Binatikos ng iba’t ibang sektor ang pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi food poor o nagkukulang sa pagkain ang sinumang may badyet na mahigit P64 kada araw.
Sa isang pagdinig sa Senado ukol sa panukalang 2025 national budget, binahagi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang kalkulasyon ng ahensiya na kailangan lang ng P21.3 kada meal ng bawat Pilipino.
Ayon kay Kadamay secretary general at Samahan at Uganayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki) convenor Mimi Doringo, “malaking biro” ang pahayag ng NEDA.
“Kahit ang kamatis na sinasapaw lamang sa bagong sinaing ay ulam na ng maralita na hindi na magagawa dahil ang maliit nito ay P5 isang piraso,” ani Doringo sa isang pahayag.
Tulak ng ahensiya na mabuhay sa pinakamatipid na paraan ang pamilyang Pilipino, iyong sapat lang para mabuhay. Ayon kay Dennis Mapa, hepe ng Philippine Statistics Authority, nakabatay raw ang P64 sa sample menu ng gobyerno na may “pinaka mababang halaga na mga pagkain.”
Kinuwestiyon din ni Gabriela Women’s Party consultant on peasant women at Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) secretary general Cathy Estavillo ang pinanggalingan ng datos.
“Sa totoo lang, hindi grounded itong Neda at hindi alam ang reyalidad. Tinanong ba nila ang mga nanay sa lungsod o baryo kung magkano ang gastos nila sa pang-araw-araw lalo na sa pagkain?” ani Estavillo.
Sa pag-aaral ng Amihan sa mga baryo’t komunidad, sa isang pamilyang may limang miyembro, kailangan na ng P90 para makabili ng tinipid na isa’t kalahating kilong bigas kada araw. Idagdag pa rito ang karaniwang gastos sa ulam na umaabot sa P135 hanggang P164.37.
Sabi naman ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) vice chairperson Ronnel Arambulo, “Sadyang pinababa ang basehan ng pagiging mahirap para bigyang-katuwiran ang napakababang pasahod sa mga manggagawa at makaiwas ang gobyerno sa responsibilidad nitong magbigay ng ayuda at suporta sa mga naghihirap na sektor.”
Dagdag ni Arambulo, pinapababa rin ng kalkulasyon ng NEDA ang bilang ng mga mamamayang nagugutom at pinagtatakpan ang kabulukan ng kasalukuyang administrasyon.
Hinamon naman ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis si Balisacan at iba pang opisyales ng NEDA na mamili sa palengke at pagkasyahin ang P64 sa isang araw.
Sabi ni Adonis, imbis na magmaniobra ng datos ang ahensiya ay tugunan na lang ng gobyerno ang pangangailangan ng mga manggagawa, magsasaka, maralita, at iba pang sektor para mapababa ang presyo ng mga bilihin at makapamuhay nang disente ang mamamayan.