Uncategorized

NTF-Elcac sa UST research forum, kinondena – Pinoy Weekly

NTF-Elcac sa UST research forum, kinondena – Pinoy Weekly


Umani ng malawak na pagkondena mula sa mga estudyante at progresibong grupo ang pagpasok ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa University of Santo Tomas (UST) matapos imbitahang lumahok ang task force sa isang research colloquium sa loob ng pamantasan noong Nob. 6.

Para sa mga estudyante, paglabag ito sa diwa ng akademikong kalayaan at pagtatangka ng estado na gamitin ang pamantasan para sa propaganda laban sa mga aktibista. Ayon sa Anakbayan UST,  “paglusob ng NTF-Elcac sa espasyo ng karunungan” ang forum.

“Ang pagtatanghal ng NTF-Elcac sa loob ng unibersidad, gaano man kaliit o kalaki, ay pagyurak sa diwa ng Veritas in Caritate—ang paghahanap ng katotohanan sa ngalan ng pag-ibig at paglilingkod sa kapwa,” ani Dex Frogoso, tagapagsalita ng Anakbayan UST.

Ang aktibidad na pinamagatang “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience” ay inorganisa ng Department of Political Science ng Faculty of Arts and Letters sa pakikipag-ugnayan sa National Security Council (NSC). Dumalo rito si Joel Egco ng NTF-Elcac at Arian Ramos, isang “surenderee’” na ngayon’y ahente ng NTF-Elcac.

Kinondena rin ni Ray Manuel ng Kabataan Partylist-UST Artlets ang naging papel ng unibersidad sa pagpapahintulot sa ganitong aktibidad.

“Ano ang main objective? Walang iba kundi i-brainwash ang ating mga kapwa estudyante sa kanilang state propaganda! Para tanggalan lang tayo ng boses at patigilin ang ating mga panawagan laban sa katiwalian at pasismo,” ani Manuel.

Bagaman umatras bilang co-organizer ang Research Center for Social Sciences and Education matapos malaman ang pagkakasangkot ng NTF-Elcac at ‘di pagsunod sa napagkasunduang kondisyon, itinuloy pa rin ng Political Science Department ang programa.

Sa kabila ng lahat, dinepensahan pa ni Dennis Coronacion, tagapangulo ng departamento, ang desisyon nila na makipag-ugnayan sa National Security Council at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Dapat aniyang manatiling bukas ang pamantasan sa “lahat ng pananaw.” Ngunit para sa maraming mag-aaral ng UST, hindi ito usapin ng pluralismo kundi ng panghihimasok ng estado.

Ibinahagi ni Raven Kristine Racelis ang kanyang karanasan sa forum. Ayon sa kanya, ginamit ng mga tagapagsalita ang mga larawan ng mga protesta at progresibong aktibista bilang halimbawa ng “terror grooming.” Aniya, “hindi ito talakayang pang-akademiko kundi pagpapakalat ng takot.”

Ayon sa mga mag-aaral, ang insidenteng ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng NTF-Elcac na pumasok sa mga paaralan upang isulong ang kanilang kampanya laban sa aktibismo.

Para kay Manuel, ang nasabing colloquium ay paraan upang mang-red-tag ng mga estudyante, tumutukoy sa kaugalian nagtatatak sa mga aktibista at tanggol-karapatan bilang komunista at terorista.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning