Europe

Obrero, mamamalakaya, magbubukid para sa masang anakpawis – Pinoy Weekly

Obrero, mamamalakaya, magbubukid para sa masang anakpawis – Pinoy Weekly


Higit sa mga trapo, bilyonaryo o mga kandidatong galing sa mahabang linya ng dinastiya, karanasan at interes ng taumbayan ang bitbit nila sa Senado.

Ganito mailalarawan ang mga pambato ng Makabayan Coalition ngayong darating na eleksiyon, kabilang dito sina Jerome Adonis, isang manggagawa, Ronnel Arambulo, isang mangingisda, at Danilo “Ka Daning” Ramos, isang magsasaka.

Gaya ng maraming manggagawang Pilipino, lahat ng trabaho’y pinatos na ni Adonis.

Naging manggagawa sa konstruksiyon, pagawaan ng karton, hanggang sa pagiging konduktor ng bus biyaheng Novaliches-Baclaran. Kaya kung karanasan ang pag-uusapan, hindi salat si Adonis diyan. 

Sa walang pahingang pagbabanat ng buto nabatid ni Adonis ang walang habas na pananamantala ng bawat kompanya.

Mula sa 20 oras na pagtatrabaho at epekto ng Wage Rationalization Act noong 1989 kung saan nagtakda ng iba’t ibang minimum wage sa bawat rehiyon sa halip na iisa o national minimum wage, dahilan para magkaroon ng provincial rates.

Naramdaman ng bawat manggagawa ang tindi ng pambabarat ng mga kompanya kasabwat ang gobyerno, at mula rito namulat si Adonis sa kawalan ng karapatan at proteksiyon ng mga manggagawa.

Kalauna’y sumali sa unyong PASVIL/Pascual Liner Inc. Workers Union sa ilalim ng National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NAFLU-KMU) at nanguna sa pagkakasa ng welga noong 1995.

Mula rito, bukod sa pagiging tagapagtaguyod ng pamilya, ipinagpatuloy ni Adonis ang pagpapayabong sa politikal na kamulatan at pagiging lider-manggagawa, hanggang sa maging full-time na organisador at ngayo’y secretary general ng KMU. 

“Sobra akong na-agitate ng mga political and economic education, ng mga danas ng manggagawa at ordinaryong Pilipino, kaya sinabi ko sa sarili ko na kailangan tumindig, hindi para sa sarili ko kung hindi para sa kanila,” kuwento ni Adonis.

Bitbit ang mahigit 23 taong karanasan sa kilusang paggawa at interes ng bawat obrerong Pilipino, napagpasyahan ni Adonis na tumakbo sa Senado.

Kasama mula noon hanggang ngayon sa plataporma ni Adonis ang pagtataguyod ng nakabubuhay na sahod, na ayon sa pananaliksik at pangunguna ng Ibon Foundation ay marapat na P1,200, pagwakas sa kontraktuwalisasyon, at pagsulong ng mga karapatan sa paggawa.

Bilang kakabit ng panawagan ng “sahod itaas” ang “presyo ibaba,” kasama rin sa plataporma ni Adonis ang pagtatanggal ng value-added tax sa langis, pagkain, gamot at yutilidad. 

“Wage increase will enhance the economy. Kapag nadagdagan ang purchasing power ng mga manggagawa, makakabili ng basic needs, iikot ang economy,” ani Adonis.

Kumbaga sa isda, hindi hilaw sa isyung pampolitika ang mangingisdang si Arambulo. 

Ipinanganak sa bayan ng Binangonan sa lalawigan ng Rizal sa pamilya ng mangingisda, may mahigit 20 taon na karanasan sa pangingisda sa Laguna de Bay, at 15 taon ng miyembro at ngayo’y pangalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipina), hindi lang siya mangingisda, isang lider na batid ang hirap at karanasan ng kanyang kapwa. 

Mula rito, inihahain ni Arambulo ang pagpanalo ng karapatan ng maliliit na mamamalakaya, pagpapalakas ng lokal na produksiyon at pagdepensa sa mga baybayin at pook-pangisdaan sa banta ng reklamasyon at pribatisasyon. 

Hindi nakabase sa purong karanasan ang pinagbabatayan ni Arambulo sa kanyang mga kaalaman, palaisdaan man o kalikasan. Naniniwala siya na malaki ang gampanin ng siyensya at pananaliksik.

“Kapag ayaw sa scientific, alam mo na,” wika ni Arambulo.

Kagaya ng pagsalubong sa mga alon, walang takot ding nakikibaka si Arambulo sa mga proyektong pumapatay sa kanilang kabuhayan.

Nanguna si Arambulo kasama ang Pamalakaya Pilipinas sa pagtataguyod ng Save Laguna Lake Movement, protesta sa baybayin at dagat ng Zambales para igiit ang karapatan sa West Philippine Sea, at ngayo’y pagtindig laban sa pagpasok ng komersiyal na pangingisda sa katubigang munisipa o 15 kilometro mula sa baybayin.

Hindi limitado sa tubig o isyung pangisdaan ang dadalhin ni Arambulo sa Senado. Kasama rin sa plataporma niya ang pagpapatupad ng mga sustenableng alternatibo upang pangalagaan at protektahan ang kalikasan at pagpapatupad ng mga patakaran na hindi nakasandig sa mga dayuhan.

“Magsasaka, itanim sa Senado!” 

Ito ang sigaw ng lider-magsasaka na si Ramos sa kanyang kampanya sa pagkasenador.

Sa ilalim ng Makabayan Coalition, unang beses na papasok sa politika si Ramos upang isulong ang interes ng milyon-milyong magsasaka’t manggagawang bukid at labanan ang mga naghaharing dinastiya sa pamahalaan, na karamihan mula sa angkang panginoong may-lupa

Tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) si Ramos na ilang dekada ng ipinaglalaban ang karapatan ng mga magsasaka at isinusulong ang tunay na reporma sa lupa.

Mula sa pamilya ng mga magsasaka sa Malolos, Bulacan, mulat si Ramos sa tunay na kalagayan ng agrikultura ng bansa kaya’t ang nais niya’y matugunan ang mga daing ng bawat magsasaka at manggagawang bukid.

“Kaming mga magsasaka, kami ang lumilikha ng pagkain pero kami ang nagugutom at walang makain,” diin ni Ramos.

Dahil sa kawalan ng lupang sinasaka at lumalalang importasyon ng bigas sa ilalim ng Rice Liberalization Law na tunay na pumapatay sa lokal na produksiyon, patuloy na naghihirap ang buhay ng mga magsasaka.

Kung papalaring maupo sa Senado uunahin ni Ramos na ibahagi ang lupang dapat sa magsasaka at pababain ang presyo ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na produksiyon ng palay, gulay at iba pang pananim.

“Hindi totoong wala nang pag-asa sa agrikultura,” giit niya.

Dala ang kanyang karanasan bilang isang lider-magsasaka, si Ramos ang magiging pag-asa at boses ng mga magbubukid sa Senado.

Hindi galing sa dinastiya at walang naglalakihang billboard sa highway, tanging boses at interes ng masa ang bitbit nina Adonis, Arambulo at Ramos sa kanilang pagtakbo.

Hindi ipinanganak sa bulsa ng yaman, ngunit mulat at danas nila bilang manggagawa, mangingisda at magsasaka ang hirap at pagsusumikap ng bawat ordinaryong Pilipino.

Higit pa sa mga platapormang inilalatag ang kandidatura nina Adonis, Arambulo at Ramos, kasama nila ang taumbayan sa bawat isyu at paghahanap ng solusyon.

Hindi personal na laban sa kanila ang pagpuna sa pagsasamantala ng gobyerno at malalaking kompanya. Paggiit ito sa karapatan ng sambayanan. Kaya sa laban ng Makabayan, kasangga nila ang taumbayan.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning