Hinimok ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang administrasyong Marcos Jr. na magpatupad ng mga kongkretong hakbang para sa mas malaya at ligtas na kapaligiran sa mga mamamahayag kasunod ng inilabas na 2024 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF).
Sa pinakabagong ulat ng RSF, lumalabas na nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan ang mga banta sa kalayaan sa pamamahayag sa buong mundo. Wala ring aksiyon mula sa mga gobyerno sa maraming bansa para protektahan ang mga mamamahayag, lalo na sa sa Gaza sa Palestine.
Ayon sa NUJP, mayroong naitalang 136 insidente ng pag-atake sa mga media workers sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., kabilang ang nagpapatuloy na website blocking ng National Telecommunications Commission sa mga alternative media oufit na Bulatlat at Pinoy Weekly.
Pinakatampok na kaso rin ang pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid na walang signipikanteng pag-usad sa imbestigasyon hanggang ngayon. Nananatili ring nakapiit dahil sa mga gawa-gawang kaso ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio sa Tacloban City Jail.
Dagdag pa ng grupo, patuloy ang banta ng libel sa mga mamamahayag. Batay din sa kanilang ulat, mayroong 63 na insidente ng red-tagging mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2024.
Bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Hul. 22, iminungkahi ng Philippine Media Safety Summit, kasama ang NUJP, ang ilang hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng pamamahayag sa bansa tulad ng dekriminalisasyon ng libel, pagpasa ng Freedom of Information Bill at pagtigil sa red-tagging. Gayunpaman, hindi ito binanggit ang ng pangulo sa kanyang talumpati.
Noong Pebrero, nagbigay ng rekomendasyon si UN Special Rapporteur on freedom of expression Irene Khan na itigil ng gobyerno ang red-tagging matapos ang kanyang opisyal na pagbisita sa bansa.
Ayon kay Khan, anyo ito ng panggigipit na ginagamit upang takutin at patahimikin ang mga kritikal na boses sa midya at nagreresulta sa pang-aabuso sa karapatang pantao at paglabag sa kalayaan sa pamamahayag.
Giit ng NUJP, dapat kumilos na ang gobyernong Marcos Jr. para gawing mas ligtas at mainam ang kondisyon sa trabaho ng mga mamamahayag.