Finance & Remittances

Pag-ibig ang puso ng Santatlo – Pinoy Weekly

Pag-ibig ang puso ng Santatlo – Pinoy Weekly


Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo – Exodo 34:4b-6, 8-9 | Daniel 3 | 2 Corinto 13:11-13 | Juan 3:16-18

Isa sa pinakamahirap gawan ng pagninilay ay ang katuruan ng Banal na Santatlo. Ang naturang katuruan ay isa sa pinakamahalagang paniniwala sa Simbahang Katolika, ngunit isa rin ito sa pinakamalalim at pinakamahirap unawain.

Kapag mali ang pagpapaliwanag, madaling mahulog sa maling pag-unawa tungkol sa Diyos. Kaya siguro, para sa akin, isa sa pinakaligtas at pinakamagandang paraan ng pagninilay tungkol sa Santatlo ay hindi ang piliting ipaliwanag kung paano nagiging tatlong persona ang iisang Diyos, kundi pagnilayan kung paano umiibig ang Diyos.

May isang teologo na si Bruno Forte na nagsabi na ang Simbahan ay larawan ng Banal na Santatlo. Ang Santatlo ay isang komunyon ng pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba na pinag-uugnay ng pag-ibig. Grabe, ano?

Magkakaiba ang Ama, Anak at Espiritu Santo, ngunit hindi sila nag-aagawan ng kapangyarihan, hindi sila nag-uunahan at hindi silanagbabanggaan ng adyenda. Ang nagbubuklod sa kanila ay pagmamahal. At marahil, dito natin mas maiintindihan kung sino ang Diyos: hindi isang malayong hukom, kundi isang walang hanggang ugnayan ng pag-ibig.

Makikita natin ito sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Exodo. Pagkatapos ibigay ng Diyos kay Moises ang Sampung Utos sa Bundok ng Sinai, nagpakilala Siya hindi bilang isang mapaghiganting Diyos, kundi bilang “mapagmahal at maawain,” hindi madaling magalit, at patuloy na nagmamahal.

Napakahalaga nito. Madalas kasi, iniisip natin na ang mga utos ng Diyos ay puro bawal, puro limitasyon, puro pagkontrol. Ngunit ipinapakita ng pagbasa na ang mga utos ay bunga ng pagmamahal. Ang Diyos na nagbibigay ng utos ay Diyos na nagmamahal.

Sa orihinal na wikang Hebreo, ang salitang ginamit dito ay “hesed.” Mahirap itong isalin sa isang salita lamang. Hindi sapatang “pag-ibig” at hindi rin sapat ang “katapatan.” Ang “hesed” ay pag-ibig na hindi bumibitaw. Pag-ibig na nananatili kahit paulit-ulit tayong nagkukulang. Pag-ibig na hindi nakabase sa kung karapat-dapat ba tayo o hindi. Pag-ibig na nananatili dahil iyon mismo ang pagkatao ng Diyos.

Kaya nga kahit paulit-ulit maging matigas ang ulo ng Israel, kahit paulit-ulit silang bumagsak sa kawalan ng tiwala at pagtataksil, nananatiling tapat ang Diyos. Hindi dahil magaling ang Israel, kundi dahil ang Diyos ay Diyos.

Ang pagmamahal Niya ay hindi simpleng covenantal agreement lang na maaaring bawiin kapag hindi tumupad ang kabilang panig. Higit pa ito sa isang kasunduan sapagkat ang pagmamahal mismo ang Kanyang pagkakakilanlan.

Sa Salmo naman, paulit-ulit ang sambit: “Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.” Ang pinupuri natin ay hindi lang isang makapangyarihang Diyos, kundi Diyos na nananatiling mapagmahal kahit hindi tayo kaibig-ibig. Diyos na hindi sumusuko sa tao kahit ang tao ay matagal nang sumusuko sa Kanya.

Sa Mabuting Balita, ating maririnig ang isa sa pinakasikat at pinakasaulong talata sa Bibliya: “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.”

Hindi ipinadala si Hesus upang agad hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ito. Minsan kasi, mas madali tayong maniwala na galit ang Diyos kaysa mahal tayo ng Diyos. Mas madali nating isipin na lagi Siyang naghihintay sa ating pagkakamali kaysa naghahangad ng ating pagbabalik-loob. Ngunit malinaw ang Ebanghelyo: ang unang galaw ng Diyos ay pagmamahal.

Sa Ikalawang Pagbasa naman mula sa Ikalawang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto, dito natin naririnig ang Santatlo in action, “Nawa’y sumainyo ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo.”

Dito, para nating nakikita ang galaw ng bawat Persona ng Santatlo: si Hesus ay nagpapala, ang Ama ay umiibig at ang Espiritu Santo ang nagbubuklod. Ang buong buhay ng Diyos ay pag-ibig na umaabot, yumayakap at nag-uugnay.

Kaya sa Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo, tayo’y binibigyan ng isang hamon. Kung ang Diyos ay komunyon ng pag-ibig sa gitna ng pagkakaiba, paano tayo namumuhay bilang bayan?

Sa panahon ngayon, parang mas nangingibabaw ang “kami laban sa inyo.” Lalo itong nakikita sa ating politika. Kapag iba ang kulay, iba ang kandidato, iba ang opinyon, para bang hindi na agad tao ang tingin natin sa isa’t isa. Minsan, mas mabilis pa nating husgahan kaysa unawain. Mas mabilis magbansag kaysa makinig.

Unti-unti, hindi na tao ang nakikita natin kundi kulay. Hindi na kapwa Pilipino kundi kalaban. Hindi na kapatid kundi kaaway.

Ngunit ang Santatlo ay paalala na ang pagkakaiba ay hindi hadlang para magmahal. Hindi kailangang maging pare-pareho para magkaisa. Hindi kailangang magkapareho ng pananaw para kilalanin ang dignidad ng isa’t isa.

Ang tunay na pag-ibig ay hindi pagbura sa pagkakaiba, kundi pagtanggap na sa kabila ng pagkakaibang ito, may isang bagay na mas malalim na nag-uugnay sa atin: ang ating pagiging tao, at bilang Pilipino, ang ating pagiging magkababayan.

Sa mundong mabilis magtulak sa atin na mamili ng panig at magtanim ng galit, hinahamon tayo ng Banal na Santatlo na matutong magmahal tulad ng Diyos: pagmamahal na hindi agad sumusuko, hindi agad nagtatapon at hindi agad nanghuhusga. Pagmamahal na marunong tumingin sa dignidad ng tao bago sakulay, partido o paniniwala.

Hindi ko man naibigay ang isang coherent na paliwanag tungkol sa Banal na Santatlo dahil ito’y isang misteryong hindi kayang lubusang maunawaan kahit ng pinakamahuhusay na teologo.

Ngunit marahil, kung may isang bagay tayong dapat tandaan tungkol sa Diyos, ito iyon: pag-ibig ang puso ng Santatlo. At sa tuwing pinipili nating magmahal sa gitna ng pagkakaiba, baka mas lalo nating nakikilala kung sino ang Diyos.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning