Madalas tampok ang usapin tungkol sa etika ng mga mamamahayag. Dapat bang pagkatiwalaan ng masa ang mga tagapagbalita? Ano ba ang batayan para masabi na may kredibilidad sila?
Isang dula ang naisabuhay sa pagnanais na kilalanin ang mahalagang gampanin ng mamamahayag at ang dahilan kung bakit tila hindi sapat ang kahusayan ng isang peryodista ng bayan. Ito ang temang itinatampok ni Elijah Felice Rosales sa kanyang dulang “Human Rights Story of the Year” sa Virgin Labfest ngayong taon.
Sa “Human Rights Story of the Year,” hinahamon ang konsepto ng midya bilang tagapangalaga ng katotohanan, hindi para siraan ang mga pampublikong institusyong, kundi upang bigyan ito ng konstruktibong puna.
Umiikot ang dula sa kuwento ni Ish, isang human rights journalist na nakatakdang tumanggap ng parangal sa New York City para sa kanyang in-depth story.
Ilalahad dito ang naging danas ni Ish mula sa kanyang dating kasamahan sa diyaryo na ngayo’y kawani ng gobyerno na si Doy.
Dahil magkaiba ang nilalayon ng midya at pamahalaan, tila naging kuwestiyon para kay Doy ang parangal na matatanggap ni Ish, kaya para sa kanya, hindi ito karapat-dapat para sa parangal.

Noong 2024, sinimulan ni Rosales ang pagbubuod ng dula na tampok ngayon sa Virgin Labfest.
Kuwento ni Rosales, “Halos isang dekada na akong journalist at palagi pa rin akong nahaharap sa gray lines o iyong mga sitwasyong naghahatakan ang tama at mali.”
At naging inspirasyon ito kay Rosales upang buuin ang dula. Naging tanong din sa kanya kung paano nga masasabi na kredibilidad ang isang balita.
Ayon kay Rosales, para lang maging objective ang balita, kailangan bang bigyan ng plataporma ang mga napatunayan nang sinungaling tulad ni Donald Trump? Hanggang saan ang hangganan ng bawal maging kaibigan ang sources ng balita? Kapag ginagamit sa balita ang kuwento ng marhinado, sino ang nakikinabang—ang marhinado o ang midya?
Dahil sa iba’t ibang kritisismo at pamantayang walang bahid na pagkakakilanlan, nais ni Rosales na magkaroon ng bukas na isip at diwa ang mga manonood at suriin at pakinggan ang danas ng mga mamamahayag.
Bilang manunulat ng iba’t ibang akda, naniniwala si Rosales na darating ang araw na wala nang manunulat na matatakot sumulat ng mga akdang nagsusulong ng mga karapatan ng masa.
Dahil sa natatanging hilig sa pagsusulat, naging fellow si Rosales ng Virgin Labfest Writing Fellowship at Palihang Rogelio Sicat noong 2024.
Ang Virgin Labfest ay isang kolaborasyon ng Cultural Center of the Philippines, The Writers Bloc at Tanghalang Pilipino na nagsimula pa noong 2005.
Bilang manunulat, nakatanggap ng iba’t ibang pagkilala si Rosales. Kabilang rito ang parangal mula sa Economic Journalists Association of the Philippines Business Journalism Awards, Telco-Transport Reporter of the Year noong 2023, Finance Reporter of the Year noong 2022 at Trade Reporter of the Year noong 2019. Isa rin siya sa mga co-author ng Tobacco Story of the Year noong 2019.
Batid niyang mahirap maging bingi-bingihan sa katotohanan. Mahirap magsulat, ngunit kinakailangan.