Pinupuno ng mga kasindak-sindak na panuorin ang mga telebisyon at sinehan sa tuwing sasapit ang Undas. Hindi pinalampas ng Viva Films ang okasyon at inilabas nila ang kanilang pelikulang “Nokturno” sa Amazon Prime noong Okt. 31.
Sinusundan sa pelikulang ito si Jamie (Nadine Lustre), isang manggagawa sa Maynila na nagbalik sa kanilang tirahan sa bayan ng San Sebastian matapos mamatay ng kaniyang kapatid na si Joana (Bea Binene) sa isang ‘di malamang dahilan. Bukod sa tema ng pamilya at mga sumpa, interesante ang paggalugad ng pelikula sa kasaysayan ng bansa.
Sa huling yugto ng “Nokturno,” habang nagpapalagayang-loob muli ang mag-ina na sina Lilet (Eula Valdes) at Jamie matapos ng ilang taong alitan, nabanggit ni Lilet ang kuwento ng lumang bahay sa likod.
Noong panahon daw ng pananakop ng mga Hapones, may kumatok na grupo ng mga Amerikanong sundalo sa bahay na iyon. Pinatuloy sila at pinakain ng mga madreng nagbabantay ng bahay. Binigyan din sila ng matutulugan. “Pero nang nakuha na nila ang gusto nila”, sabi ni Lilet, “pinagpapatay [ang mga madre].”
Matapos ang eksenang ito, mas naging malinaw ang mga naunang misteryo sa pelikula. Nito na rin nagsimulang magpakita ang mga malignong kumakatok. Ang hindi nga lang malinaw, kung sino sa pagitan ng mga madreng kinitil at ng mga sundalong Amerikano ito. Maaaring pahiwatig ang hinuha na ng iba pang mga karakter: na ang kumakatok umano’y sumpa hindi lang sa bahay ng mag-anak ni Jamie, kundi sa buong San Sebastian.
Sa mga pelikulang katatakutan ng direktor na si Mikhail Red, madalas itinatahi ang sumpa ng isang multo o maligno sa panaghoy para sa hustisya.
Ang multo ni Eri sa “Eerie” (2018) ay humihinging matugunan ang pang-aaping dinanas niya mula sa mga kapwa estudyante at ang pagpipikit-mata ng kaniyang paaralan hinggil dito.
Ang multo naman ni Aileen sa “Deleter” (2022) ay dumudulog sa nangyaring pang-aabuso sa trabaho mula sa kanyang amo bukod pa sa nakababaliw na kalikasan ng kanilang trabaho bilang mga “tagalinis” ng internet.
Interesante ang atakeng ito dahil iniuugnay ng mga nabanggit na pelikula ang mga lagim sa kasaysayan ng istruktural na karahasan.
Totoo rin naman ang mga kritisismo hinggil sa mga kakapusan ng mga pelikulang ito lalo kung sa resolusyon ang pag-uusapan. Ganon din ang naging panapos sa “Nokturno”: nakokorner ang mga bida sa punto na hindi na sila makalalaban o makatatakas pa.
Pero kung uunawain naman ang kalagayan ng mga karakter, tila may katuwiran naman ito. Ang pamilya ni Jamie ay isa-isang inuupos ng mga kumakatok, hanggang sa malupig sila.
Imbis na tignan ito bilang kakapusan ng materyal, maaari itong maging punto ng pagninilay hinggil sa ugnayan ng indibidwal laban sa karahasang nakakabit sa kanyang pangkasaysayang kapalaran sa isang banda, at ang kalikasan ng multo bilang espirito ng paghihiganti sa isa pa.
Mahalagang tignan ang kondisyon ng pagiging bukod o pagiging isolated sa mga pelikulang ito. Nagaganap ang lagim sa mga panahong nag-iisa ang indibidwal. Kasindak-sindak ang pagiging mag-isa na kapag dumating na ang kapahamakan ay makukulong ka lang sa iyong kawalang kapangyarihan.
Sa isang banda, ang mga multong mapanghiganti ay bulag. Inaatake nito ang kahit sino, kahit na mga walang mga kinalaman sa kinalaman sa kanilang kalagayan.
Ganito ang kinahantungan ng mga madre kung sila nga ang mga sumumpa sa San Sebastian matapos nilang mapahamak sa kamay ng mga sundalong Amerikano. Sa ganitong kondisyon, hindi natatapos ang pananakit at paglalagim, at walang anomang bilang ng kamatayan ang hihinto dito.
Maaaring mukhang nasa balon ito ng walang hanggang kadiliman sa unang tingin, pero ang susi sa paglutas ng suliraning ito ay nasa loob na mismo ng kondisyon. Natukoy naman ang puno’t dulo ng suliranin, baka maaaring lutasin sa paghukay ng isyu sa ugat nito?
Paikot-ikot sa mga kuwentong pampelikula sa bansa ang multo ng kolonyalismo bilang ugat ng suliranin ng sambayanan. Ang “Nokturno,” sa puntong ito, ay nagsilbing alegorya ng kasaysayang ito na hinigitan ang mga kontemporanyo nito sa paglalarawan ng kalaban.
Maihahambing ito, halimbawa, sa pagtatangka ng pelikulang “Mallari” (2023) na itulak ang usapin ng “aswang” bilang propaganda ng Central Inteliigence Agency ng Estados Unidos upang pabulaanan lang ito sa dulo at iturol sa mga masang manggagawa ang sumpang dinanas ng isang pamilyang mayaman.
Sa panahon ng malalang opensiba ng mga puwersa ng imperyalismo—mula sa henosidyo sa mga Palestino hanggang sa Balikatan exercises at mga base militar sa bansa—mahalaga ang mga pagtatangka ng mga pelikula tulad ng “Nokturno” sa pagbibigay hulma sa mga historikal na kasamaan.
Mapupukol man ang negatibong pagtanaw nito sa pagpiglas o pagtakas, maaari itong tignan bilang limitasyon ng indibidwal na pakikipagtunggali. Makikitaan ng saysay ang kamatayan ng mga bida sa pelikula sa mas higit na pangangailangan para sa kolektibo at sistematikong paglaban sa lagim.