Ibinalik na ang kantang “Selos” ni Bangsamoro pop (B-pop) artist Shaira Moro sa mga streaming platforms sa kabila ng isyung legal na kinaharap.
Natuldukan na ang kontrobersiya nang maglabas ng pahayag ang tinaguriang “Queen of B-pop,” sa Facebook page ng AHS Channel nitong Abril 7.
“Naging mahinahon at mapayapa ang pag-uusap namin ng kampo ni Lenka at nauwi ito sa pagkakaroon ng kasunduan hinggil sa pamamaraan na muling paglabas ng kanta sa mga online streaming platforms,” ani Shaira.
Pumatok ang kanta nitong Marso at umani ito ng 24 milyong pinagsamang views mula sa ilang social media platforms gaya ng Tiktok, Facebook at YouTube.
Naging sanhi ito ng pagtawag ng atensiyon sa Australian singer-songwriter na si Lenka dahil sa pagkakapareho ng kanta ni Shaira sa “Trouble is a Friend.”
Dahil dito, boluntaryong inalis noong Mar. 9 ng AHS Productions, record label ni Shaira, ang awit sa ilang media platforms dahil sa isyu ng copyright.
Isyu ng copyright
Hindi inaakala ng B-pop artist na si Shaira na sisikat ang kanyang kantang “Selos” ayon sa isang video mula AHS Channel Facebook page. Hindi rin niya inaasahang hahantong ito sa banta ng “copyright infringement.”
Ganunpaman, mahalagang maunawaan na ang isyu ng copyright ay seryoso at hindi dapat ipagsawalang-bahala.
Sa usaping legal, kinakailangang humingi muna ng permiso sa orihinal na artista bago ito magamit sa mga pansariling interes.
“Ang paggamit kasi ng artistic work or melody ng isang kanta nang walang pahintulot mula sa copyright owner nito ay maituturing na isang copyright infringement,” ayon sa abogadong si Jass May Santiago.
Aminado naman ang AHS na ginamit nga ang melodiya ng kanta ni Lenka na “Trouble is a Friend” sa kantang “Selos.”
“As most of you know, the melody that we have used is originally from a song entitled “Trouble is a Friend” by Lenka and as of the moment, we are already in contact with her team for us to make “Selos” an official cover,” pahayag nila sa kanilang opisyal na Facebook page.
Pinagmulan ng ‘Selos’
Sa kasalukuyan, mayroon nang 13 milyong views ang awit na “Selos” sa YouTube, mahigit 3 milyong streams sa Spotify at 33.1 million views sa kanyang live performance sa TikTok. At tuloy-tuloy pa rin ang dagsa ng mga natutuwa sa awit na ito.
Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, may naunang bersiyon ang kanta.
Unang kinanta ng isa ring Moro singer na si Norhana Ambulodto ang Maguindanao version nitong “Pakadselos” o sa Tagalog ay “Sobrang Selos” noong 2022.
Isinulat ito ni Krishna Ares Glang o AG sa wikang Maguindanao-Iranun at kasalukuyan itong may humigit 2 milyong views sa YouTube.
Ugat ng musikang Moro
Tunay na masigla at nakakaindak ang awit na “Selos” ni Shaira. Ngunit kung magbabalik-tanaw, nag-ugat sa kasaysayan ang mga awiting Moro.
Ayon sa pag-aaral na “From Rebel Songs to Moro Songs: Popular Music and Muslim Filipino Protest” ni Mary Talusan, isang ethnomusicologist at propesor, unang matatala ang awiting Moro sa panahon ng pag-usbong ng rebelyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) noong dekada ‘70.
Panahon ito ng pagdanas ng opresyon ng mga Muslim sa ilalim ng diktadura ng rehimeng Marcos Sr.
Matindi ang digmaan sa pagitan ng mga militar at ng mga Muslim noong 1973 hanggang 1977 at nabansagan itong Bangsamoro Rebellion.
Nakaapekto ang marahas at mapanupil na pangyayaring ito sa kaugalian at mga awiting Moro.
Dahil dito, nakagawian ng mga kabataang mandirigma na palitan ng lirikong Maguindanaon ang pag-awit sa ilang sikat na Kanluranin at Pilipinong kanta.
Madalas na ekspresyon ito ng kanilang mga saloobin sa kanilang politikal at personal na pakikibaka noong panahong iyon.