polisiya o pahayag ng pamahalaan. Gayunpaman, lalo lamang pinagtibay ng administrasyong Marcos Jr. ang alyansa ng Pilipinas sa US sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalakas ng ating militar at pulisya. 

“Dapat managot ang administrasyong Marcos Jr. hindi lamang sa kanyang pananahimik, kundi sa kanyang pagpapakatuta sa alyansang US-Israel. Milyon-milyong dolyar ang ginagastos ng pamahalaan para sa ‘AFP (Armed Forces of the Philippines) Modernization Program’ habang mayroong malubhang krisis pang-ekonomiya sa loob ng bansa,” ani Vito de la Cruz, convenor ng Ateneo 4 Palestine

Nangako kamakailan ang Amerika na sususportahan nito ang AFP Modernization Program sa isang ministerial meeting kalahok ang mga ahensiya sa seguridad, depensa at ugnayang panlabas ng dalawang bansa. Ilan sa mga kongkretong proyekto ng pangakong ito ang pagpapatayo ng 36 na infrastructure project sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site, pagpapadala ng mga C-130 aircraft at ang pagsasagawa ng mga Balikatan exercises sangkot ang militar ng dalawang bansa. Nakatanggap din ng pondo ang militar sa gitna ng patuloy na banta ng agresyon ng China sa ating mga karagatan na nagkakahalaga ng $500 milyon. 

Ipinaliwanag ni League of Filipino Students-Katipunan chairperson Annika Torres, na tumatayo ang Pilipinas bilang malakonya ng Amerika sapagkat bilyon-bilyon ang inilalaan ng pamahalaan upang bumili ng mga armas na tatak US at Israel na siya mismo ginagamit  sa pambobomba sa kanayunan at lupang ninuno ng mga katutubong Pilipino.

“Kaya naman tayo tinatawag na tuta ng Kano kasi ito ang pangkaraniwang ayos ng ating mga foreign policies. Ang kahirapan dito ay ang Pilipinas mismo ay financially at structurally dependent on the United States sa ngayon,” dagdag na paliwanag ni Juliano.

Nakatikom pa rin ang bibig ng administrasyong Marcos Jr. kahit buhay na ang kapalit sa patuloy na pagbebenta ng mga armas. Tumatanggap ang administrasyong Marcos Jr. ng mga armas at pondo na pinulahan ng madugong imperyalistang kamay ng US. 

Dinadamay tayo ng US sa mga kalakaran nitong mapanupil at maitutuwid lang natin ang ating moralidad ukol sa usapin ng henosidyo kapag nakalaya na tayo sa mga tanikala ng ating alyansa sa Amerika.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » PRWC Weekly Round (December 24-30, 2023)

The PRWC published the following on its website over the

Merry Christmas

Merry Christmas! The post Merry Christmas appeared first on Kodao