Paano ba gawin ang breast self-examination? – Pinoy Weekly


Oktubre ang pandaigdigang Breast Cancer Awareness Month para sa kanser na pinakatalamak sa buong mundo. Mainam ang regular na pagpapatingin sa mga clinic o ospital, pero may ilang hakbang pangkalusugan na puwedeng gawin mula sa bahay tulad ng breast self-examination.

Sa regular na pagtingin sa kalagayan ng suso, magiging pamilyar tayo sa normal o karaniwan nitong hulma para mapagmatyag tayo sa anumang kakaibang pagbabago.

  1. Gawin itong self-exam isang linggo pagkatapos ng regla at isang beses kada buwan. Mainam rin humanap ng panahon na masosolo ang kuwarto o banyo dahil kailangan gawin ito nang walang t-shirt o bra.
  2. Sa harap ng isang salamin, tingnan ang itsura ng mga suso habang nakataas ang mga kamay, habang nakapamewang at nakatayong tuwid, at habang nakapamewang nang medyo nakayuko.
  3. Tingnan kung walang kakaiba sa kulay o kutis ng suso at pati ng utong. Dapat walang pamamaga o pamumula.
  4. Sunod na itaas ang isang kamay at kapain nang medyo madiin ang kilikili gamit ang tatlo o apat na daliri. Himasin ang bahaging ito nang pababa at tingnan kung may nararamdamang bukol. Gawin ito sa kabilang kilikili pagkatapos.
  5. Habang nakataas pa rin ang kamay, dahan-dahang kapain ang suso gamit ang tatlong daliri. Gawin ito nang paikot, simula sa may bandang kilikili, palibot sa suso at papalapit sa utong. Gawin rin ito sa kabilang suso pagkatapos.
  6. Ulitin ang mga hakbang 3 hanggang 5 habang nakahiga. Pakiramdaman kung may bukol o kakaibang pananakit sa mga suso.

Oras na may mapansing mali, kumonsulta sa pinakamalapit na clinic o ospital. At kahit walang mapansing kakaiba, mainam pa rin na magpatingin sa eksperto isang beses kada tatlong taon kung nasa edad 20 hanggang 39 o isang beses kada taon kung lagpas sa 40 taong gulang.

Maganda ring maengganyo ang ating mga kaibigan at kapamilya. Tandaan, hindi dapat ikinakahiya ang usaping pangkalusugan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!